LOS BAÑOS, LAGUNA – Pansamantalang isasara ang National Highway sa boundary ng Los Baños at Calamba, Laguna mula Pebrero 19 hanggang Pebrero 20, 2025 bilang bahagi ng konstruksiyon ng bagong boundary marker ng bayan.
Ayon sa Pamahalaang Bayan ng Los Baños, ang pagsasara ay magtatagal nang ilang oras – mula 11:00 PM ng Pebrero 19 hanggang 4:00 AM ng Pebrero 20, habang isinasagawa ang lifting works ng mga pangunahing istruktura.
Upang maiwasan ang matinding trapik, pinapayuhan ang mga motorista na may dalang light vehicle na dumaan sa Lakewood Subdivision bilang alternatibong ruta.
Ang mga motoristang manggagaling sa lungsod ng Calamba ay maaaring kumaliwa sa Bagong Kalsada, kanan sa Tadlac Road, kanan sa Geneva Lake hanggang sa makalabas sa main gate ng Lakewood Subdivision sa Lakewood Avenue. Lalabas ang mga motorista sa entrance ng Lakewood sa National Highway sa Los Baños.
Ang mga manggagaling naman sa bayan ng Los Baños, maaaring pumasok sa entrance ng Lakewood Subdivision mula sa National Highway, kaliwa sa main gate ng Lakewood, hanggang makalabas sa Geneva Drive. Mula Geneva Drive, kakaliwa patungong Tadlac Road at kakaliwa muli pagsapit ng Bagong Kalsada. Sa National Highway sa Calamba lalabas ang mga sasakyan.

NASA LARAWAN: Alternatibong ruta para sa isasarang National Highway. Imahe mula sa Bagong Los Banos.
Ang proyekto ay bahagi ng pagpapaganda at modernisasyon ng boundary marker ng bayan. Sa paunang ulat ng DZLB News, sinabi ni Municipal Information Officer John Marvin Canaria na muling bubuksan ang National Highway oras na matapos na ang lifting sa biga o beam para sa itatayong boundary marker.
Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang anunsyo ng Pamahalaang Bayan ng Los Banos dito.