Higit kalahati sa party-list candidates, hindi kumakatawan sa mahihirap – Kontra Daya

Hindi kumakatawan sa mga mahihirap na sektor ang mahigit sa kalahati ng mga party-list groups na tumatakbo ngayong eleksyon, batay sa pag-aaral na ginawa ng election watchdog na Kontra Daya ngayong Pebrero 2025.

Batay sa datos ng Kontra Daya, 40 na party-list groups ang konektado sa political dynasty; 25 ang konektado sa malalaking negosyo; 18 ang konektado sa militar o pulis; 7 ang may kaso ng katiwalian; 11 ang may kaduda-dudang adbokasiya; at 9 ang kulang sa impormasyon. Mga larawan mula sa flaticon.com

Ayon sa datos na nakalap ng Kontra Daya, sa 156 na party-list groups na kumakandidato ngayong 2025 elections, 86 (55.13 porsyento) ay may kaugnayan sa mga sumusunod: political dynasty (40), malalaking negosyo (25), o pulis at militar (18); habang ang iba naman ay may mga kaso ng katiwalian (7); kaduda-dudang adbokasiya (11), o walang sapat na impormasyon (9).

Sa mga party-list groups na pinuna ng Kontra Daya, may kaugnayan umano sa political dynasties ang 4Ps (Abalos), ACT-CIS (Tulfo, Yap), FPJ Bantay Bayan (Poe Llamanzares, Dolor, Paton) at Tingog Sinirangan (Romualdez). May kaugnayan naman sa malaking negosyo ang Ako Bicol (Sunwest Construction); TGP (Teravera Corp.); at 1PACMAN (GlobalPort 900 Inc.); habang may koneksyon sa militar o pulis ang Duterte Youth, CWS, at MAGSASAKA. Samantala, may mga record o kaso ng katiwalian ang ilang nominees ng BICOL SARO, United Senior Citizens, TGP, KAUNLAD Pinoy, at PINUNO. Kabilang naman umano sa party-list groups na may kaduda-dudang adbokasiya ang 4PS, Murang Kuryente, WIFI, Kapuso PM, TICTOK, ASAP NA, at Bagong Pilipinas.

Ano ang implikasyon nito?

Ayon kay UPLB Political Science Professor Miguel Enrico Ayson, ipinapakita ng Kontra Daya report ang nakaka-alarmang paglihis ng party-list system ng Pilipinas mula sa orihinal nitong layunin. Paliwanag ni Prof. Ayson, ang paggamit sa party-list system bilang “alternative electoral vehicle” ng mga mayamang pulitikong may makapangyarihang makinarya, ay umaagaw ng pagkakataon para magkaroon ng representasyon sa Kamara ang mga tunay na sectoral parties.

Dagdag naman ni UPLB Political Science Professor Norbert Falguerra, maituturing na “mangled” o sira ang party-list system ng bansa. “You now have congressmen who are not security guards representing security guards. You now have congressmen representing the vendors who are not actually vendors,” puna niya. “Pag congressman na sila, you can’t expect them to do their jobs kasi hindi naman talaga sila miyembro ng marginalized group na iyon. So if they are not doing their jobs, what are they doing in Congress? …Kumita, money-making. There are many ways for congressmen to make money — mostly overpriced projects,” giit ni Prof. Falguerra.

Ano nga ba ang party-list system?

Ang party-list system ay ipinagtibay ng 1987 Constitution upang magkaroon ng representasyon sa Kamara ang mga marginalized o mahihirap na sektor ng lipunan, tulad ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang tagalungsod, mga katutubo, kababaihan, at kabataan (Caguioa, 2020).

Ayon sa Article VI ng 1987 Constitution, 20 porsyento ng mga mambabatas sa Kamara ay kailangang magmula sa mga party-list. Sa Section 5, nakasaad na For three consecutive terms after the ratification of this Constitution, one-half of the seats allocated to party-list representatives shall be filled, as provided by law, by selection or election from the labor, peasant, urban poor, indigenous cultural communities, women, youth, and such other sectors as may be provided by law, except the religious sector.

Upang maipatupad ang probisyon ng Constitution, ipinasa noong 1995 ang Republic Act No. 7941 (Party-List System Act).

Magmula 1998,  nagkaroon ng maraming mga petisyon sa Korte Suprema upang linawin ang paghalal, kwalipikasyon, at alokasyon ng puwesto para sa mga party-list organizations at kanilang mga nominees (Caguioa, 2020).

Noong 2013, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema tungkol sa petisyon ng 52 na mga party-list group, sa pangunguna ng Atong Paglaum Inc. laban sa diskwalipikasyong ginawa sa kanila ng COMELEC noong 2013 party-list elections. Sa desisyon na ito, sinabi ng Korte Suprema na base sa 1987 Constitution, “the party-list system is not for sectoral parties only, but also for non-sectoral parties”.

Paliwanag ni Prof. Ayson, dahil sa desisyon na ito ng Korte Suprema, nagkaroon ng pagkakataon ang mga mayayaman at makapangyarihang pamilya upang makapasok sa party-list system. Dagdag ni Prof. Falguerra, dahil may pera ang mga ito, “(they) can operate well-organized and well-financed campaigns.

Dagdag pa ni Prof. Ayson, “in our recent election cycles, we witnessed how political dynasties continue to consolidate their power, undeterredly occupying various local and national positions simultaneously”, dahil na rin sa kawalan ng batas laban sa political dynasties.

Ano ang dapat gawin upang mabago ang situwasyon?

Ayon kay Prof. Ayson, kailangang magkaroon ng batas na magsasaayos ng party-list system. “This includes reforming the electoral rules for which party-list seats are allocated and, most importantly, ensuring that the competition is only limited to sectoral parties that really represent the marginalized and underrepresented,” aniya. Kung hindi ito magagawa, patuloy na mangingibabaw ang mga “rich and dynastic politicians” sa party-list system.

Paalala ni Prof. Asyon, kailangang tandaan ng mga botante ang orihinal na layunin ng party-list, “to give voice to the marginalized and underrepresented”, at dapat ay bumoto sa mga party-list na tunay na nagsusulong ng kapakanan ng mga mahihirap.

Maaaring ma-download ang datos at pagsusuring ginawa ng Kontra Daya sa https://tinyurl.com/KDPLstudy2025.

References:

Caguioa, J. 2020. Separate Opinion on  G.R. No. 246816, Angkla and SBP vs. COMELEChttps://lawphil.net/judjuris/juri2020/sep2020/gr_246816_caguioa.html

Casiple RC. (2003). The Party-List Path to a Broadened Philippine Democracy. https://cids.up.edu.ph/wp-content/uploads/2022/03/The-Party-list-Path-to-a-Broadened-Philippine-Democracy-vol.7-no.1-Jan-June-2003-2.pdf.

Kontra Daya (2025). Kontra Daya Guide to the Party-list Groups in the 2025 polls. https://tinyurl.com/KDPLstudy2025

Supreme Court, Republic of the Philippines (2013). G.R. No. 203766, ATONG PAGLAUM, INC., vs. COMMISSION ON ELECTIONS. https://lawphil.net/judjuris/juri2013/apr2013/gr_203766_2013.html

Tangkia FP., Habaradas MAB. (2001). Party-List System: The Philippine Experience. https://library.fes.de/pdf-files/bueros/philippinen/50076.pdf