Sining Bilang Boses ng Lipunan

Ulat nina Miguel Alfonso, Romela Bayaban, Patricia Denise C. Domine, Aliyah Sabarre, at Whaine Tongol

Maraming mga kwento at istorya ang hindi kayang ibulong ng mga maliliit na tinig mula sa mga salita ng bibig. Sa mga pagkakataong tila bingi at bulag ang mundo sa lantarang nitong pagpikit at pagbibingi-bingihan isinisilang ang mga bagong paraang katha ng malikot at mapaglarong isipan upang magmulat at manggising ng mga nahihimbing na kamalayan. Sining, ang siyang nagiging boses at mitsa ng tunog upang maipamalas at mapadagundong ang iba’t ibang danas at panawagan.

Narito ang ilan sa mga artista ng bayan sa lalawigan ng Laguna na ginagamit ang sining upang magtambol ng kanilang mga kwento tangan ang adhikaing manghamig at magmulat. 

Nang Minsang Mapatakan ang Canvas ng Pulang Kandila 

Hindi niya pinangarap na maging alagad ng sining. 

Si Paul Hilario ay 52-anyos na pintor na tubong Los Baños. Para sa kaniya noon, ang pagpipinta ay sadyang pagpapahayag lamang ng kaniyang sarili. ‘Ika nga niya, minsan, ang sining ay paggawa lamang ng “art for art’s sake.” Pero sa ilang taon niyang pagpipinta, napagtanto niyang ang mga bagay na hindi niya masabi sa mga salita ay maaari niyang mailarawan dito. 

‘“Yung art and artist you cannot separate that. ‘Pag tinanggal mo yung art patay na ‘yung artist.”

Obra Maestra. Si Paul habang ipinapakita ang kaniyang isa sa mga pinintang obra. Kuhang Larawan ni Romela Bayaban.

Kilala si Hilario sa kanyang rice at visual narrative paintings na may mga politikal at sosyal na tema na tumatalakay sa iba’t ibang mga suliranin ng lipunang Pilipino. Aniya, daan-daang mga larawan na ang kanyang naipinta sa canvas. Ngunit–kahit kailan, hindi niya inasahan na siya pala ay mabubuhay–kikita, sa paggawa ng sining. 

Palay. Bigas. Magtanim ay di biro. Sa paglalarawan ng pagpapalay nagsimula si Hilario sa kaniyang pagpipinta gamit ang acrylic at canvas noong 2011. 

Makukulay ang mga lupa at palay sa rice paintings ni Hilario. Madalas, isinasabit ang rice paintings niya sa mga tahanan dahil sa positibong pakiramdam na ibinibigay nito sa mga tao–dahil palay ang buhay ng mga Pilipino. Subalit, aniya, ang rice paintings ay may politikal na kahulugan na hindi basta-bastang mapapansin ng mga tagatingin nito. Para sa kaniya, ang ang mga ito ay isang kabalintunaan–masaya at matingkad ang kanilang mga kulay, ngunit madilim ang kuwento ng mga paghihirap ng mga taong pundasyon–ng mga magsasaka sa industriyang ito. 

Noong 2017, tuluyang nagpasya si Hilario na bumitaw sa kaniyang posisyon sa IRRI upang magpinta ng sariling kapalaran. Sa kasalukuyan, hindi na lang rice paintings ang ipinipinta niya–mula sa pagpuna sa kurapsyon ng mga dumaang administrasyon hanggang sa drug war, COVID-19, at panunupil ng Tsina sa West Philippine Sea–hindi tumitigil si Hilario sa paghahayag sa pamamagitan ng pagpipinta at iba pang anyo ng sining.

Sa kalagitnaan ng drug war sinimulan ni Hilario na magpatak ng mga pulang kandila sa kaniyang canvas. Bawat pulang patak–ay bawat buhay at dugong nawala. Isang canvas pa lamang–ngunit mahigit anim na libo na ang mga kandilang kaniyang naipatak. Ayon sa kaniya, Pamilya ang brand name ng mga nabibiling nakabigkis na kandilang ito–na sumisimbolo sa mga pamilyang nagkawatak-watak dahil sa war on drugs ng administrasyong Duterte. Sa paglipas ng mga taon, naging kulay abo na ang dating mga pulang patak ng kandila–na aniya, ay simbolismo ng pagkalimot ng sambayanang Pilipino sa mga biktima ng drug war

Ani Hilario, sa sining niya inilalabas ang kaniyang pagkadismaya at pangamba sa mga nangyayari sa lipunan. Nitong Mayo lamang, gumawa siya ng installation art para sa Conquest art exhibit na tungkol sa West Philippine Sea. Gumawa siya ng simbolismo ng Tsina sa pamamagitan ng lambat na may mga tinik na pinagmukha niyang Bakunawa. Dagdag pa niya, May siyam na ulo ‘yung bakunawa na humihigop sa yamang-dagat.

Sa kasalukuyan, gumagawa si Hilario ng labing-apat na visual narrative paintings at dalawang installation works para sa kaniyang darating na art show na pinamagatang Ille Imperium sa Hulyo sa National Commission for Culture and the Arts tungkol sa kaniyang pamumuna sa mga epekto ng kurapsyon ng iba’t ibang mga politiko sa Pilipinas. 

Para kay Hilario, ang paggawa ng sining ay buhay, at nabubuhay siya dahil at para dito. Naniniwala rin siyang ang sining ay magpapatuloy lamang sa hinaharap– dahil hindi mauubos ang mga taong nais ipahayag ang sarili nila sa pamamagitan nito. 

Himig ng Pangarap

Sa saliw ng tunog at mensahe ng mga piyesa, ang musika ay makapangyarihang instrumento na nakakapagpabago ng buhay ng nakararami. 

Iyan ang mariing pinaniniwalaan ni Roijin G. Suarez. Sa kanyang pitong taong pagkukumpas, nakita niya kung paano nababago ng pag-awit sa isang choir ang buhay ng mga kasapi rito.

Sa bawat awitin na kanilang inaaral, itinuturo niya sa kanyang mga mangangawit na basahin ang kanilang mga pyesa ng may bukas at kritikal na pag-iisip. Na dapat, hindi lamang tumitingin sa mga notang kailangan nilang awitin, kundi pati narin sa ninanais na iparating ng kanta. Dagdag pa rito, sinasabihan niya rin ang mga mangangawit niya na isipin nila kung paano nila maisasabuhay ang mga awitin. 

Kumpas. Si Roijin habang abala sa pagkumpas ng kaniyang baton sa isa sa kanilang pagtatanghal. Kuhang larawan ng UPLB Choral Ensemble (UPLB CE).

Ang estilo niya ng pagtuturo ang siyang naggabay sa UPLB Choral Ensemble (UPLB CE), ang resident choral group ng UPLB, na magwagi ng iilang mga parangal sa iba’t-ibang bansa, katulad ng Singapore, The Netherlands, Germany, at Indonesia.

Kampeon. Si Roijin Suarez at ang UPLB Choral Ensemble matapos ang kanilang pagtatanghal sa 16th International Chamber Choir Competition Marktoberdorf 2019, kung saan sila ay ang naging kampeon. Kuhang larawan ng International Chamber Choir Competition Marktoberdorf.

Kaya naman, dahil sa kanyang husay sa pagtuturo at pagkumpas, siya ay nagawaran ng Special Jury Prize for the Most Promising Young Conductor noong sila ay nagwagi sa 10th Orientale Concentus International Choral Festival na ginanap sa Singapore noong 2017. Ang patimpalak na ito ay isang special award na binibigay lamang sa mga indibidwal na nagpamalas ng huwarang galing sa pagkukumpas. Dagdag pa rito, sa lahat ng mga nagkukumpas sa kompetisyong kanyang sinalihan kasama ang UPLB CE, siya rin ang pinakabata sa mga ito. Isa ang mga gantimpalang ito sa nagbigay daan upang mas lalong hubugin ang sariling magpatuloy sa larangan ng musika. 

Ngunit sa kabila ng mga prestihiyosong parangal na kanilang nakakamit, hindi parin maikakaila na negatibo parin ang kabuuang pagtanggap sa sining ng musika.

“Dito sa Pilipinas, hindi gaanon ka-supported ang mga artists.Mahirap ang pagkuha ng [financial support]. Ito ay pinagdadaanan ng most artists and musicians ng ating bansa.” ang isa sa kanyang mga sagot nang tanungin siya kung anu-ano ang mga hamon na kanyang nae-engkwentro sa kanyang career. Kaya naman sa bawat kompetisyong kanilang sinasalihan, sila ay naglilikom ng kanilang sariling pondo sa pamamagitan ng mga donasyon, sponsorships, at pakikipagsosyo. 

Sa kabila ng i-ilang mga hamon na nararanasan niya at ng mga grupong kanyang tinuturuan, si Roijin ay laging handang maglingkod sa kanyang komunidad at sa bansang kanyang nirerepresenta.

Sa kasalukuyan, siya ay nagtuturo ng choir singing sa mga UPLB dorm residents sa ilalim ng programang Hamon ng Himig 2024 ng UP College of Music, Diliman at Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA)-Office of Student Development Services (OSDS). Ang programang ito ay hindi lamang naglalayong magturo ng kasanayan sa musika, kundi pati narin maging suporta para sa “mental health, overall well-being, at holistic development” ng mga kasapi rito.

Sa kanyang pitong taong pagkukumpas, napagtanto ni Suarez na ang isang choir ay simbolo ng isang ulirang komunidad kung saan lahat ng kasapi rito ay marunong makinig at makisama sa kanilang mga kapwa upang makagawa ng tunog na ikakatuwa ng lahat ng makakarinig.

Paglimbag ng Kahulugan Mula sa Kawalan 

Binubuhay siya ng sining.

Ito ang realidad para sa Los Baños-based artist na si Luis E. Yee Jr., o mas kilala sa artist name na Junyee, hindi lang dahil sa seguridad at dangal na dala ng pagiging “Father of Installation Arts” ng Pilipinas kundi dahil ito na talaga ang tawag ng kanyang pagkatao. Sa likod ng umuusbong na disiplina ng installation arts ay ang kamay ng isang 82-anyos na beterano, kung saan ang bawat guhit at kalyo ay katumbas na ng anim na dekada ng paglikha. 

Panibagong Marka. Si Junyee habang ibinabahagi ang kaniyang mga karanasan sa paggawa ng installation art. Kuhang larawan ni Aliyah Sabarre.

Nang tanungin kung paano niya ilalarawan ang installation bilang isang uri ng sining, walang tiyak na pagkakahulugan si Junyee rito.

“Karamihan ng mga installation artist, they have their own definition,” aniya.

At para sa ama ng larangan, ang depinisyon ng installation art ay ang kanyang mithi na makagawa ng panibagong environment o mundo. Gamit ang mga sahog na tubo sa bansa tulad ng bamboo, inilalaga niya ang sining sa isang malawak na espasyo bilang ekstensyon ng kaligiran—isang ideya na kaya niyang isabuhay sa disiplina ng installation

Kwarantin. Ang installation arts na itinayo ni Junyee noong 2020 bilang tugon sa COVID-19. Kuhang larawan mula sa UP Vargas Museum.

“I love nature. I’m a nature boy,” panimula niya bago balikan ang kabataan.

Ipinanganak sa Agusan del Norte, lumaki si Junyee na malapit ang loob sa kalikasan. Mula sa likas na anyo ng bayan hanggang sa bukiran ng kanyang lolo, natural na lang daw ang impluwensya ng kapaligiran sakaniya.

“I was born an artist,” saad pa ni Junyee.

Gayunpaman, hindi rito sumang-ayon ang kanyang amang nagnais na sundan ng mga anak ang yapak nito sa negosyo. Tulad ng karamihang kwento, ang pag kumbinsi sa magulang ang pinaka-unang balakid ni Junyee bilang artist. Ito aniya ang nagtulak sa kanyang tumakas mula sa Mindanao papuntang Luzon para pormal na mag-aral ng programang Fine Arts, major in Sculpture.

“Hindi napusuan. It’s just instinctive,” ang naging sagot kung bakit installation arts ang pormang napiling pagtuunan niya ng pansin.

Ang “Balag” na itinayo niya noong 1970 sa tapat ng Sampaguita Residence Hall ng UP Diliman ang kanyang unang outdoor one-man show. Ibinida sa kasagsagan ng First Quarter Storm—ang makasaysayang panahon ng sunod-sunod na demonstrasyon—ang bamboo installation na ito ang masasabing opisyal na panimula ni Junyee bilang isang installation artist ng bayan.

“My advocacy is to make people aware that we are Filipinos.”

Ayon kay Junyee, ang pangunahing tanong ng dekadang iyon ay kung ano nga ba ang Philippine art. Sinusundan niya naman ito lagi ng sagot na ang sining sa bansa ay may marka ng Kanluran. Tulad ng pagtuligsa niya sa ama at sa dikta ng disiplinang inaaral, ang pakikipagsapalaran niya sa porma ng installation ay pahayag ng kanyang pagtutol sa popular na agos. 

“I used our own culture and then I used my surroundings,” dugtong niya rito.

Kung kaya’y sa higit anim na pung taon niyang pagiging full-time artist, bunga ng yari’t kulturang Pilipino ang bawat sangkap, tema, at mensahe ng kanyang sining. At ang paghandog sa kanya ng pinakamataas na karangalan ng Cultural Center of the Philippines na “CCP Gawad Para sa Sining” noong 2020 ay isang patunay ng kontribusyon ni Junyee sa kalinangan ng bansa. 

Tila ang paghirang sa kanya bilang ama ng larangan ay hindi lang dahil sa pagbukas niya sa disiplina kundi sa pagbunsod ng paggamit ng mga indigenous na materyales at pagbida ng kulturang Pilipino. At marahil sa kinabukasan, ang mga kasanayang ito ang guguhiting sagot ng mga tao sa tanong na, “Ano ba ang sining ng installation sa bansa?”.

Kung binubuhay ng sining ang mga katauhang tulad ni Junyee, binubuhay naman ng kanilang sining ang realidad— sapagkat ito ay repleksyon ng panahon, kaligiran, at kwento ng artista at kulturang nagsilang nito. 

Sabay sa Ritmo ng Kapalaran 

Pamilya ang isa sa mga inspirasyon ni Czarli upang masabayan ang ritmo ng kasalukuyan para magpamalas ng pusong makabayan. 

AApat na taong gulang pa lamang si Czarlina May Magnata ay sinasabayan na niya ang indayog ng kaniyang kapalaran. Sa murang gulang ni Czarlii ay nagagawa na niyang ipahayag ang kaniyang porma ng pagmamahal, gaya kung paano siya makisali sa mga grupo na sumasayaw at naglilibot sa mga kalsada ng San Pedro, Laguna tuwing kapistahan ng kanilang lungsod.  

Kasabay ng pagtapak ni Czarli sa kolehiyo ay ang paglawak ng kaniyang entablado. Taong 2004, kasabay ng pag-aaral niya ng BS Mathematics sa UP Los Baños, ay kasama siyang nagtatag ng Sandayaw, isang organisasyong lumilinang sa kakayahan ng mga iskolar ng bayan na magpahayag ng katotohanan at damdamin gamit ang ritmo ng mga tugtugin. Mula noong maitatag ang Sandayaw, si Czarli ay tumayo bilang pinuno nito at head choreographer.

Balanseng Kwento. Si Czarli habang marikit na itinatanghal ang Banga, isang katutubong sayaw mula sa Kalinga. Kuhang larawan mula sa Leo and Lira Photography.

“[Ang art ay] sort of vessel para mexpress mo yung sarili mo. Kagaya sa dance, para maikwento mo, hindi lang yung kwento mo kundi kwento ng ibang tao and kwento ng community.”

Ayon kay Ate Czarli, pre-colonial palang ay mahalagang bahagi ng cultural heritage ng Pilipino  ang folk dance o katutubong pagsayaw. Sa pamamagitan ng pagsabay sa himig ng musika ay naikekwento ang iba’t ibang aspeto ng buhay ng mga Pilipino. Nasasalamin din ng bawat galaw, indayog, at ritmo nuto ang nito ang rikit ng kasaysayan, tradisyon, at mga paniniwala ng bansang Pilipinas.

Nakadikit din sa bawat galaw nina Ate Czarli ang layuning buhayin muli ang pagpapahalaga at apresyasyon ng folk dance ng Pilipinas sa susunod na henerasyon. Bitbit ang hangaring ito, binubuhay at ibinubulalas ng kaniyang grupo ang panawagang ito sa pamamagitan ng pagtatanghal ng iba’t ibang mga folk dances  simula noong 2008. Buhay na buhay din sa halos isang daang pagtatanghal na nila Ate Czarli ang mga mensahe ng bawat folk dance na kanilang itinatanghal gaya ng Maria Clara, Lumad, Mindanaoan, Cordillera, at Rural —mga katutubong sayaw mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Hindi tulad ng ibang uri ng sayaw, mahigpit na sinusundan ng folk dance ang literatura ng tamang hakbang, anyo, galaw,  at bali ng katawan. Dahil dito, nagiging partikular si Ate Czarli sa bawat detalye at koreograpo ng sayaw upang masiguro na ang kanilang ipinapabatid na mensahe at panawagan ay tama at walang kalabisan. Isa pang bagay na lagi niyang isinasaalang-alang ay ang pagbibigay ng pantay na pagkakataon sa bawat mananayaw na maipakita ang kanilang mga galing, kaya naman sinusubukan niya palaging bigyan ng patas na pagkakataon ang mga ito sa bawat pagtatanghal na kanilang ginagawa. 

Indak. Si Czarli (dulong kanan) habang kasamang nagtatanghal ang Sandayaw ng isang folk dance. Kuhang larawan mula sa Leo and Lira Photography.

“Pag choreographer ka, naghahandle ka ng mga tao. Iba iba ng ugali, iba’t iba ng temperament, iba’t iba na attitude, at iba iba din sila ng skills. Mayroong magaling, mayroong mas matagal sila bago nila matutunan yung sayaw. So kailangan mahaba ang pasensya especially ngayon kasi totally ibang generation na,” aniya. 

Mga Istorya sa Porma ng Obra

Ilan lamang sina Paul, Roijin, Junyee, at Czarli sa mga artista ng bayan na ginagamit ang kanilang malikhaing paraan upang manggising ng kamalayan at magkwento ng mga danas na madalas hindi naisasaboses sa lipunan. Ang mga pinta, eskultura, mga dibuhong sining, at galaw nila ay mga dagundong ng mga kwentong may bitbit na panawagan para sa mas patas na lipunan. Patunay rin ang kanilang mga kwento’t likhang sining na ang ekspresyon at pagtindig para sa mga bagay na malapit sa dungan ng bawat isa ay hindi lamang nakukulong sa isang porma.