Nakataas na ang tropical cyclone wind signal 1 sa silangang bahagi ng Laguna, habang patuloy na lumalapit at lumalakas ang Bagyong Pepito sa kalupaan ng Pilipinas, ayon sa ulat ng PAGASA kaninang alas-5 ng hapon. Maaring maramdaman ang hangin at ulan na dala ng bagyo sa loob ng susunod na 36 oras.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyong Pepito sa 465 km silangan ng Guiuan, Eastern Samar (10.6 °N, 131.5 °E ). Taglay nito ang lakas ng hangin na 150 km/h malapit sa gitna, at ang bugso ng hangin hanggang 185 km/h. Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 30kph.
Dahil sa patuloy na paglakas ng bagyo, posibleng magi itong super typhoon bago tumama sa isla ng Catanduanes bukas ng gabi hanggang Linggo ng madaling araw. Dadaan ang sentro ng bagyo sa Bicol Region, probinsya ng Quezon, mga probinsya ng Central Luzon, at Pangasinan. Ngunit dahil sa lawak ng bagyo, mararamdaman ang epekto nito sa malaking bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at maging sa ilang bahagi ng Northern Luzon, paliwanag ni DOST-PAGASA Asst. Weather Services Chief Chris Perez sa isang press briefing. Tinatayang makalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility sa Lunes ng hapon.
Mula Sabado ng hapon hanggang Linggo ng hapon, mag-uumpisang makaranas ng moderate to heavy rainfall (50-100mm) ang mga probinsya ng Laguna, Batangas, Cavite, Rizal, Metro Manila, Bataan, Pampanga, Bulacan, Marinduque, Romblon, Samar, Leyte at Biliran. Samantala, intense to torrential rainfall (mahigit sa 200mm ng ulan) ang mararanasan sa Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, at Sorsogon; habang heavy to intense rainfall (100-200 mm) naman sa Aurora, Quezon, at Masbate.
Sa Linggo ng hapon hanggang Lunes ng umaga, makararanas ng intense to torrential rainfall ang probinsya ng Quezon, habang heavy to intense rainfall naman sa Pangasinan, Nueva Ecija, Zambales, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Bataan, at Metro Manila. Moderate to heavy rainfall naman ang mararanasan sa La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino, Laguna, Rizal, Cavite, Batangas, Marinduque, Romblon, Camarines Norte, at Camarines Sur.
Mga paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Los Banos
Dahil sa posibilidad ng pagbaha, naghahanda na ang Los Baños Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para sa posibleng paglikas ng mga residente, lalo na sa mga lugar na malapit sa daluyan ng tubig, ayon kay Los Baños Public Information Officer Marvin Canaria. Naghahanda na rin ng pagkain ang Municipal Social Welfare and Development Office, habang naghahada ng mga kagamitan para sa rescue and emergency operations ang MDRRMO, Engineering Office, Municipal Environment & Natural Resources Office (MENRO), at General Services Office (GSO). Puspusan na rin ang paghahanda ng mga barangay sa mga evacuation centers sa kanilang mga lugar.
Sa isang Facebook post, hinikayat ng lokal na pamahalaan ng Los Baños ang lahat na maghanda at mag-ingat sa paparating na bagyo. Ibinigay din nito ang mga susunod na numero na maaaring tawagan kung sakaling mangailangan ng saklolo:
MDRRMO : 0977-204-9641
MUNICIPAL ACTION CENTER : 530-2818/530-2564
MUNICIPAL HEALTH OFFICE : 536-3857
BFP : 536-7965/0939-432-5837
PNP : 536-5631/0927-509-1198
Samantala, ang Bagyong Ofel ay nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility, matapos manalasa sa Northern Luzon.
Ang bagyong Pepito ang ika-anim na bagyong tumama sa bansa sa loob ng nakaraang apat na linggo. Naunang nanalasa ang bagyong Kristine noong Oktubre 20. Matapos ang ilang araw, sinundan ito ni Super Typhoon Leon, kasunod ang mga bagyong Marce, Nika, Ofel, at Pepito. Nagdulot ang limang naunang bagyo ng matinding pagbaha, pinsala sa mga imprastraktura, taniman, at kabahayan, at nagpalikas ng libo-libong katao sa maraming lugar sa Pilipinas.