Isinulat ni: Aron C. Perales
Mga Larawan mula kina: Adriane Tobias at VJ Ergina
Kilalanin si Adriane Tobias, isang lisensyadong manggugubat mula sa University of the Philippines Los Baños at alamin ang kanyang misyon na pangalagaan ang Rafflesia na isa sa mga pinakamalaking uri ng bulaklak sa mundo.
(Larawan mula kay: Vj Ergina)
Hilig ni Adriane Tobias, isang kilalang licensed forester mula sa University of the Philippines Los Baños, ang pag-aralan ang iba’t ibang mga halaman na matatagpuan sa mga kagubutan ng Pilipinas. Para sa mga siyentistang kagaya niya ay importanteng mapangalagaan at mapreserba ang iba’t ibang uri ng mga ito. Partikular sa kanyang mga interes ay ang pambihira at mailap na Rafflesia, ang isa sa mga pinakamalaking bulaklak sa mundo, na matatagpuan din sa Mt. Makiling Forest Reserve (MMFR).
Nag-umpisa ang kanyang pag-aaral tungkol sa halamang ito noong siya ay kumukuha ng kanyang master’s degree sa UPLB College of Forestry and Natural Resources (CFNR), kung saan pinagpatuloy naman niya ang kanyang PhD bilang isang teaching fellow. Adbokasiya niya ang pangalagaan ang bulaklak na ito na nanganganib nang mawala.
Ang kanyang orihinal na plano para sa kanyang pag-aaral ay lumikha ng datos ukol sa distribusyon ng iba’t ibang species ng Rafflesia, ngunit dahil sa pandemya ay nalimitahan ito.
Gayunpaman, hindi pa rin naging hadlang ito para sa kanya at patuloy pa rin niyang pinagsusumikapan ang kanyang pag-aaral. “Currently, I’m studying a new one and I’m naming it after the Indigenous People of Kalinga, which is Rafflesia balatokiana na nasa Cordillera,” pahayag niya.
(Mga Larawan mula kay: Adriane Tobias)
Nasaan ang mga Rafflesia?
Sa Luzon, maraming species ng Rafflesia na kadalasang namumukadkad mula buwan ng Enero hanggang Hulyo. Ito ay karaniwan sa mga bulubundukin, kaya maraming hikers at manggugubat ang umakyat sa bundok upang puntahan at masilayan ang kagandahan ng bulaklak na ito.
Ang Rafflesia arnoldii ang unang species na nadiskubre. Kilala ito bilang “corpse flower” o “giant palma” sa ibang bansa. Ang pagka diskubre ng Rafflesia arnoldii ay ang umpisa ng kasaysayan ng paglago ng mga species na ito mula sa Southeast Asia.
Noong taong 2018, inumpisahan ni Tobias ang kanyang field work para sa Rafflesia sa Mt. Banahaw. Ang unang species na kanyang nakita at pinag-aralan ay ang Rafflesia banahawensis. Ito ay matatagpuan sa trail patungo sa talon ng Kinabuhayan, Mt. Banahaw sa Quezon Province. Ayon sa pag-aaral ang bulaklak na ito ay namumukadkad mula sa buwan ng Marso hanggang Mayo.
Sa kabilang banda, noong taong 1844 isang species ang pinag-aralan ni Teschemacher na galing sa Basey, Leyte at ito ay tinawag na Rafflesia manillana. Ang pangalan ng Rafflesia manillana ay kinuha mismo sa lugar na Manila na kilala bilang sentro ng kalakalan noong panahon ng mga espanyol.
Makalipas ang isang taon, sinundan ito ng Rafflesia philippensis na nadiskubre ni Father Blanco na siyang pari noong panahon ng pananakop ng mga dayuhang Espanyol at marami siyang naging mangongolekta, isa rito ay si Asaola.
Ang kilalang Rafflesia leonardi naman ay nadiskubre ni Sumper Arresta, isang Agay mula sa Cagayan Valley. Ito ay binigyang pangalan ni Dr. Julie Barcelona na na hango kay Leonard Co, isang botaniko na naglaan ng oras upang pag-aralan ang mga flora ng Sierra Madre sa Luzon. Ang species na ito na matatagpuan sa Cagayan Valley at Probinsiya ng Aurora. Ang Rafflesia leonardi ay ang pang-apat na species sa Luzon at pang-walo na species dito sa Pilipinas.
Sa bundok ng Makiling, makikita ang Rafflesia panchoana. Ang species ng halaman na ito ay ipinangalan upang bigyan pugay si Juan V. Pancho, isang botaniko mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Katulad ng Rafflesia manillana, sila ay magkapareho ng laki ngunit ang pagkakaiba nito ay ang pagiging upright o slightly inclined na diaphragm at maliliit na kulugo sa kanyang perigone lobes.
(Larawan mula kay: Adriane Tobias)
Ayon kay Tobias, walang eksaktong dokumento kung paano naka-aapekto ang klima sa laki o liit ng mga species.
“….siguro nagkataon lang talaga in our country na maliliit lang yung mga species natin, it’s something to do with the evolution with the diversification of how the species vary from different areas,” dagdag pa ni Tobias.
Ang paglaki ng Rafflesia ay mahalagang aralin at bigyang pansin kung paano ito naging iba-iba Dapat ding tutukan ang ebolusyon nito sa bansa o sa isang lugar dahil wala pang nakakasagot ukol dito.
Sa kabilang banda, ang iba’t ibang uri ng Rafflesia ay nagsisilbing simbolo ng ecotourism dahil sa pagdami ng mga turista sa isang lugar upang akyatin ito at bisitahin ang yumi at ganda na ipinapakita nito. Nangangahulugan din ito na buhay na buhay ang bulubundukin at ito ay sagana sa kanyang likas na yaman at mayabong na kalikasan na nagpapatunay na maraming buhay ang nasa kagubatan.
Ang Rafflesia at mga Pilipino ay Iisa!
(Larawan mula kay: Adriane Tobias)
Sa kasalukuyan, ang Rafflesia ay isa sa mga endangered species o nanganganib na halaman na mawala. Ibig sabihin nito ay nauubos na ang mga uri ng halamang ito at dapat nating alagaan. Gayunpaman, bilang bahagi ng mundong ginagalawan dapat natin itong ingatan sa iba’t ibang paraan katulad ng mga sumusunod:
Pagsuporta sa Sanktuaryo ng Halamanan
Ang pagsuporta sa mga sanktuaryo ng halamanan ay nakakatulong sa buhay at paglaki ng mga species. Ang pagkakaisa o pag-boluntaryong pagtulong sa iyong sariling bakuran ay isa ring may magandang dulot o ambag upang protektahan ang mga nanganganib na mawala na halaman.
Pagsuporta sa mga Lupang Ninuno
Ang mga pangkat-etniko ang silang itinuturing na bantay sa bawat kagubatan at ang nangunguna sa pagpapanatili ng buhay sa likas-yaman. Kaya marapat lamang na atin silang tulungan at bigyang dangal upang hindi mawalan ng tagapagbantay ang ating kagubatan.
Ilan lamang ito sa mga paraan upang ating ma-protektahan ang mga endangered species o malapit na mawala na halaman ngunit kung tayo man ay may makita na hindi na kaaya-aya na gawain ay i-konsulta o ipagbigay alam agad ito sa kinauukulan.
“Dapat magkaroon tayo ng isang collective action wherein dapat magcreate tayo ng community where everyone is aware about the status of our plants, but also for animals din,” ani ni Tobias.
###