Bloodiest Rumble: Blood Donation Drive, isinagawa ng Red Cross Youth UPLB

Ulat ni Luke Matthew Lucido

Idinaos ang “Bloodiest Rumble 2025: Fueling the Fire of Champions” sa D.L. Umali Hall, University of the Philippines Los Baños (UPLB) noong ika-13 ng Pebrero 2025. Pinangunahan ito ng Red Cross Youth of University of the Philippines Los Baños (RCYUPLB) katuwang ang Philippine Red Cross Laguna Chapter – City of Calamba Branch. 

Ayon sa tala ng RCYUPLB, binuo ang blood letting program ng 180 na blood donors at umabot naman ng 133 bags ang nakolektang dugo. 

NASA LARAWAN: Ang istasyong ito ay ang lugar na pinagkukunan ng dugo ng mga donors. Ilan sa mga donor na ito ay aktibong nakikilahok sa mga Blood Donation Drive ng RCYUPLB. (Kuha ni Luke Matthew Lucido)

“Ang purpose ng event na ito ay to save lives kasi everyday, lagi tayong nakaka-receive ng request for blood dahil sa iba’t ibang karamdaman na meron sila,…ang essence lang ay magbigay ng buhay,” wika ni Chloe Distor, isang program organizer.

Ayon naman kay Glory Anne Cayabyab, ang program committee head, ang programang “Bloodiest Rumble 2025” ay hinubog sa ideya ni John Henri Dunant. “Nag-participate siya sa Battle of Solferino, which he thought was the bloodiest rumble of the century kasi it’s war,” aniya.

“Nang nabuo ang blood drive na ito, it was a time when the organizations, fraternity, at sorority na very competitive with each other, and we thought na i-channel nila yung competitiveness na iyon dito sa blood drive para makatulong pa sila sa mga tao,” dagdag niya.

Ang programang ito ay humikayat ng mga samahan ng estudyante, fraternities, at  sororities na mag-donate ng dugo para sa mga nangangailangan. Ayon sa tala ng RCYUPLB, ang UPLB Engineering Society ang nagkamit ng Trophy of Solferino na may pitong (7) blood donors. Samantala, ang iba pang lumahok ay nabigyan ng sertipiko bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon.

Naging bukas ang programa sa sinumang nais magboluntaryo. Hinikayat ang mga interesadong mag-donate na may edad 18 pataas (maaari rin ang 16-17 taong gulang kung may pahintulot ng magulang), may timbang na 52 kgs. pataas, at may malusog na pangangatawan.

NASA LARAWAN: Ang unang bahagi ng programa ay ang pagrerehistro ng mga donors para maitala ang kanilang mga kinakailangang impormasyon. (Kuha ni Luke Matthew Lucido)

Isa sa mga boluntir ay si Mark Neil Villena, 30 taong gulang mula sa UPLB Accounting Office. Ito ang kanyang ikalimang beses na lumahok sa mga blood letting program.

“Para sa sarili ko, makakatulong siya na ma-replenish yung dugo ko, as well as, makatulong din sa iba na in need of blood,” ani Villena.

Isa pang boluntir ay si Lorraine Reyes, 19 taong gulang na estudyante ng UPLB na ikatlong pagkakataon nang sumubok mag-donate ng dugo.

“Yung essence po ng blood donation, para sa akin, ay maka-help ng ng other people…gusto ko rin po yung ginagawa ng mother at ate ko na halos every other month sila nakakapagdonate,” paliwanag niya.

Ayon sa RCYUPLB, maari muling magbigay ng dugo sa paparating na unang linggo ng Mayo sa programa na tatawaging “Sanduguan”. Para sa karagdagang impormasyon at anunsiyo tungkol sa mga programa ng RCYUPLB, maaaring bisitahin ang kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/share/1ADavjWYQ6/.