Nakatakda nang ipatigil ang operasyon ng mga tradisyunal na dyip pagpatak ng Abril 30 matapos ianunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi na bibigyan pa ng palugit ang mga drayber sa pagkonsolida ng kanilang prangkisa at pagsama sa kooperatibang magpapatakbo ng mga modernong dyip. Nakapanlulumo na ang mga drayber ng dyip kung saan lulan ang mga ordinaryong komyuter araw-araw ay inabandona ngayon sa lansangan.
Matatandaang nagsimula ang planong modernisasyon sa sektor ng transportasyon noong taong 2017 sa panukala ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) na pag-phaseout sa mga dyip na mahigit 15 taon nang pumapasada. Alinsunod ito sa Omnibus Franchising Guidelines. Pansamantalang natigil ang usapin ukol dito noong kasagsagan ng malawakang lockdown dahil sa pandemyang dala ng COVID-19, ngunit naibalik nang isama ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang mga plano sa pagkapangulo.
Giit ng pamahalaan, pabor sa mga Pilipino ang modernisasyon dala ng iba’t iba nitong mga benepisyo sa kapaligiran, sitwasyon ng trapiko sa bansa, at sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga komyuter. Anila, bababa ang carbon emissions na manggagaling sa sektor ng transportasyon dahil sa mga imported na yunit ng mga e-jeep na pinaaandar ng kuryente at hindi krudo. Bukod dito, dala rin umano ng modernisasyon ang kasiguraduhan ng kita ng mga drayber dahil sa pagiging kasapi nila ng mga kooperatiba. ‘Di tulad sa pamamasada ng tradisyunal na dyip na hindi tiyak ang kasiguraduhan sa kita, ang pagkakaroon ng schedule sa pamamasada ang isa sa mga benepisyo nito. Ang pagkakaroon naman ng mga panibagong makina at piyesa, maging ang pagiging air conditioned ng mga yunit ng mga e-jeep ay may hatid umanong kaligtasan at kaginhawaan sa mga komyuter.
Gayunpaman, kalakip ng tila nakaeengganyong pakinabang na dala ng modernisasyon sa transportasyon ng bansa ay ang mabigat na kalbaryo para sa mga drayber at opereytor sa laylayan.
Hindi maikakailang ang mga drayber ng dyip ang uuwing talunan at dehado. Ayon kay Marcos, inaasahang 149,448 unit ng dyip ang kinakailangang maisalang na sa consolidation ng DOTr. Nangangahulugan itong libu-libong mga drayber sa ngayon ang pasan ang mga nakapanlulumong tanong gaya ng, “Paano ko bubuhayin ang pamilya ko?” Kung hindi utang, palaisipan kung saan kukunin ng mga drayber ang dalawang milyong pisong pambili ng mga e-jeep.
Para sa mga drayber ng dyip na tumutugon sa pinansyal na pangangailangan ng pamilya, ang pagkawala ng kanilang dyip ay pagpapatumba rin sa kanilang pundasyon bilang mga haligi ng tahanan. Ang mga haligi ng tahanan na pinamamahayan ng anay ay di kalaunan rumurupok at bumabagsak. Gaya ng mga drayber ng dyip, ang minsan na nilang pinangarap na magandang buhay para sa kanilang mga pamilya ay unti-unti ring rurupok at babagsak, bunsod ng nagbabadyang “modernisasyon.”
Para kay Miguel “Ka Elmer” Portea ng STARTER-PISTON, kaakibat ng pagbagtas ng pamahalaan tungo sa modernisasyon na makaaapekto sa mga tsuper, kasama sa masasagasaan ang mga opereytor ng mga dyip. Sa isyu ng pagkonsolida ng mga prangkisa at pagsasakooperatiba ng mga operasyon ng dyip, hindi hamak na nakikita na natin ang pagkawala ng pagkakakitaan ng mga opereytor. Ito ay dahil ang dati nilang mga tsuper ay hindi na mamamasada para sa kanila kundi sa mga kooperatiba na itatalaga. Gayundin, ang kanilang mga dyip na kasalukuyang nasa operasyon ay matetengga, at walang magmamaniobra nito. Maliban na lamang kung kasama sa pagkokonsolida ang lahat ng mga opereytor, marami sa kanila ay maiiwanan at mapipilitang maghanap ng panibagong pagkakakitaan.
Sa halip na modernisasyon, patuloy na pinalalakas ng mga drayber ang panawagang pag-unlad ng industriyalisasyon ng sektor ng pampublikong transportasyon. Pagbuo ng sariling makina, mga piyesang tiyak ang kalidad, at hindi milyon-milyong pisong halagang pautang ang nakikitang sagot ng mga tsuper sa nais na modernisasyon ng mga dyip. Pahayag ng iba’t ibang transport groups na nasa unahan ng mga panawagan kontra sa mga isyung maaaring dala ng PUV Modernization Program, “Ang laban ng tsuper, ay laban ng komyuter.”
Sa nalalapit na deadline, ang bawat pagpara sa mga tradisyunal na dyip ay pagsakay lulan ang pakikiisa at panawagang ibasura ang planong modernisasyon ng gobyerno. Hindi makatarungan ang ipinipilit na “pag-unlad” ng gobyerno kung masasagasaan ang ating mga tsuper.
Editoryal mula sa DEVC 136 CD-2L