159 pamilya sa Los Banos, sa evacuation centers magpapalipas ng Undas

Nananatili sa mga evacuation centers sa iba’t ibang barangay ng Los Banos ang may 159 na pamilya, o 656 na indibidwal, matapos malubog sa baha o masira ang kanilang mga tirahan noong kasagsagan ng Bagyong Kristine, ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Sa kasalukuyan, pinakamarami ang mga evacuees sa Brgy. Bambang (79 pamilya); Tadlac (25 pamilya); San Antonio (22 pamilya); Bayog (13 pamilya); Malinta (8 pamilya); Tuntungin-Putho (6 pamilya);  Mayondon (4 pamilya); at Lalakay (2 pamilya), sabi ni Noel Katimbang ng MSWDO.

Kuwento ni Abelyn Lapulapu, residente ng Brgy Malinta at pansamantalang nanunuluyan sa Malinta Elementary School, lumikas sila dahil nililipad na ng hangin ang kanilang bubong at dingding. Habang nandoon ang kanilang pamilya sa evacuation center, umabot na sa hanggang hita ang tubig baha sa kanilang tahanan. “Yung higaan namin abot na. Kahit maitaas pa sya, talagang abot sya,” kuwento ni Abelyn. Hanggang ngayon ay hanggang tuhod pa rin ang tubig sa kanilang tirahan, kaya hindi pa sila makauwi, dagdag niya,

Noong Oktubre 23 hanggang 24, kasagsagan ng bagyo, umabot sa 986 na pamilya o 3,919 na indibidwal ang nagsilikas sa iba’t ibang barangay ng Los Banos.

Sa Brgy. Malinta, kusa nang lumikas at humingi ng tulong ang may 83 na pamilya, matapos umabot sa hanggang bewang o dibdib ang baha sa kanilang mga tirahan. “Rescue na sila, through bangka na, kasi hindi na kaya ang sasakyan,” kuwento ni Jinny Jumawid, Barangay Health Worker sa Malinta. Kahit mismong tanggapan ng Brgy. Malinta ay pinasok na rin ng tubig baha, dagdag niya.

Sa kasalukuyan, nagbibigay ng mga basic needs tulad ng pagkain at tubig sa mga lumikas ang mga pamahalaang-barangay, pamahalaang-bayan, at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Nagsasagawa na rin ng assessment sa mga bahay nasira ng bagyo, upang makapagdesisyon sa uri ng assistance na ibibigay sa kanila.

Para naman sa mga pamilyang nakatira sa danger zones, may option na sila ay i-relocate, ngunit kailangan pa raw itong isangguni sa National Housing Authority.

Nagpapatuloy ang clearing operations upang isaayos ang mga poste ng kuryente at mga punong itinumba ng bagyo. May ilang mga lugar sa Los Banos na wala pa ring tubig at kuryente.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng State of Calamity ang buong probinsya ng Laguna, pati na ang Cavite, Batangas at Quezon, dahil sa epekto ng bagyong Kristine. May tinatayang 72 indibidwal ang namatay sa buong rehiyon dahil sa bagyo.