Ulat nina: Suzanne Gabrielle Borja at Xchaina Amo
Malaking bahagi ang iba’t ibang uri ng transportasyon sa bawat estudyante patungo sa isang matagumpay na buhay. Bilang mga estudyante, mahalagang aspeto para sa magkapatid na Jaycee at Jude Villaraza ang mga pampublikong transportasyon na nagdadala sa kanila mula sa kanilang bayang kinalakhan tungo sa landas ng tagumpay.
Kapwa estudyante sina Jaycee at Jude sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB), 72 kilometro ang layo mula sa kanilang tahanan sa bayan ng Lucena, Quezon. Tinatayang nasa tatlong oras ang kanilang biyahe patungo sa unibersidad, at kaakibat din nito ang kalbaryo ng pagiging komyuter.
Tren o bus lamang ang kanilang pagpipilian, at bilang mga estudyante at komyuter, kalakip ng desisyong ito ang pagsaalang-alang ng kanilang badyet, oras, at kaginhawaan.
Sandaang Pisong Diperensya
Biyaheng tren o biyaheng bus — ito ang laging umiikot sa isip nina Jaycee at Jude tuwing luluwas patungong Los Baños. Dahil sa kanilang limitadong allowance, mas pinipili nila ang biyahe kung saan sila mas nakatitipid.
Para kina Jaycee at Jude, malaki ang diperensya sa pamasahe kung ikukumpara ang biyaheng tren at bus. Sa kabuuan, makamumura ang magkapatid nang halos sandaang piso kung pipiliin nila ang biyaheng tren. “Php 191 in total [ang pamasahe sa biyaheng bus], compared sa tren na Php 95 lahat,” kwento ni Jude. Dagdag pa rito ang halos kalahati na matitipid nila sa tren. Kwarenta pesos (Php 40) lamang kasi ang student rate sa tren para sa biyaheng Lucena-San Pablo, kumpara sa student rate ng parehong biyahe ng bus na Php 81.
Ibinahagi rin ni Jaycee na mas kaunti ang paglipat ng sasakyan upang makarating ng Los Baños, na isa rin sa dahilan kung bakit mas nakatitipid sila sa biyaheng tren. “Actually, mas mura ang tren. Tapos, less lipat-lipat ng sasakyan, ayun. Kasi kapag tren, ayan na. Kapag bus, andami din talagang sakay,” ani Jaycee.
Hindi na alintana nina Jaycee at Jude ang magsakripisyo ng ilang oras na tulog upang maabutan ang limitado ngunit mas tipid at mas komportableng biyahe sa tren, na kalauna’y malaking tulong sa kanilang pag-aaral.
“Sa mundong pinaiikot na ng kapitalismo, ang bawat sentimo na maitatabi sa pagpili ng biyaheng tren sa halip na bus ay makatutulong na sa pantustos ng iba pang mga pangagailangan [namin] tungo sa mas maayos na pag-aaral, tungo sa tagumpay,” pagpapahayag ni Jude.
Kuwento naman ni Jaycee, sa kabila ng isang taon niyang kasanayan sa biyaheng bus, sinubukan nilang sumakay ng tren noong nakaraang semestre dahil kasama na niya ang kapatid sa pagbiyahe. Bukod sa mas nakatipid sila, ang dagdag ginhawa ng biyaheng tren ang nag-udyok sa kanila upang mas tangkilikin ito.
“Parang naisip namin, ‘try kaya natin sa tren’, kasi nga mas mura. Tapos kasama ko naman na si Jude, so kahit madaling araw yung alis, or gabihin, okay lang kasi may kasama na ako. Tapos nung nakita naming okay naman pala, consistent na, nagtren na lang kami,” hayag ni Jaycee.
Maginhawang Biyahe
Itinuturing ng magkapatid na mas madali at komportable ang biyaheng tren sa iba’t ibang dahilan. “Nilalakad ko na lang po pauwi since malapit lang naman (ang bahay namin sa istasyon ng tren),” ani Jude. Dagdag na rin sa dahilan ng pagtangkilik nila rito ay ang lamig sa loob ng tren, at ang kasiguraduhang lagi silang may mauupuan. “Ayos naman. Kasi sa tren naman, feeling ko ayos naman yung aircon. Tapos hindi siya sobrang sikip. Maraming seats na pwedeng mag-accommodate ng mga tao,” dagdag niya.
Bukod pa riyan, kumpyansa rin si Jaycee sa kanilang kaligtasan kapag bumabiyahe sa tren. Bagama’t inaabot na ang magkapatid ng dilim sa biyahe kung minsan, hindi sila nag-aalala sa kanilang kaligtasan dahil laging may mga bantay sa istasyon ng tren na nagsisiguradong ligtas at maginhawa ang kanilang biyahe.
Kwento ni Jaycee, “safe siya. Tapos sa stations naman, may mga guards din naman talaga na nagchcheck ng mga bags, bago ka papasukin din ng station. Tapos ayun nga, sa mismong tren, may mga marshalls doon sila din yung nagsasabi minsan na ‘Candelaria na po’.”
Sa kabila ng limitadong biyaheng tren, ang kasiguraduhang hindi mabigat ang daloy ng trapiko at ang makarating sila sa kanilang paroroonan sa nakatakdang oras ay tulong na rin para sa mga estudyanteng tulad nila upang makapagpahinga pa at makapaglaan ng dagdag na oras para sa gawain sa unibersidad.
Ani Jaycee, “Bagama’t mistulang simpleng desisyon ang pagpili ng sasakyan patungo sa Los Baños, ang ekstrang oras na ibinibigay ng mas mabilis na biyahe ng tren at ang kapahingahan na natatamo namin sa tuwing kami ay sumasakay at nakatutulog nang mahimbing sa biyahe ay malaking tulong na upang magkaroon kami ng karagdagang oras at lakas para manalangin at magpursige tungo sa tagumpay.”
Kahilingan tungong Tagumpay
Biyaheng tren man o bus, pareho ang kahilingan ni Jaycee at Jude hinggil sa pampublikong transportasyon – ang mas maayos na sistema para sa kaginhawaan ng mga komyuter, maging ng mga drayber.
“Maayos na seguridad at maginhawang daanan patungong istasyon, organisadong proseso at sapat na pasilidad sa terminal at sa mismong sasakyan, makatwiran na pamasahe, at akmang oras ng pagbyahe – ilan sa tingin kong dapat na maipagkaloob sa bawat komyuter. Tungo sa maayos na sistema para sa lahat, sa pribado at lalo’t higit sa pampublikong transportasyon,” ani Jude.
“Sa bawat desisyon na ipapatupad, hangga’t maaari ay laging isaalang-alang ang kapakanan at kaligtasan ng mga komyuter, lalo na at karamihan naman sa mga mamamayan natin ay komyuter,” pagtatapos ni Jaycee.