Isang tahanan ang nasunog sa Purok 4, Brgy. San Antonio, Los Baños, Laguna, noong pasado ala-una ng madaling araw ng Hunyo 27. Walang nasawi sa insidente, ngunit nagtamo ng ilang mga paso sa kamay at braso si Corazon Lardizabal, ang 67-taong gulang na may-ari ng bahay.
“Totally damaged” ang isang-palapag na tahanan na yari sa semento, bakal, at yero, ayon sa spot report ng Bureau of Fire Protection (BFP) Los Baños Fire Station. Tinatayang nasa Php 540,000 ang halaga ng mga nasirang ari-arian.
Hinihinalang kandila ang naging sanhi ng sunog, subalit hinihintay pang makumpirma ito sa imbestigasyon ng BFP.
Ayon kay Linda Miravalles, bunsong kapatid ni Nanay Corazon, walang kuryente sa bahay na iyon kaya’t kandila ang ginagamit na ilaw ni Nanay Corazon tuwing gabi. “Siguro nagsindi siya ng kandila, baka nakatulugan niya… baka natumba yung kandila,” sabi ni Nanay Linda.
Salaysay ng isang saksi sa BFP spot report, may narinig na bahagyang pagsabog ang mga bisita sa katabing bahay, kung saan may ginaganap na lamay. Matapos ang ilang minuto, napansin nilang nag-aapoy na ang tahanan ni Nanay Corazon. May ilang mga saksing nakakita umano kay Nanay Corazon na tinatangkang buhusan ng tubig ang nagliliyab na bahay.
Agad namang humingi ng saklolo ang mga kapitbahay mula sa Brgy. Batong Malake at Brgy. San Antonio. Unang nakarating ang fire truck ng Batong Malake upang apulahin ang sunog.
Makikita sa video ang pagdating at pagresponde ng mga bumbero mula sa Batong Malake. Video kuha ni Niño Jose Villar
Ayon sa BFP spot report, natanggap ng BFP LB Fire Station ang tawag bandang 1:13 ng umaga. Agad namang nagpadala ng tatlong fire trucks ang BFP, at nakipagtulungan sa fire brigade ng Batong Malake upang labanan ang apoy. Ayon sa post ni Wendy Villar, nakatira sa kalapit na apartment, walang mga nakahambalang na sasakyan sa daan kaya’t madaling nakausad ang mga trak ng bumbero.
Ayon kay SFO1 Zion William Maningas, naideklarang under control ang apoy pagsapit ng 1:45 ng umaga, at fire out pagdating ng alas-2 ng umaga. Sinundan ito ng overhauling operations upang masigurong hindi na sisiklab muli ang apoy.
Kuwento ni Nanay Linda, dating may negosyong canteen at inuupahang bahay si Nanay Corazon, ngunit napilitang magsara ang kainan noong panahon ng pandemya. Doon na umano nagkaroon ng depresyon ang matanda, at lumala ang sintomas ng Alzheimer’s. Dahil hindi na rin makabayad ng upa, pinaalis sila ng may-ari ng inuupahan. Kaya naman lumipat si Nanay Corazon sa bahay sa Purok 4, na dati na niyang nabili.
“Doon siya (sa bahay namin) nakuha sa amin ng pagkain araw-araw. (Pero) nauwi siya dito (sa Purok 4) kasi ayaw niyang walang tao ito. Gusto niya dito siya matutulog, ayaw niyang iwanan ang bahay niya, kaya gusto niya dito siya lagi. Tapos ‘yan ang nangyari,” paliwanag ni Nanay Linda.
Ayon kay Nanay Linda at mga kapitbahay, nangangalakal ng mga plastic na bote at iba pang bagay si Nanay Corazon, at iniipon ang mga ito sa loob ng bahay niya.
Kinumpirma ito ng mga bumbero ng BFP, na natuklasang puno ng sari-saring kalakal ang loob ng nasunog na bahay. “Sobrang dami po ng clutter, basura, mga tambak na tela, tapos kung ano-ano pa, …mga damit, mga lata meron din,” kuwento ni SFO1 Maningas.
Salaysay ng mga saksi sa BFP spot report, nagpumilit pumasok si Nanay Corazon sa nasusunog na bahay, ngunit napigilan ito ng mga tao sa paligid. Para sa kanyang kaligtasan, dinala siya sa Brgy. Hall ng San Antonio. Dito ay nilapatan siya ng lunas, pinaliguan, at binigyan ng malinis na damit bago ihatid sa bahay ni Nanay Linda, sabi ni Celerino Dizon, Barangay Public Safety Officer (BPSO) ng San Antonio.
Ngunit pagdating ng umaga, bumalik si Nanay Corazon sa nasunog na bahay sa kagustuhang maglinis doon. Muli namang humingi ng tulong si Nanay Linda sa Brgy San Antonio upang kumbinsihin ang kapatid na sumama sa kanya pauwi.
Payo ni SFO1 Maningas, mahalagang mapanatili ang “good and proper housekeeping” sa mga tahanan, dahil ang mga tambak na kalakal at kagamitan ay maaaring magsilbing panggatong o fuel kung sakali man na magkasunog. “Huwag po tayong mag-stock ng mga mabilis masunog sa loob ng bahay,” dagdag ni BPSO Dizon.
Kung gagamit naman ng kandila, mahalagang ilagay ito sa ligtas na lugar, malayo sa bintana at kurtina, sabi ni SFO1 Maningas. Mainam rin daw na nakatuntong ang kandila sa loob ng batyang may tubig, upang mamatay agad ang apoy kung sakaling matumba ito.
Para naman sa mga gumagamit ng gas sa lutuan, pinaalala ni SFO1 Maningas na ugaliing i-check ang mga gas stove, LPG hose at LPG tank. Para sa mga gumagamit ng electrical appliances, mas mainam na i-unplug ang mga ito kapag hindi ginagamit, at pagpahingahin ang appliances at equipment upang hindi mag-overheat ang mga ito.
Kung kayo ay may kaanak na nakakaranas ng mga isyu sa kaisipan tulad ng dementia, maaaring makipag-ugnayan sa Los Banos Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa tulong sa pagpapa-checkup at pagpapagamot.