Isinulat ni Neil Andrew Tallayo
Tila lumubog ang estado ng kabuhayan ng maraming mamamayan ng Laguna nang mag-usbungan ang water lilies sa Laguna de Bay matapos ang Bagyong Ondoy noong 2009. Ngunit sa pamamagitan ng paglikha ay nagawang makaahon sa dagok ang mga kagaya ni Renel Batralo, 43, may-ari ng Rolyohika at iba pa Handicrafts na gumagawa ng samu’t saring kagamitang yari sa water lilies at iba pang raw materials sa Pila.
Aniya, nasa milyones na water lilies ang bumara sa daanan ng mga bangka ng mga mangingisda na nagdulot ng malawakang suliranin sa bayan. Ito ang nag-udyok sa Department of Trade and Industry (DTI) na magsagawa ng pagsasanay upang masolusyonan ang problemang ito—naging inspirasyon din ito ni Batralo upang gamitin ang mga water lilies bilang materyales sa kanyang mga likha, at dito nabuo ang Rolyolikha at iba pa Handicrafts sa pamumuno ni Batralo.
Sustainable livelihood sa water lilies
Bilang pinakamalaking lawa sa buong Pilipinas, ang Laguna de Bay ay sagana sa iba’t ibang likas na yaman na pangunahing pinagmumulan ng pagkakakitaan ng maraming Lagunenseng katulad ni Batralo.
“Dahil sa Bagyong Ondoy, nagkaroon ng problema. Nawalan ng trabaho ang ating mga kababayan. Lalo na rito sa Bayan ng Pila, especially sa coastal area. Ang sanhi ng pagkawala ng trabaho ng mga farmers and fisherfolks natin ay dahil sa water lily,” kwento niya.
Itinuturing ni Batralo ang Rolyolilkha bilang isang halimbawa ng “sustainable livelihood,” isang kasanayang nais din niyang ipamahagi sa iba’t ibang mga mamamayan ng Pilipinas na, katulad niya, ay nais ding kumita sa pamamagitan ng mga materyales na maaaring makasama sa kalikasan.
Kwento pa niya ay ang mga water lilies ay hindi lamang laganap sa Laguna, kundi pati sa Rizal, Cotabato, Mindanao, at Laoag kung saan naipamahagi ni Batralo ang kaniyang kaalaman para sa pagkakakitaan ng mga residente.
Dagdag pa niya, nakapag bahagi na rin siya ng kaalaman sa paglikha ng mga kagamitan gamit ang water lily sa iba pang ibayo ng Pilipinas kung saan ibinida niya ang proseso ng paggawa ng mga kagamitang hindi lamang maituturing na maganda, ngunit nakatutulong din sa paglilinis ng kani-kanilang mga lawa.
Pag-usbong ng water lilies
Ano nga ba ang sanhi ng biglang pagdami ng water lilies sa Laguna de Bay? Ayon kay Jamella de Castro, science research specialist ng Department of Environment and Natural Resources Ecosystems Research and Development Bureau (DENR-ERDB), ang pagdami ng water lilies ay sanhi ng mababang kalidad ng tubig sa lawa.
Dagdag pa niya, ang patuloy na paglala ng polusyon sa tubig dahil sa waste discharge ay mas magpapalala pa sa pagdami ng water lilies sa lawa. Bilang invasive alien species, sinabi niyang mabilis itong dadami at maaapektuhan lalo ang kalagayan ng Laguna Lake.
Ayon naman kay Dr. Marisa Sobremisana*, isang Assistant Professor sa School of Environmental Science and Management ng University of the Philippines Los Baños (SESAM-UPLB), ang pagdagsa ng water lilies sa katubigan ay lubos na nakaaapekto sa kalusugan ng mismong lawa at mga iba pang organismong naninirahan dito tulad ng mga isda.
“Syempre may life cycle ang ating water lilies […] kapag mag-end of life na siya, mamamatay na yung water lilies […] madedecompose siya so gagamitin nila yung oxygen sa body of water para i-decompose yung dead na water lilies. Nakikipagcompete sila doon sa oxygen na gagamitin naman ng mga fish at other organisms in the lake,” paliwanag niya.
Binigyang diin din ni Dr. Sobremisana na may mga hindi direktang epekto rin ang mga water lilies sa kalusugan ng mga mamamayan, partikular ang proseso ng paghalo ng tubig mula sa lawa sa groundwater na iniinom o ginagamit ng mga tao sa kanilang mga kabahayan.
Kaya binigyang kahalagahan ni Dr. Sobremisana ang inisyatibo ni Batralo para sa ikabubuti sa hinaharap ng lawa ng Laguna at ng mga organismong namumuhay rito. Aniya, ito ay isang magandang aktibidad lalo kung wala pang mga solusyon sa tuluyang pagbabawas ng water lilies sa lawa.
“Aside from nire-reduce niya iyong dami ng water lilies from the lake and other water bodies ay magkakaroon pa ng additional source of livelihood iyong ating mga fisherfolks,” paliwanag niya.
Pagyabong ng industriya ng paglikha
Nang dahil sa simpleng pagrorolyo ng mga lumang dyaryo, ibinahagi ni Batralo kung paano lumago ang buhay niya at ng kanyang pamilya nang dahil sa water lilies, kasama rito ay kung paano niya naipasa sa kanyang kababayan ang kagawiang ito na kalauna’y nakatulong din sa kanilang kabuhayan.
“Galing kami sa isang mahirap na pamilya. Dahil nagpursigi, nakapag-aral, nakapagtapos, iyong knowledge ko iyong skills ko, dito napunta sa handicrafts. Iyong pagroroll ng papel hanggang sa paggawa ng produkto, naging hobby ko lang and eventually, naging negosyo […] nakapagbibigay na rin ng hanapbuhay sa ating mga kababayan,” kwento niya.
Aniya, ilan sa mga natulungan ng Rolyolikha ay ang mga kabataang mag-aaral at out-of-school youth sa bayan ng Pila, kung saan binibigyan ni Batralo ng mapagkakakitaan at kaalaman sa paglikha ang mga kabataan.
Ang proyektong ito ni Batralo at ng kabuuan ng Rolyolikha ay nakatulong din sa paglago ng ekonomiya ng Pila at ng pagkakakilanlan nito. Ayon pa kay Batralo, nagkaroon ng malaking kontribusyon ang Rolyolikha sa pagpapalaganap ng turismo sa bayan.
“Pagdating sa ganitong industry, hindi lamang kami iyong nagbo-boost or umuunlad but also iyong mga kababayan natin dito sa gilid. Nagiging part siya ng tourism, so maraming turista na dumadayo rito na natutuwa sa ganda ng mga produkto.”
Kalaunan, nakatulong din ang Rolyolikha sa iba pang mga manggagawa sa Pila, tulad na lamang ng mga tagaani at tagahabi ng water lilies mula sa Laguna de Bay. Kwenti niya, “iyong ibang gatherer, sa sobrang sustainable ng order namin sa kanila, nakapagpatayo sila ng bahay. Nakapaggawa sila ng sarili nilang poso na rati ay kilo-kilometro iyong kanilang nilalakad para makakuha ng tubig.”
Kinabukasan sa water lilies
Sa pagtayo niya ng Rolyohika ay naalala ni ni Batralo ang kanyang mga natutuhan sa klase niya sa home economics sa elementarya. “Hindi natin akalain na iyong skills na iyon ay magiging daan para makapagtayo ng negosyo and, at the same time, ay makapagbigay ng impact sa ating kababayan.”
Sa pagbabalik-tanaw niyang ito, inilahad din niya ang kinabukasang inaasam niyang makita sa industriya ng paglikha, partikular sa paggamit ng water lilies. “Hanggang may water lilies, tuloy-tuloy na magc-create ng bagong designs, ng development para maibigay natin sa ating kababayan at magkaroon sila ng hanapbuhay.”
Sa huli ay naniniwala si Batralo na nasa mga kabataan nakasalalay ang paglago ng industriya ng paglikha. . Aniya ay dapat silang makilahok sa pagsasanay sa paghabi ng mga kagamitan gamit ang mga hilaw na materyales tulad ng water lilies.
”Ine-encourage ko ang mga kabataan na i-develop o i-discover natin kung saan tayo magaling, saan tayo mahusay. Maaaring pwedeng maging way iyon para umasenso tayo, but also, ‘yung impact niyan sa ating community.”
*EDITOR’S NOTE: Si Dr. Marisa Sobremisana ay namayapa noong Mayo 26, 2024. Lubos na nakikiramay ang grupo sa buong pamilya ni Dr. Sobremisana. Nagpapasalamat din ang grupo sa oras na nilaan ni Dr. Sobremisana sa pagpapaunlak ng panayam para sa lathalaing ito.