BUSINA SA LANSANGAN: Si Ka Elmer at ang mga Sigaw ng Kalsada

Ulat nina: Mary Antonie Joan Alberto at Angelo James Fababeir

Sa gitna ng tirik na araw at matinding trapiko, karaniwang hawak ng mga tsuper ang kanilang manibela at pambarya habang binabagtas ang pang-araw-araw nilang ruta. Ngunit, higit sa manibela at barya, bitbit ni Miguel “Ka Elmer” Portea ang kaniyang mikropono, placards, at ang nag-aalab na damdamin sa pakikibaka bilang kinatawan ng sektor ng transportasyon sa probinsya ng Laguna. 

Kilala ang 54 na taong gulang na si Ka Elmer sa mundo ng pakikibaka para sa sektor ng transportasyon sa Laguna. Nagsimulang mamasada noong 1996, siya ang kasalukuyang Executive Secretary ng Southern Tagalog Region Transport  Sector Organization – Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (STARTER-PISTON), isang progresibong grupo ng mga tsuper at opereytor ng dyip sa Timog Katagalugan.

SIGAW NG PAKIKIBAKA. Si Ka Elmer (gitna) ng STARTER-PISTON ang isa sa mga pangunahing tagapagsalita ng sektor ng transportasyon sa laban ng PUV Modernization Program. (Larawan mula sa STARTER-PISTON)

Mga Inspirasyon at Motibasyon

‘Di hamak na nakaugat na sa buhay ni Ka Elmer ang kaniyang pakikibaka. Isa sa naging pangunahing dahilan niya ay ang kanyang naranasang kahirapan. Kwento niya, “Si Ka-Elmer, simpleng tao lang. Pero noong bata pa ako, wala pa ako sa organisasyon, mulat na ako. Kasi buhat sa aking pinanggalingan sektor ng mga magsasaka, naranasan ko talaga ‘yung hirap.” 

Hinarap din ni Ka Elmer ang mga hamong dala ng mga responsibilidad bilang kasapi ng mga aktibong transport groups at bilang asawa at ama. Ang pag-oorganisa niya ng mga kapwa tsuper at opereytor ay nangangahulugang bawas na oras para sa kanyang pamilya. Aniya, ‘di kalaunan ay naging parte ito ng dahilan ng paghihiwalay nila ng kanyang asawa. Gayunpaman, tuloy pa rin ang suporta at pagmamahal niya sa kanyang mga anak. 

“Naghiwalay din kami ng asawa ko. Pero tuloy-tuloy namang nag-aaral [ang] mga anak ko hanggang sa nagsipagtapos na ang aking mga anak. Iyong panganay ko, Mechanical Engineer. Iyong bunso ngayon, graduating din. Accountancy siya,” wika niya. 

Walang sinumang magulang ang naghahangad ng hindi mabuti para sa kanyang anak, kung kaya’t ganun na lamang ang pagnanais ni Ka Elmer na makamit nila ang magandang kinabukasan. Para sa kanya, walang hamon ang hindi maaaring lampasan dahil sila ang kaniyang pangunahing inspirasyon at motibasyon na magpatuloy sa pakikibaka.

Sabi ko na ayokong pagdating ng panahon na sasabihin ng aking magiging apo na pinabayaan ko lang ang aming sektor — na nagmahal ang bilihin, nagmahal ang presyo ng makakain. Anong sasabihin ng mga anak ko, ng mga kasamahan ko, kung hindi tayo mag-oorganisa, kung tayo ay titigil o magpapakita ng kahinaan,” aniya.

Buhay Pakikibaka 

Unang pumasok sa mundo ng pakikibaka si Ka Elmer nang siya ay maging Secretary-General ng February 6 Movement noong 1992 habang empleyado ng Maquiling Lumber. Panawagan nila ang mas maayos na sweldo, pagbabayad ng kanilang SSS (Social Security System) accounts, at pagbabawas ng legal deductions

Siya rin ay naging miyembro ng El Danda–Forestry Jeepney Operators and Drivers Association (ELF-JODAI), na dating UP Los Baños Jeepney Drivers Association (UP-JDA), nang magsimula siyang mamasada noong 1996. Kalaunan, sumali na rin siya ng Bagong Alyansang Makabayan – Makabayan at Ugnayan ng mga Mamamayan para sa Adhikain ng Bayan (BAYAN-MUNA), kung saan kasama siya lumaban kontra demolisyon sa mga urban poor communities at sa bawat pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin. 

Mula 2013 hanggang 2014, napagpasyahan ni Ka Elmer na magpahinga sa pakikibaka bago ang Pambansang Halalan. Bumalik siya bilang miyembro ng STARTER-PISTON noong 2015 at tumigil sa pamamasada upang ibuhos ang kanyang oras sa aktibismo.

Ang kaniyang pagkakakulong at pagkakasangkot sa mga gitgitan ng mga pulis ay ang pinakatumatak kay Ka Elmer sa pagpapaingay ng mga panawagan ng sektor ng transportasyon. Saad niya, kakambal ng pakikibaka para sa maliliit na sektor ng lipunan ang mga panganib ng dahas.

Pagbabahagi nya, “Gusto kong ipagpatuloy ito [pakikibaka] dahil nasimulan na. Siyempre, ‘yung mga pasahero ko namimiss ko rin. Utang ko sa aking mga pasahero ang aking mga tagumpay,” pagbabahagi niya. Kung mabibigyan aniya ng pagkakataon, bukas pa rin siya sa posibilidad na manumbalik sa pamamasada.

Bagaman transportasyon ang nasa sentro ng kanyang pakikibaka, hindi naging limitado rito ang mga panawagan ni Ka Elmer. Ipinaglalaban din niya ang mga uring-manggagawa, kababaihan, at mga urban poor. Dahil dito, bumubuhos ang suporta para sa kanya at sa kanyang mga kasamahan sa lalawigan ng Laguna.

Kuwento nya, “Tuwang-tuwa ako na sa tuwing may Feb Fair, palagi akong kasama sa [nagiging] speaker. Sabi ko nga, bilang lokal ng Los Baños, ay di ko matatanggihan ang mga paunlak talaga ng UP. Kumbaga, nagpalakas din ng loob sa akin na tumindig doon sa aking kinalalagyan ngayon, doon sa sektor ng transportasyon.” 

Industriyalisasyon, hindi Importasyon

Matatandaang inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) noong 2017 ang DO 2017-011 o ang Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance, na mas kilala sa tawag na Omnibus Franchising Guidelines. Naglalayon itong gawing ligtas at makakalikasan ang mga pampublikong transportasyon sa Pilipinas. 

Kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), plano ng DOTr ang pag-phase out ng mga dyip na 15 taon na pataas, pagbibigay ng Certificate of Public Convenience at Certificate of Compliance with Emission Standards, pagsasa-kooperatiba ng individual franchises, at pagsasaayos ng mga ruta ng mga PUV. 

Simula ito ng PUV Modernization Program (PUV MP) na lubos na tinututulan ng sektor ng transportasyon at iba pang progresibong grupo kasama si Ka Elmer.

Paliwanag ni Ka Elmer, “Kung talagang serbisyong panlipunan talaga ang nais nila, pag-aralan nila paano sila makakalikha ng sariling makina [at] piyesa. Habang iyan ay pinag-aaralan, pagbigyan muna kami ng mahaba-habang panahon. Masaya na kami diyan, papayag na kami diyan — tagumpay ng tsuper, tagumpay din ng mga komyuter.”

Para sa kanya, dapat mas pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng kapasidad na gumawa ng sariling makina at mga pyesa ng mga dyip. Hindi rin dekalidad ang mga krudo at langis sa bansa na nagiging dahilan umano ng maitim na usok ng mga dyip at mababang resulta sa emission tests.

TAAS KAMAONG LABAN. Kasama ang mga miyembro ng STARTER-PISTON, panawagan ni Ka Elmer (gitna) ang pagbabasura ng PUV MP at industriyalisasyon ng produksyon ng mga dyip. (Larawan mula sa STARTER-PISTON)

Laban ng Tsuper, Laban ng Komyuter

Ang laban ng isang sektor sa ating bansa ay hindi nalilimitahan sa kung sino lamang ang mga kasapi nito. Kalakip nito ang lahat ng miyembro ng lipunan — kung kaya’t layunin ng kahit sinumang nakikibaka ang hamigin ang kanyang kapwa. 

Para kay Ka Elmer, at sa mga kapwa niya tsuper at opereytor, ang kahalagahan ng mga pagkilos laban sa isyu ng modernisasyon sa sektor ng transportasyon ay kaakibat ng paglaban para sa karapatan ng lahat. Wika ni Ka Elmer, “Kung hindi tayo kikilos at maghihintay lamang doon sa plano ng gobyerno na modernization, ang malinaw diyan [ay] wala tayong mapapala kundi malubog sa utang, wala nang sariling pag-aari, at kawalan ng kalidad ng kita.”

Sa darating na ika-30 ng Abril, tuluyan nang mahahatulan ang kinabukasan ng mga tsuper at opereytor ng dyip sa itinakdang palugit ng LTFRB sa pagkonsolida ng kanilang mga prangkisa. Bitbit ang damdamin ng pakikibaka ni Ka Elmer at ng lahat ng mga nasa sektor ng transportasyon ang panawagang patuloy na suportahan ng taumbayan ang kanilang laban. 

Ilang kilometro na ang inarangkada ng mga dyip ni Ka Elmer baon ang mga sigaw ng sektor ng transportasyon, maging ng mahihirap, uring-manggagawa, uring-magsasaka, at kababaihan. Ilang picket line na ang tinayuan, ilang balatengga na ang hinawakan, ilang polyeto na ang pinamigay, pero para sa kanya, ang pagsuko ay pagkawala ng kabuhayan sa mga dyip — pagkawala ng karapatan.

“Kaya’t huwag matakot makibaka. Patuloy na lumaban. Sa ating mga kababayan, hinihingi ko po ang tuloy-tuloy na suporta sa laban natin —  hindi lamang laban ng transportasyon, kundi laban din ng mga komyuter. Aking panawagan ay mas palakasin pa ang pagkakaisa,” pagtatapos niya.