Matinding Init, Pasakit sa mga Magsasaka ng Pangil, Laguna

Isinulat nina: Margareth P. Callo, Marius Cristan P. Pader at Roberto Jr. Antonio

Mga Larawan mula kay: Angel Dorado

Gamit ang mga baldeng pandilig, tinutubhigan ng mga magsasaka ng Pangil ang mga pananim upang hindi matuyo sa init ng panahon. (Kuha ni: Angel Dorado)

“Nagsimula po kasi kami, ngayon nalulugi kami. Panibagong tanim po kasi kami galing sa buto eh, kaya puro dispose po namin yung matatandang puno. ‘Yung matanda na po, napaglipasan na ng panahon, hindi na pwede, kaya talagang namamatay po yung matatanda,” sambit ni Jonathan Ripangcol, isang magsasaka mula sa Pangil, Laguna.

Isa lamang ito sa mga suliranin ng mga magsasaka sa Pangil, Laguna na dagdag pasakit ngayong panahon ng matinding tag-init. Noong Abril, mataas ang mga naitalang heat index na pumapalo hanggang 45 degrees celsius sa bayan ng Pangil ayon sa mga nakuhang datos.

Estado ng mga magsasaka

Saksi si Rolando Pega, isa pang magsasaka mula sa Pangil, Laguna, sa pinsalang dala ng El Niño. Sa 58 na taon niyang pamamalagi sa bukid, ngayong taon sila higit na naapektuhan ng mainit na klima. Bagaman noong taong 2015 lamang siya nagsimulang magsaka ng sibuyas, ngayon ay nagsisimula na silang mas mag-ingat dulot ng matinding init ng panahon.

Kung dati ay nakapagdidilig pa sila ng mga pananim kahit na alas diyes ng umaga, ngayon ay kinakailangan na nilang gumising nang alas sais ng umaga para maiwasan lamang ang kainitan. Sa mga susunod na oras naman ay naggagamas sila sa kanilang taniman.

Dahil sa naging tindi ng init tuwing tanghali, umuupo muna sila at nagpapahinga upang hindi gaanong mabilad sa araw. Sa mga oras na ito ay nagbabantay na lamang sina Pega sa kanilang mga taniman. Dahil rin sa kainitan, mabilis na natutuyo ang lupa at nabibilad ang mga sapares o spring onion. Kaya naman muli silang lalabas sa kanilang mga silong at didiligan. Alaga sa dilig ang mga punla upang hindi malusaw, na siya namang pinoproblema nila ngayon.

“Talagang mabigat po samin. Bugbog lang po talaga kami sa pagdidilig, ‘yun po yung nagiging epekto sa amin. Tapos natutunaw po sa sobrang init ‘yung mga pananim. ‘Yung ugat po ang niluluto po ng init, ‘yung ugat po mismo,” ani Jonathan Ripangcol, magsasaka ng sapares.

Inilahad ni Ripangcol ang karanasan nila ng pagkatunaw ng kanilang mga punla. Aniya, talagang bata pa lamang ang mga punla at kinakailangan pa nito ng maintinding pag-aalaga. Ngunit dahil sa mataas na temperatura ay natutunaw ito at hindi na napakikinabangan.

Ang mga punlang ito ay kanilang inaalagaan nang dalawang buwan bago nila ilipat sa kanilang mga taniman. Ayon kay Jeremy Renz Arabaca, University Research Associate mula sa Postharvest Horticulture Training Research Center (PHTRC) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), hindi talaga mawawala ang pagkalugi mula sa pag-aalaga ng punla hanggang sa paglilipat nito sa mga taniman. Sa kanilang pakikipagtrabaho sa mga magsasaka sa Pangil, nalaman nila na inaasahan na ng mga ito ang 5% na pagkawala sa mga sinimulan na mga punla. Kung titingnan ito sa panahon ng tag-init ngayon, tinatayang mas malaki pa ang kanilang lugi sa mga pananim. Dagdag pa niya, hindi talaga mawawala ang pagkalugi mula sa pag-aalaga ng punla hanggang sa paglilipat nito sa mga taniman.

“Sa nararanasang pagkatunaw ng punla ng spring onions, malaki ang nawawala sa farmers, unang-una sa seedlings pa lang sa sukat na 1,000 sq.m humigit kumulang na sa 10,000 pesos na ang halaga ng gastos nila bukod pa sa mga fertilizers at labor na kanilang gastos. Kaya sa ganitong sobrang init ng panahon nakakaranas ng pagkalugi ang mga magsasaka,” kwento naman ng pinuno ng Business Development Department ng Ahon sa Hirap, Inc, Angel Dorado.

Sa mga ganitong pagkakataon ay naapektuhan hindi lamang ang sakahan kundi pati na rin ang pang-araw-araw na buhay ng mga magsasakang kagaya nina Pega at Ripangcol.

LUNTIAN AT DILAW. Ang mga spring onion na sumasailalim sa tinatawag na heat stress ay naninilaw dahilan upang hindi ito maibenta sa merkado. (Kuha ni: Angel Dorado)

Ang mga mumunting solusyon

Ramdam din ni Arlene Galinato, isa pang magsasaka mula sa Pangil, Laguna, ang dagok na dulot ng mainit na panahon sa kanilang mga magsasaka. Ngunit dahil sa kadahilanang lahat sila sa pamilya niya ay nakadepende sa pagsasaka, kinakailangan niyang tiisin ang init ng sakahan.

Ang pagitan ng alas nuebe ng umaga hanggang alas kwatro ng hapon ay pahinga nila dahil sa init. Ngunit dahil sa mabilis na pagkatuyo ng mga pananim, ay kinakailangan nilang suungin ang nagbabagang temperatura hindi pa nakararaan ang isang oras matapos nilang diligan ang mga sapares. 

Upang maibsan ang pagkakalantad ng kanilang mga balat sa init, nagsusuot sila ng mga mahahabang damit na may manggas at ilang patong ng mga jacket at t-shirt, kasama na ang sumbrero at payong. Bagaman mainit, tila hindi nila alintana ang ganitong pananamit para lamang hindi direktang mabilad sa araw. 

Mano-mano ang kadalasang ginagamit na teknik sa pagdidilig nila Arlene sa kanilang mga sapares. Gumagamit sila ng mga malalaking balde na kanilang binubutasan sa ilalim upang sa kanilang paglalakad sa taniman ay mababasa ng tubig ang mga pananim. Mayroon na rin silang mga solar panel water pump na siyang nakatutulong sa suplay ng tubig pandilig.

Ani John Paulo Micaya, University Research Associate 1 mula sa PHTRC, sa umaga at sa hapon lamang ang dapat na pagdidilig. Ngunit dahil nga sa init ng panahon at pagkatuyo ng mga dahon ng sibuyas, dinidiligan na rin ito ng kainitan. Nagiging dahilan ito upang sumailalim ang mga pananim sa stress. Hindi umano lubos na nasisipsip ng lupa ang tubig kung ito ay didiligan sa katanghalian. Kaya naman mainam din gamitin dito ang flooding upang malamigan din ang lupang sinasakahan.

Dagdag pa ni Micaya, mas maganda pa ring gamitin ang kombinasyon ng flooding at sprinkling upang hindi lamang ang ugat ng halaman ang nalalamigan. 

Plano rin ng mga magsasaka na makipag-ugnayan sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang malaman ang mga maaring tulong na pwede pa nilang matanggap kaugnay sa pagkatunaw ng kanilang mga pananim. Hinihikayat din nila ang kapwa nila magsasaka na magrehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang sa gayon ay matulungan sila sa kanilang crop insurance.

Isa rin sa mga ginagawang pamamaraan ng mga magsasaka sa Pangil ay ang pagpapatong ng mga dahon ng niyog sa mga tanim sa sapares. Ginagawa ito upang maibsan din ang init na direktang tumatama sa mga pananim. Tinatawag itong shading.

Ayon kay Micaya, isa sa mga epektibong paraan ng shading ay ang paggamit ng net shade upang hindi magkaroon ng paninilaw sa mga sapares na siyang epekto ng heat stress. Inilalagay ito sa itaas ang mga lupang sakahan upang hindi magkaroon ng paninilaw sa mga sapares dulot ng heat stress. 

Kapag ang isang dahon ng sibuyas ay nanilaw, ito ay tinatanggal na at hindi naibebenta pa. Nakadaragdag din ito sa pagkalugi ng mga magsasaka. Mainam na gamitin ang net shade upang maiwasang mangyari ito ngunit kinakailangan ng karagdagang pera at gamit. Sa kaso ng mga magsasaka ng Pangil, may kalakihan ang kanilang taniman kaya naman nangangailangan din ito ng karagdagang gamit at pera.

Kaya naman bilang mga magsasaka, alaga ni Arlene ang pagdidilig at pagbibigay-silong sa mga pananim nang sa gayon ay hindi sila mawalan ng kita at makapag-uwi siya ng panggastos para sa kaniyang pamilya.

Pagsasaka sa hinaharap

Sa nagdaang pag-init ng panahon, hindi naging madali para sa mga magsasaka ang magtanim at umani ng pagkain at pangkain.

Hangad ni Lando na magkaroon ng malaking taniman ng sa gayon ay lumaki rin ang kanyang kita na kadalasan ay nawawala sa tuwing dumadaan ang mga kalamidad kagaya na lamang ng El Niño. Patubig naman ang nais ni Arlene nang maging mas maayos ang kalagayan ng kanilang mga punla.

Nakatatanggap man ng tulong mula sa gobyerno at pribadong sektor ang mga magsasaka sa kanilang hanapbuhay kagaya na lamang ng mga makinarya at mga libreng punla, nais pa rin nilang magkaroon ng mga karagdagang suporta. Hiling lamang ng mga magsasaka na magkaroon ng greenhouse para sa kanilang mga pananim.

Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang madaling puntahan ng sakuna. Kaya’t hindi lamang El Niño ang pinaghahandaan ng mga magsasaka. Sa kalagitnaan ng global warming na naranasan nitong Abril at Mayo, unti-unti na ring nararamdaman ang panimulang mga epekto ng pagbabago ng klima. 

Ang agrikultura, bilang isang malaking haligi ng ating bansa ay apektado ng mga ganitong sakuna. Hindi ito natatapos sa distribusyon ng mga produkto, kundi pati na rin sa pagkonsumo nito. 

Isang malaking hakbang ang pagkilala sa mga paghihirap at mga ginagawang pagsisikap ng ating magsasaka upang makatulong tayo sa suliraning kanilang kinakaharap at ng bansa. Higit na malaking tulong ang gobyerno sa pagtugon ng mga problemang ito.

Sa gitna ng pagsubok ng pagbabago ng klima, nananatili at mananatiling matatag ang ating mga tagapagtaguyod ng agrikultura.

###