Murang kapon para sa mga alagang aso at pusa, muling idinaos sa Los Baños

Ulat nina Maria Primitiva Felicita Q. Soledad at Darlene Shien M. Flores

NASA LARAWAN: Inipon ang mga alagang hayop na sasailalim sa pagpapakapon sa covered court ng Camp General Macario Sakay, Los Baños. Kuha ni Darlene Shien M. Flores

Humigit kumulang 100 na residente ng Los Baños ang nagparehistro sa idinaos na Low-Cost Kapon na pinangunahan ng Elbi Community Events (ECE), katuwang ang Pet Partner Philippines Inc., noong ika-22 ng Pebrero 2025 sa Camp General Macario Sakay, Los Baños, Laguna.

Ika-siyam na Low-Cost Kapon event na ito ng ECE, na nagsimula noong Nobyembre 2023. Layunin ng programang ito ang makapagbigay ng murang pagpapakapon para sa mga pet owners na may limitadong kakayahang pinansyal, habang ang bahagi ng nalikom na pondo ay ihahandog sa mga animal rescue groups.

“Marami talaga ay aware na sa kahalagahan ng kapon. But they can’t afford it. Kasi, sobrang mahal. Nung nagtanong-tanong ako–4,000, 5,000, may 12,000 na kapon. So, siyempre, para sa mga ordinaryong Pilipino, ‘di ba, masyadong malaki,” ayon kay Sheila Alano Tipayno, pinuno ng ECE, nang tanungin tungkol sa motibasyon sa pagtatag ng programa.

Ang kanilang programa sa pagpapakapon ay umiikot lamang sa halagang PHP 650 hanggang PHP 2,000, mas mababa kumpara sa pangkaraniwang halaga nito sa mga pribadong klinika.

Maliban sa pagpapakapon, may ilan pang mga serbisyong inalok ang programa katulad ng deworming, microchipping, at pagpapabakuna laban sa rabies, proheart, at kennel cough.

“Walang stray animals na nanggaling sa lupa at biglang lumabas, so we start from the core (nagsisimula kami sa ugat ng problema). It benefits the whole community because one male cat, once it is not neutered, can impregnate a large number of female cats, (makikinabang ang buong komunidad dahil kahit isang lalaking pusa lang ang hindi makapon, pwede itong makabuntis nang maraming babaeng pusa),” saad ni Doc Gab, ang nagtatag ng Pet Partner Philippines.

Paliwanag din niya na ang pagpapakapon ay mahalaga dahil pinipigilan nito ang paggala ng mga hayop, pagbabago ng mood ng mga ito, at pagsibol ng mga sakit tulad ng pyometra at testicular cancer. Ito rin ay nakatutulong para makontrol ang populasyon ng mga ligaw na hayop, na nagreresulta sa mas ligtas na komunidad.

NASA LARAWAN: Nagparehistro ang mga pet owners upang kumuha ng iba’t ibang serbisyo para sa kanilang mga alagang hayop sa covered court ng Camp General Macario Sakay, Los Baños, Laguna. Kuha ni Maria Primitiva Felicita Q. Soledad.

Isa sa mga benepisyaryo ng programa ay si Lawrence Castro na pinabakunahan at pinakapon ang alagang lalaking pusa. Ito na ang pangalawang beses niyang nakinabang sa serbisyo ng programa. Ayon sa kanya, nababawasan ang paggala nito at paghahanap ng mate na tumutulong sa pagkontrol ng populasyon ng mga pusa sa kanilang lugar.

Si Sean Corpuz naman ay nagparehistro rin sa programa upang mapakapon ang mga alagang aso. “Kasi ang sabi sa amin nung vet, dati nung tuta pa sila, in five years, kailangan na sila ipakapon kasi baka magka-problema raw sa bladder,” saad ni Corpuz.

Ang programang ito ay nakatutulong sa mga pet owners katulad ni Lawrence at Sean kung kaya’t inaanyayahan nila ang kapwa “fur-parents” na dumalo sa mga ito. “Ineecourage ko lang na magpakapon sila lalo na sa mga gantong drive, kasi in the long run, para na rin ito sa mga pets namin,” mensahe ni Corpuz.

Ayon kay Tipayno, malaki rin ang naitutulong ng programa sa mga community feeders na nagpapakain sa mga stray animals. Sa pamamagitan nito, mas abot-kaya na para sa kanila na ipakapon at mabakunahan ang mga hayop na kanilang inaalagaan.

“Normal na matakot kasi anak na ang turing natin sa mga cats and dogs natin, pero i-weigh niyo lang ang pros and cons. Mas maraming pros. I can assure na si Doc Gab ay very expert siya sa ginagawa niya and his entire team,” ani Tipayno para sa mga residente ng Los Baños na nangangambang ipakapon ang kanilang mga alaga .

Maliban sa Pet Partner Philippines Inc., naging katuwang din ng ECE sa pagsulong ng programang ito ang Cats of UPLB, Sarah & the Cattos, Jeff’s Odyssey, at MushAwaited.

Ang programa sa murang pagpapakapon ay muling gaganapin sa darating na Marso sa Colegio de Los Baños (CDLB). Patuloy na isinusulong ng programa ang pagtataguyod ng responsableng pag-aalaga ng mga alagang hayop sa abot-kayang halaga.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga inisyatibo ng ECE, maaaring bisitahin ang opisyal nilang Facebook page sa Elbi Community Events.