Ulat nina Louella Tan at Denise Tapay
Mga litrato ni Louella Tan
Isinagawa ngayong araw ang libreng pagbabakuna laban sa Human Papillomavirus (HPV) para sa mga batang babaeng edad 9-14 at Cervical Cancer Screening sa Barangay Hall ng Brgy. Batong Malake.
Ito ay isinulong ng Brgy. Batong Malake LGU, Rotary Club of Los Baños Makiling, Sigma Alpha NU Sorority ng UP Los Baños, at volunteer healthcare workers.
Sa diskusyon ni Dr. Jesus Randy “Bogs” Rivera, tagapagtatag ng CerviQ, hinihikayat niya ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak at makilahok sa cervical screening upang maiwasan ang pagkakaroon ng HPV na nagdudulot ng cervical cancer. Aniya, maituturing itong “silent disease” dahil hindi agarang nararamdaman ang sintomas ng naturang kondisyon.
Tinalakay naman ni Dr. Alvin Isidoro, Municipal Health Officer ng Los Baños, ang kahalagahan ng pagpapabakuna sa murang edad kasabay ng regular na screening kada 3-5 taon.
Isa ang Brgy. Batong Malake sa mga lugar sa CALABARZON na naunang gumamit ng teknolohiyang AI sa cervical screening kung saan mas mabilis na ang pagkuha ng result upang epektibong maaagapan ang HPV sa lalong madaling panahon.