Batay sa ulat ni Guien Garma
UPDATED: Masangsang na amoy ang bumungad sa mga residente ng Brgy. Batong Malake Los Baños, Laguna ngayong Sabado ng umaga, matapos tumagas ang kemikal na ammonia sa isang ice plant sa Lopez Avenue. Umabot umano hanggang Brgy Mayondon at San Antonio ang amoy ng kemikal.
Walang fatalities o namatay sa insidente, ngunit may mga nakaranas ng pagsusuka, hirap sa paghinga, at iba pang sintomas matapos makalanghap ng ammonia. Agad naman silang dinala sa health center upang malapatan ng lunas. May ilang pamilya din ang lumikas sa lugar kaninang umaga.
Bukas ang lahat ng health centers ng buong Los Baños ngayong araw para sa mga nangangailangan ng tulong medikal. Ayon kay Kap. Kalaw, ang mga gastusin sa pagpapagamot ay kailangang panagutan ng may-ari ng planta.
Ayon sa kay Los Baños Municipal Fire Marshal Fire Senior Inspector Benjie Caca, nakatanggap sila ng tawag alas-4:45 ng madaling araw, matapos sumabog umano ang cooling tower ng planta ng yelo.
“Bigla na lang daw may sumabog sa cooling tower, eh. Under investigation pa yun namin kung paano yun sumabog bago nag-leak,” ani FSI Caca.
Agad namang rumesponde ang isang fire truck ng BFP bago mag-5:30 ng umaga. Dumating rin ang BFP Special Rescue Force mula sa lungsod ng Calamba.
Sa kasalukuyan ay kontrolado na ang tumagas na ammonia sa Lopez Avenue. Ayon kay Ian Kalaw, Brgy. Chairman ng Batong Malake, na-secure na ang valve ng planta sa tulong ng BFP Calamba Special Rescue Team.
Subalit may natitira pang 1,500 litrong ammonia sa loob ng tangke ng planta. Hinihintay pa ang manager ng planta at ang service provider upang ma-dispose nang ligtas ang kemikal. Mayroon pa ring “aerial” ammonia, o kemikal na nakalutang sa hangin, sa Mayondon, Bayog at San Antonio.
Dahil sa naturang ammonia leak, hindi muna pinadaan ang mga motorsiklo, traysikel, at mga jeep sa Lopez Avenue. Sila ay pinapaliko sa El Danda Street. Sarado rin ang mga kainan at iba pang mga establisimyento sa kanto ng Lopez Avenue at El Danda Street.
Pansamantalang pinatigil ang operasyon ng planta habang hindi pa naayos ang cooling tower nito. Ang ice plant ang nagsusuplay ng yelo sa karamihan ng mga kainan at negosyo sa Lopez Avenue at iba pang lugar sa Los Baños.
Ano ang ammonia?
Ang ammonia ay isang kemikal na madalas gamitin bilang refrigerant o pampalamig sa mga planta na gumagawa ng yelo. Maaaring ito ay likido o gas, at may masangsang na amoy. Lubhang nakalalason ang ammonia at maaaring makamatay kung malanghap ito. Kung mataas ang konsentrasyon, maaari din itong maging sanhi ng pagsabog o sunog. Karaniwang ding ginagamit ang ammonia sa iba pang industriya at produkto tulad ng mga panlinis at abono sa pananim.
Sa Facebook post ng Brgy. Batong Malake, pinayuhan ang mga residente na gawin ang mga sumusunod:
- Lumayo sa lugar na naapektuhan ng pagkalat ng ammonia. Magsuot ng mask at dumistansya ng hindi bababa sa 30 meters o 100 feet.
- Alisin agad ang damit na maaaring nagkaroon ng ammonia. Sa paghuhubad, iwasan ang paglapat nito sa inyong balat. Ilagay ang inyong damit sa loob ng isang plastic bag at isara ito nang maayos. Siguruhing ang plastic bag ay malayo at hindi maaabot ng ibang tao lalo na ng mga bata. Itabi ang mga plastic bag na pinaglagyan ng kontaminadong gamit at siguraduhing maitatapon ito sa tamang paraan alinsunod sa mga patakaran ng DENR.
- Gamit ang sabon at tubig, agad na maligo at hugasan nang maayos ang parteng katawan na lumapat sa ammonia. Gumamit din ng maraming tubig para linisin ang mata. Kung nakasuot ng contact lenses, tanggalin at itapon na ito. Kung nakasuot ng salamin, hugasan din ito gamit ang sabon at tubig bago isuot muli. Huwag gumamit ng bleach para alisin ang ammonia sa lyong balat.
- Agad na sumangguni para sa medikal na atensyon kung kinakailangan.