Ulat ni Dara Barile
Tinatayang nasa Php 36 milyon ang halaga ng mga kagamitang tinupok ng sunog sa isang hardware store sa Purok 4, Brgy. San Antonio, Los Baños, Laguna noong pasado ng alas-8:00 ng gabi noong Hulyo 6.
Walang naitalang casualties o injuries sa nasabing insidente.
Ayon kay SFO1 Zion William Maningas ng Bureau of Fire Protection Los Baños (BFP-LB), ang nasabing halaga ay base lamang sa Bureau of Fire Protection Standard Operation Procedure Manual. Kasalukuyang hinihintay pa ng ahensya ang affidavit of loss mula sa mismong may-ari ng hardware store upang matukoy ang eksaktong halaga na tinupok ng apoy.
Patuloy ang pag-iimbestiga sa mismong dahilan at pinagmulan ng nasabing sunog. Nasa arson laboratory ng National Headquarters ng BFP ang ebidensya na nakuha sa nasunog na gusali, ngunit hindi pa tiyak kung kailan lalabas ang resulta sa dami ng kaso ng sunog sa bansa na iniimbistagahan ng ahensya.
Dagdag pa ni SFO1 Maningas, isang empleyado ng hardware store ang nakapansin ng apoy sa unang palapag ng gusali. Mabilis itong kumalat dahil sa mga highly flammable at easily combustible materials katulad ng thinner at pintura na katabi ng pinagmulan ng sunog.
Nakatanggap ang Municipal Action Office ng tawag tungkol sa nasabing sunog ng 8:17 pm ng gabi. Dalawang fire truck mula sa Batong Malake at isa mula sa BFP-LB ang rumisponde upang sugpuin ang apoy.
Itinaas sa 2nd alarm level ang sunog ng 9:02 pm ng gabi. Kaagad na rumisponde ang mga karatig na bayan at munisipalidad gaya ng Calamba City Fire Station, Cabuyao City Fire Station, Calauan Fire Station, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Fire Station personnel ng Bay, Filipino-Chinese Young Men Athletic Association (FCYMMA) ng Sta Cruz, Cabuyao City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Fire Brigade, at Brgy. Canlubang Fire Brigade upang tugunan ang nasabing sunog.
10:10 pm nang idineklara ng Los Baños Municipal Fire Marshal na under control ang sitwasyon.
Bandang 10:35 pm ng gabi ay nag-deklarang ‘fire out’ ang BFP. Sinundan ito ng overhauling operations hanggang 4 ng madaling-araw, dahil sa panaka-nakang pagsiklab ng mga natitirang baga. Bandang alas 9:00 ng umaga, bumalik ang mga bumbero mula sa Batong Malake at BFP-LB, dahil nagkaroon muli ng usok sa nasunog na gusali.
Paliwanag ni SFO1 Maningas, posibleng muling nagningas ang mga natirang baga dahil naroon pa ang mga elementong kailangan ng apoy. “Present pa po doon yung heat, kasi may nagbabaga pa po doon tapos present pa po doon yung fuel. So pag minsan natatakluban lang po siya ng mga debris. And kapag po nag-overhauling, nakakakuha ulit siya ng oxygen. That’s the time po na may possibility po na mag-rekindle siya o mag-apoy po ulit siya,” aniya.
Upang maiwasan ang pagkalat ng apoy sa mga katabing bahay at gusali, nagsagawa ng cover exposure ang Batong Malake Fire Brigade at BFP sa likod at gilid ng nasunog na gusali.
“So ang cover exposure po natin is yung ang focus po ng aming attack is to to break yung fire na pwede makaspread sa adjacent buildings. So dun kami nagfocus sa may mga pwedeng kalatan. So yun ang aming naging tactic na very fortunate naman na naging effective naman siya para hindi na makadamay nung ibang bahay,” ani SFO1 Maningas.
Nagkaroon lamang ng charring o bahagyang pangingitim sa bubong ng katabing bahay, ayon kay SFO1 Maningas.
Upang makaiwas sa sunog at mapigalan ang pagkalat ng apoy, pinayuhan ni SFO1 Maningas sa mga business establishment na ugaliin ang maayos na pagbubukud-bukod ng mga stocks na highly flammable (madaling sumiklab) at non-combustible (madaling sumabog). Mahalaga rin na sumunod sa requirements ng fire safety inspectors mula sa BFP at ang pagsasagawa ng regular fire drills. Dagdag ni SFO1, gawin ang tamang proseso sa pagkuha ng building permit mula sa lokal na pamahalaan at BFP upang masigurado ang fire safety ng mga gusali.
“Sa amin po sa pamunuan ng Bureau of Fire Protection po, prevention is better than suppression po,” paalala ni SFO1 Maningas.