ni Danielle Joan L. Cabalza
Muling ginanap ang makasaysayang Los Baños Flower and Garden Show sa UP Open University (UPOU) Headquarters noong nakaraang Marso 6-17, 2024. Ang naturang garden show ay inorganisa ng Los Baños Horticulture Society Inc. (LBHSI), kasama ang Faculty of Management and Development Studies (FMDS).
Ang ika-51 taon ng Los Baños Flower and Garden Show ay may temang “Summer Festivals”. Ito na ang pangalawang taong pagganap nito sa UPOU Headquarters; sa mga nakalipas na taon, idinaraos ito sa Seniors Social Garden sa main campus ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB).
Sa mga unang araw ng programa, nagbigay-kaalaman si Dr. Maria Luisa D. Guevarra ng Institute of Plant Breeding UPLB sa seminar na pinamagatang “New Ornamental Plant Varieties and Vegetables developed by the Institute of Plant Breeding, UPLB and Some Propagation Techniques” noong Marso 9.
Kasunod nito, ginanap ang Dish Garden Competition noong Marso 12 kung saan nagwagi si Aliyah P. Mejia ng Los Baños National High School (LBNHS) – Batong Malake sa unang gantimpala; si Jay M A. Tagapan ng LBNHS – Poblacion para sa pangalawang gantimpala; at si Bernadeth Emolaga ng Los Baños Integrated School sa ikatlong gantimpala.
Tinalakay naman ni Dr. Noel B. Lumbo ng CAFS UPLB ukol sa Integrating Poultry Production in Organic Vegetable Cropping System: Benefits, Challenges and Considerations sa isang seminar noong Marso 16.
Itinampok sa Garden Show ang iba’t ibang klase at barayti ng mga halaman: ornamental, namumulaklak, at namumunga, pati na rin ang mga bihirang halaman tulad ng adenium ng Cleo’s Adenium at mga varayti ng cycas mula sa Thailand at Australia ng Varunee’s Garden.
Ipinakita rin ang mga handicraft tulad ng mga woven at ginantsilyong bag, planters, at kagamitan sa bahay.
Pagsibol ng Los Baños Flower and Garden Show
Nagsimula ang Los Baños Flower and Garden Show noong 1970, na inorganisa ng Department of Horticulture ng UPLB. Nagsimula ito bilang simpleng trade fair ng mga halaman at mga institutional exhibit galing sa mga kolehiyo. Karamihan sa mga nagtitinda ay mga miyembro ng Los Baños Orchid Society na ngayon ay kilala bilang Los Baños Horticulture Society.
Makalipas ang ilang taon, nagsanib-pwersa ang dalawang organisasyon upang ipagpatuloy ang Garden Show. Nanggagaling sa LBHSI ang mga halaman at exhibit habang mga speaker sa seminar naman ang inihahandog ng Department of Horticulture.
Ang Los Baños Flower and Garden Show ay malapit sa puso ng hindi lamang sa mga miyembro ng LBHSI, kundi pati na rin sa buong komunidad ng Los Baños. Bukod sa oportunidad sa pagnenegosyo, isa rin itong pagkakataon para magpakitang-gilas ang mga maghahalaman ng Munisipalidad.
Mula pa noon, itinatanghal na ang mga exhibit at paligsahan sa pag-aayos ng mga halaman, bulaklak, at landscaping. Itinatampok din ang mga seminar at workshop ukol sa paghahalaman at mga bagong pag-aaral sa larangan ng horticulture.
Ito ay naging tanyag na selebrasyon na idinaraos sa UPLB Social Garden kada taon ngunit dahil sa dagok ng pandemya, kinailangan munang itigil ito ng LBHSI noong 2020.
Nitong nakaraang taong 2023, muli namang nagbukas ang Los Baños Flower and Garden Show sa UPOU sa tulong ng FMDS, kaisa ng pagdiriwang ng kanilang ika-50 na anibersaryo. Sa pagbalik nito, hindi muna nagtanghal ang LBHSI ng mga ibang aktibidad dahil sa paninibago sa bagong lugar at sitwasyon.
Pakikilahok sa mga aktibidad
Ngayong 2024, nagsagawa muli ang LBHSI ng mga aktibidad tulad ng mga seminar na naghatid ng bagong kaalaman sa paghahalaman sa komunidad.
Nagkaroon ng Dish Garden Competition kung saan nakilahok ang mga mag-aaral galing sa mga high school sa Los Baños. Ang kompetisyon ay nagsilbing oportunidad din upang magpakilala ang mga exhibitor tulad ng Olie’s Garden dahil sila ang nagbigay ng mga materyales para sa pagbuo ng dish garden.
“Sa amin galing lahat ng materials na gagamitin – plants, pots, et cetera. Pagkatapos ng competition, sa amin na yung mga materials na ginawa nila kasi binabayaran namin sila sa mga first prize, second prize.” ani ni Olie Suiza ng Olie’s Garden.
Mga hamon sa paglago
Halos kalahating dekada nang ginaganap ang Los Baños Flower and Garden Show sa UP Social Garden. Ayon sa LBHSI, abot-kaya pa ang presyo noon sa pag-upa ng espasyo. Ayon kay Marina Catipon, adviser ng LBHSI, mahigit kumulang P25,000 ang binabayaran nilang renta noon. Tinangka nilang bumalik dito noong 2023 ngunit dumoble na ang presyo sa P50,000.
“Siyempre, tapos na ng COVID. Sabi namin, ‘Mag-umpisa ulit tayo ng show’ kasi ilang years ‘yon na walang show. Kinausap namin ang bagong [Chancellor]. Ngayon, ang gusto nilang rate ay per square meter. Sabi namin ‘Hindi niyo pwede i-apply sa amin iyang per square [meter] kasi unang una, how will you measure Social Garden? Meron kaming commercial [spaces] sa taas at ibaba. Tapos, yung entire center din.”
“Yung upper commercial namin, magiging more than P50,000. How much more yung commercial namin sa baba? Pati yung center. Kaya sabi namin, hindi namin kaya.”
Bukod sa presyo, dinidiin sila ng bagong deadline ng pagbayad. Noon, nagbabayad ng downpayment ang LBHSI sa Social Garden bago ng Garden Show at ang balance ay binabayaran dalawang araw bago ito matapos.
Ngayon, sinisingil ng UPLB ang 100% na bayad isa o dalawang linggo bago ang Garden Show. Para kay Catipon, hindi ito kakayanin ng LBHSI.
“Itong Garden Show ay traditional na sa Los Baños. It is a part of the October 10th celebration. At ang mga alumni, lagi sila looking forward dito. For so many years, ganoon ang nagiging celebration: Loyalty Day may Garden Show tapos biglang nawala.”
Dahil sa pagmahal ng bayarin sa espasyo, humanap ng alternatibo ang LBHSI upang ipagpatuloy ang kanilang proyekto. Nakipag-usap ang presidente ng LBHSI na si Vernie Valdez-Lucero sa UPOU at dito pumasok ang FMDS upang tumulong.
“As far as FMDS is concerned, swak naman siya in terms of public service namin. Kaya when they approached us, [Dean Joanne V. Serrano] got interested. She immediately informed the [UPOU] Chancellor about it.” sabi Larry N. Cruz, University Researcher and Program Development Associate ng FMDS at isa sa mga organizer ng Garden Show.
“After a series of meetings, we entered into a memorandum of agreement with the Los Baños Horticulture Society last year. Na-finalize yung MOA early last year kaya na-implement yung very first Flower and Garden Show dito sa OU in March last year.”
Alinsunod sa kanilang kasunduan, ang FMDS ang nagbigay ng espasyo, security, utilities, logistics, at promotion ng Garden Show.
Kasabay ng paglutas sa problema sa lokasyon, lumitaw din ang mga bagong hamon: ang madalang na pagdating ng mga bisita o mamimili sa Los Baños Flower and Garden Show.
Isa sa mga salik kung bakit kaunti ang mga bisita ay lokasyon nito. Ayon sa mga exhibitor, nakaapekto ang layo ng UPOU sa kakulangan sa mga namimili.
“Mahina siya ngayon,” ayon kay Suiza. “Hindi kasing ganda noon sa UPLB. Nag-iinvite pa lang kami ngayon ng buyers hindi katulad noon na twice a year, alam nila na may Garden Show. Mas malaki talagang bagay yung nandoon kami sa loob [ng UPLB] kaysa yung ngayon.”
Dumagdag din dito ang paghina ng negosyo ng mga halaman dulot ng paglakas ng kompetisyon, paghina ng demand, at pagliit ng kita dahil sa lumalang implasyon.
Maaalala noong 2020, naging trending ang pagiging plantito at plantita. Tumaas noon ang demand para sa paghahalaman. Dahil dito, lumakas ang negosyo ni Olie Suiza na nagbebenta ng mga succuelents, ngunit hindi nagtagal bago lumakas din ang kompetisyon.
“Mahina rin ang plant business ngayon. Kasi noong pandemic, maraming nag-hoard ng mga plants tapos sila ngayon ay seller na rin. Dumami ang seller, umonti ang buyer.”
“During the pandemic, sobrang lakas ng plants – yung plantita plantito. Tapos bumagsak iyon ng almost two years na.” dagdag ni Dory Tamsubhaphol ng Varunee’s Garden.
Nakahadlang din ang pagsabay ng Los Baños Flower and Garden Show sa mga iba pang aktibidad sa lalawigan tulad ng Anilag Festival na mas kilala at mas tinatangkilik ng mga tao, at sa ibang garden show sa Maynila na sinalihan ng ibang miyembro ng LBHSI kaya nabawasan din ang mga exhibitor ngayong taon.
Bungang handog ng Los Baños Flower and Garden Show
Sa kabila ng mga pagsubok, mahalaga pa rin ang Los Baños Flower and Garden Show para sa mga miyembro ng LBHSI dahil sa ambag nito sa kanilang kabuhayan at karunungan sa paghahalaman.
“The camaraderie we have formed is invaluable,” ani Cleo Reforma ng Cleo’s Adenium, isang first-time exhibitor sa Los Baños Garden Show. “Malaki ang impact sa akin kasi may mga ‘aha moments’ ako, mga new learnings na I didn’t know before I joined.”
Paraan din ito ng pagbangon sa paghina ng negosyo dahil sa Garden Show sila nakikilala ng mga mamimili at kumikita.
“Nabigyan kami ng chance para mailabas ang mga halaman namin na pwede ibenta. Tapos nae-expose naman sa tao kaya yung ibang bumibisita, bumibili ng halaman. Yung iba, tinatanong yung garden namin para bumisita at bumibili rin kaya malaki ang tulong sa sales ng halaman.” kwento ni Jed Laroya ng Gintong Binhi.
Para naman sa mga bisita sa Garden Show, pagkakataon ito upang pagyamanin pa ang kanilang interes o libangan at masasaksihan ang mga kakaiba at bihirang klase ng halaman.
“Masaya ako tsaka nare-relax kapag nakakakita ng halaman. Di ko talaga mapigilan sarili ko na bumili.” ani ni Ellen Latiza, isang guro na bumisita at bumili sa Garden Show. “Nadadagdagan din mga kaalaman ko kasi habang bumibili ako, ini-interview ko yung mga nagbebenta kung paano ‘yan lumaki, saan ba ‘yan nabubuhay,” dagdag pa niya.
Nagkakaroon din ng raffle ng libreng halaman tuwing mayroong mga seminar bilang pagpapasalamat sa mga bumisita.
Sa kabila ng maraming isyu kinakaharap ng Los Banos Horticulture Society, Inc. sa pagpapanatili ng taunang Flower and Garden Show, patuloy pa rin ang kanilang pagtulong sa kanilang mga miyembro at sa komunidad.