Patuloy na tumatanggap at nagpo-proseso ng mga aplikasyon para sa mga new registration, transfer at reactivation ng mga botante ang COMELEC Los Baños hanggang ika-30 ng Setyembre ngayong taon sa opisina nito sa Los Baños Municipal Bldg. Bukas ang tanggapan ng COMELEC mula 8 ng umaga hanggang 4 ng hapon tuwing Lunes hanggang Biyernes, at mula 8 hanggang 3 naman tuwing Sabado at Linggo. Bukas rin ang tanggapan kahit sa araw ng holiday.
Ayon sa Facebook post ng COMELEC, ito ang mga hakbang para magparehistro, magpalipat ng voting precinct, o mag-reactivate bilang botante:
- I-download ang application form sa COMELEC Website. I-print ito ng back to back gamit ang long o legal size na papel. Sagutan ito ng tama, kumpleto at malinaw, gamit ang black ballpen. Huwag muna itong lalagayan ng thumbmark.
- Ihanda ang mga sumusunod na requirements:
- Sariling ballpen
- Printed at sinagutan na Application Form
- Original at isang photocopy ng valid ID
- Magtungo sa tanggapan ng COMELEC at pumila sa front desk para sa interview, checking, at pag-assign ng precinct number. Dito rin ipapasa ang inyong dalang printed application form.
- Pumila para sa biometrics.
- Magsulat sa logbook
- Kukunin ang inyong larawan, thumbprint at signature
- I-double check ang inyong impormasyon sa monitor
- Sa harap ng election officer, gamit ang ink pad, lagyan ng inyong left thumbmark (kaliwang hinlalaki) ang inyong application form.
- Hintayin ang acknowledgement receipt bilang patunay ng pagpapa-rehistro.
- Kung nais kumuha ng voter’s certfication, alamin ang anunsyo ng LB Comelec tungkol dito.
Paalala ng COMELEC, siguraduhing bumoto tuwing eleksyon. Kapag hindi nakaboto ng dalawang magkasunod na halalan, made-deactivate ang iyong status bilang botante.
“Kami po sa COMELEC ay nag-eencourage na kayo po ay mag-rehistro, dahil ito po ang unang step para tayo ay makaboto,” paliwanag ni Election Officer Randy Banzuela ng COMELEC Los Banos. “Maglalaan din po kami ng mga voter education, nang sa ganun, mamulat po tayo sa tamang pagpili ng mga kandidato na iluluklok, para ang bayan naman natin ay maging masagana at tama yung leader na ating ilalagay,” dagdag niya.