Ulat nina: Redjie Florendo at AC Cabral
Sa bawat kilometrong mababaybay sa kahabaan ng riles, iba’t ibang makukulay na kwento ang mapakikinggan mula sa mga residenteng naninirahan dito — maaaring tungkol sa kanilang tagumpay, mga hamon, pagsusumikap, at pag-asa. Marahil para sa trolley drivers, ang pang-araw-araw na pagbagtas sa kahabaan ng riles ang siyang naging daluyan ng kanilang mga kwento sa paninirahan dito.
Batid ang kalayuan at kahirapan sa paglalakad sa mababatong daanan sa riles kung kaya’t napakalaking kaginhawaan ang pagkakaroon ng mga trolley at trolley driver.
Sa Barangay San Antonio sa Los Baños, Laguna, naging parte na ang trolley sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga residente roon dahil ito na rin ang nagsisilbing kanilang pangunahing transportasyon. Isang samahan ng mga trolley driver ang nabuo mismo sa lugar na kilala bilang SANTO o San Antonio Trolley Organization. Ito ang natatanging samahan ng trolley drivers na matatagpuan sa buong Los Baños, Laguna.
Sa kasalukuyan, ang samahan ay mayroong bilang na 120 trolley drivers na nagbibigay serbisyo sa lugar. Humigit-kumulang 70 sa mga ito ang mga regular na namamasada araw-araw. Magsisimula sila pagpatak ng alas-kwatro ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, at kung minsan ay umaabot pa ng alas-syete ng gabi.
Kagaya ng ibang mga pampasaherong sasakyan, ang mga trolley ng San Antonio ay mayroong pila. Ito ay upang makatiyak na ang bawat isa ay kikita. Sa bawat pasahero, nakakokolekta sila ng halagang sampung piso.
Kakaunting halaga man para sa iba, malaki pa rin ang pagpapahalaga ng mga trolley driver sa kanilang hanapbuhay lalo na’t hindi lamang mga pasahero ang nahahatiran nila ng serbisyo, kundi pati na rin ang kanilang pamilya bilang ito ang pangunahing pinagkukunan nila ng pantustos sa kanilang pang-araw-araw.
Tulak para sa Pamilya
Siyam na taong gulang pa lamang si Tatay Ruel Ogalin nang matuto siyang mag-trolley. Ngayon ay 51 taong gulang na siya at patuloy pa rin sa hanapbuhay na ito.
“Talagang ito na iyong napamahal sa akin kasi ito na ‘yung pinagkukunan naming [pamilya] ng source of income,” dagdag ni Tatay Ruel.
Matapos masawi ang kanyang asawa noong 2009, mag-isa na lamang niyang itinataguyod ang dalawa niyang anak sa pamamagitan ng pagto-trolley. Sa ngayon, ang kanyang bunsong anak ay nasa ika-11 na baitang na ng pag-aaral.
Gaya ng kasipagan at sakripisyo ni Tatay Ruel, ganoon din ang pagpapahalaga ng iba pang trolley drivers ng San Antonio sa kanilang hanapbuhay at pamilya. Kwento nila, pagto-trolley ang naging sandigan upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya.
Katulad ni Tatay Ruel, sa 14 na taong pamamalagi ni Tatay Roderick “Dick” Bayrante sa tabing riles ng San Antonio kasama ang kanyang pamilya, nakagisnan rin niya ang pagtutulak ng trolley sa lugar. Tanging dito lamang din nakadepende ang kanyang pamilya.
Ayon sa mga trolley driver, umaabot lamang ng Php 300 hanggang Php 600 ang kanilang kinikita sa isang araw.
Sa maliit na kita mula sa pagto-trolley, kinakailangan ang matinding pagtitipid upang mapagkasya ito dahil sapat lamang ang kita ng mga trolley driver sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang mga pamilya.
“Tipid. Tinatantya na lang… kailangang pag-abutin eh. Kung tutuusin nga kulang pa eh… kulang talaga pero syempre kailangan mong budget-in,” ani Tatay Dick.
Kaya naman sa kabila ng santing ng araw at sakit ng katawan sa pagtutulak ng trolley, patuloy pa rin silang lumalaban at nagsusumikap para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Kultura ng Padyak at Tulak sa San Antonio
Para sa mga residente ng San Antonio, ang pagto-trolley ay mabisang transportasyong nakaukit na sa kanilang kultura.
Ayon kay Tatay Ruel, ang kadalasang sumasakay sa kanila ay mga estudyante, residenteng maraming bitbitin, at mga pasaherong iniinda ang init ng panahon at layo ng lugar na kanilang patutunguhan.
“Hindi naman ganun kaalwan [kadali] maglakad sa riles. Hindi siya patag katulad sa kalsada kaya malaking bagay [para sa mga residente ang sumakay sa trolley],” ani Tatay Ruel.
Ibinida rin ni Tatay Ruel na minsan na ring napakiusapan ang trolley drivers para sa pangangampanya sa kanilang lugar.
“Kapag eleksyon, ina-arkila ang mga trolley drivers,” pagbabahagi ni Tatay Ruel.
Sa kabila ng di maitatangging halaga ng mga trolley at trolley driver sa komunidad, hindi pa rin ito makaiiwas sa pangambang dala ng pagbabalik-operasyon ng tren.
Pangamba sa muling pagbusina
Sa pagpasok ng panibagong buwan ng Abril, ang dating tilaok ng manok na kadalasang gumigising sa mga residente na naninirahan malapit sa riles ay nasapawan na ng isang malakas na pag-ugong.
Hudyat ito ng muling panunumbalik ng pampasaherong tren ng Philippine National Railway (PNR) sa rutang Calamba – Lucena. Hudyat din ito ng panibagong kabanatang nakaabang para sa mga residenteng naninirahan sa tabing riles.
Bukod sa doble-ingat na kanilang kinakailangan, nandiyan ang pangamba sa kanilang mga hanapbuhay. Mula sa sari-sari store sa bawat kanto, mga raket, hanggang sa pagto-trolley, lahat ay apektado.
Para kay Tatay Dick, isa itong malaking hamon para sa kanila .
“Minsan imbes na magkakarga ka na.. ang gagawin mo, syempre ‘pag alam mong oras ng daan ng tren palilipasin mo muna ‘yung byahe ng tren,” aniya.
Ayon naman kay Tatay Ruel, sa pagtagal ay nasanay na rin sila sapagkat alam na nila ang iskedyul ng pagdaan ng tren sa lugar.
“Ngayon, bale ang daan [ng tren], dalawa lang eh [umaga at hapon] hindi katulad nung continuous ang daan niya, regular,” ani Tatay Ruel.
Sa usapin sa pagitan ng trolley at tren, nagagawan pa rin ng paraan ng mga trolley driver ang paghahanapbuhay sa kabila ng posibleng panganib na dala ng pagbabalik-operasyon ng tren. Ngunit kaakibat din nito ang hindi klarong usapin tungkol sa lupang pinagtitirikan ng mga bahay sa tabing riles at ang posibleng relokasyon ng mga residenteng naninirahan dito.
Aksyon sa Relokasyon
Sa maraming taong paninirahan ng mga residente malapit sa riles ng tren, ang usapin sa posibleng relokasyon ay isa sa mga patuloy nilang agam-agam.
Sa isang artikulong nailathala noong nakaraang taon, sinabi ni Karen Coronado, puno ng Municipal Urban Development and Housing Office (MUDHO) ng bayan ng Los Baños, na sa unang kalahati ng taong 2024 ay inaasahang mayroon nang lugar na pagtatayuan ng mga bahay at paglilipatan ng mahigit dalawang libong residente ng Brgy. San Antonio na kabilang sa proyekto ng relokasyon.
Bagama’t wala pa muling aksyon ang lokal na pamahalaan tungkol sa nasabing plano, nananatiling bukas ang mga residente ng Brgy. San Antonio sa posibilidad ng pagpapatupad ng relokasyon ngayong nagbabalik na muli ang byahe ng tren mula bayan ng Lucena hanggang sa lungsod ng Calamba.
“Pero kung ako ang tatanungin, kami, wala kaming karapatan makipaglaban dahil totally, hindi naman talaga amin yan. Ngayon ang sa akin lang, if may lilipatan naman talaga sila, katulad ng mga mamamayan dyan, okay na ‘yun sa akin,” ani Tatay Ruel.
Tanging hiling ng ilang mga residente sa lugar ay ang konkretong plano ng gobyerno lalo’t higit para sa mga maaapektuhang hanapbuhay roon. Dahil para sa tulad ni Tatay Ruel at Tatay Dick na mga trolley driver, sa bawat padyak at tulak ng trolley nakasalalay ang pag-asang maihatid ang magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya.