Libreng vasectomy at tubal ligation, inilunsad ng Los Baños Municipal Health Office

Ulat ni Gabrielle Angela Diaz Sales at Nirel Lia Ortega

NASA LARAWAN: Nagtipon ang ilang kababaihan ng Los Baños para sumailalim sa libreng bilateral tubal ligation sa Los Baños RHU I. Kuha ni Nirel Lia Ortega.

Nagsagawa ng libreng no-scalpel vasectomy (NSV) at bilateral tubal ligation (BTL) ang Los Baños Municipal Health Office (LBMHO) noong ika-12 ng Pebrero 2025 bilang bahagi ng mga aktibidad ng Provincial Population Office-Outreach (PPO-Outreach) ng Laguna, kasama ang DKT Philippines Foundation.

Bago operahan ang mga nagparehistro, tiniyak ng mga tauhan ng PPO-Outreach na sila ay nasa mabuting kalagayan sa pamamagitan ng masusing screening process kung saan sinuri ang kanilang blood pressure at ibang medical history. 

Ang operasyon ay isinagawa sa loob ng DKT Sodex Mobile Family Planning Bus at pinangunahan ni Dr. Luis Garcia Jr., isang vasectomy surgeon. Matapos nito, idinadala ang mga pasyente sa recovery room sa loob ng RHU I upang obserbahan bago sila payagang umuwi. Nagbilin din sa mga kababaihihan na nagpa-ligate na bumalik makatapos ang isang linggo upang tanggalin ang tahi mula sa operasyon.

NASA LARAWAN: Sa ng bus na ito isinasagawa ang libreng bilateral tubal ligation at no-scalpel vasectomy ng LBMHO. Kuha ni Nirel Lia Ortega.

Karamihan sa nagpaparehistro sa libreng BTL ay mga nanay na may edad lagpas 30 taon at hindi na nais pang magka-anak.

“Sa panahon ngayon, mahirap nang magka-anak nang marami. Tsaka mahirap mag-paaral, kailangan may family planning talaga,” rason ng isang residente mula Brgy. Mayondon na nagpa-BTL.

Sa datos, 22 kababaihan ang nag parehistro at sumailalim sa BTL noong Miyerkules, ngunit walang nagparehistro o nag-walk in para sa NSV. 

“Minsan kasi naiisip ng mga kalalakihan kulang yung information na binibigay sa kanila. Yung iba [naiisip] na kabawasan daw ng pagkalalaki, baka kung anong mangyari o kinakabahan sila,” hayag ni Ancilyn Mendoza, mula sa PPO-Outreach, patungkol sa mga karaniwang pagiwas ng mga kalalakihan sa vasectomy. 

Patuloy na isinusulong ng PPO-Outreach at LBMHO ang mga programang pangkalusugan para sa mas epektibong family planning sa Los Baños. 

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa kanilang mga serbisyo, maaaring bisitahin ang opisyal na Facebook page ng LBMHO.