Ulat ni Fiona Sanchez
Sa kabila ng mainit na panahon, nilahukan pa rin ng mga estudyante ang Art-Based Intervention Program na ginanap sa Al Fresco area ng Learning Resource Center (LRC) sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) noong ika-18 ng Abril 2024.
Dalawang beses sa isang buwan isinasagawa, ang nasabing programa ay isa sa mga inisyatibo ng UPLB Office of Counseling and Guidance (OCG) ng Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA) para sa mga estudyanteng nangangailangan ng ‘breather’ mula sa kanilang pag-aaral.
Ito ay pinangungunahan nina Junior Psychometricians Wella Josel Mejia at Angela Jean Reyes, at Guidance Service Specialist Janett Dolor.
“Ngayong April, medyo nagdalawang isip din kami ituloy kasi nga ‘di ba super init. Pero since nakita ko na nandito lang naman sila [mga kalahok] sa campus, tinuloy ko pa rin. So kahit anim lang sila, nilo-look forward din kasi nila ito every time na nag-aannounce kami sa FB,” ayon kay Reyes,
Umaasa rin si Reyes na maisakatuparan ang mga suhestiyon o komento na ibinibigay ng mga kalahok at stakeholders sa pamamagitan ng pakikipag kolaborasyon sa iba’t ibang organisasyon.
“We are hoping to materialize their suggestions and feedback through collaboration with other organizations,” pahayag niya.