Huling Halukay sa Ukay

PAGWAWASTO AT PAGLILINAW: Sa naunang bersyon ng istoryang ito, nakasaad na nakatakda nang isara ang The Practical Shop. Ngunit sa panayam ng LB Times kay tita Grace, aniya’y saka lamang isasara ang tindahan kapag nabili na ang lupang kinatitirikan ng tindahan.

Humihingi kami ng paumanhin sa kalituhang naidulot ng naunang bersyon ng istoryang ito.

Ulat nina Gian Andrew Mendoza, Mary Therese Aliah Delos Reyes, Hannah Lyn Rivero

NASA LARAWAN: Masayang isinalaysay ni Tita Grace ang kanyang makulay na kwento tungkol sa The Grove’s Thrift Shop – The Practical Shop. (Larawang kuha ni Clairon C. Toledo)

LOS BAÑOS, LAGUNA – Para sa nakararami, ang mga aklat ay pinagkukunan ng aral at kaalaman, pero sa isang pamilya, ito ang kanilang kabuhayan.  

Sa kahabaan ng Lopez Avenue, Los Baños, Laguna, matatagpuan ang isang maliit na tindahan na mas kilala bilang The Grove’s Thrift Shop – The Practical Shop. Mula sa mga lumang libro at gamit, naging paboritong lugar ito ng mga naghahanap ng bilihing abot-kaya ang presyo. Ibinibenta rito ang mga lumang libro, assorted items, collectible items, kagamitan para sa bahay at opisina pati na rin mga kagamitan sa kusina. 

Simula nang magbukas ito noong Hunyo 1997, naging tahanan ito ng mga librong naghihintay ng bagong mambabasa, muwebles na may baon na alaala, at mga magagandang kagamitang handang magbigay-silbi sa bagsak nitong presyo. 

Nagsimula sa mga Aklat

Simula 1997, isa ang pagbebenta ng mga lumang gamit sa naging pangkabuhayan ni Maria Grace Cariaga, o mas kilala sa kanyang palayaw na Tita Grace, at ng kanyang pamilya. Mula sa hilig nila sa pagbabasa, nabuksan ang kaisipan ng pamilya sa pagbebenta ng mga lumang libro.  

“‘Yung libro talaga kasi, expensive kasi di’ba [ang] mga bagong books, so gusto ko maging affordable,” saad ni Tita Grace.

NASA LARAWAN: Patuloy ang pagsasalaysay ng kanyang makulay na kwento tungkol sa The Grove’s Thrift Shop – The Practical Shop. (Larawang kuha ni Clairon C. Toledo)

Ayon sa kanya, ang mga second-hand gamit na kanilang binebenta ay binibili pa nila sa mga garage sale sa Maynila.

Kuwento niya, dati rati ay nakikibenta lang siya sa thrift shop ng kanyang bayaw bago sila lumipat sa Los Baños noong 1997 para magtayo ng sariling negosyo  

“Tapos later on, hanggang naging furniture na, small furniture, hanggang naging malaking furniture na. Yun, lahat-lahat na,” aniya. 

“Ang mamahal ng renta” sa LB

Isa sa mga pagsubok nila ang paghina ng kanilang kita dahil sa pandemya. 

Kuwento ni Tita Grace, “malaking tulong din naman [ang thrift shop], kaso lang after the pandemic nag-iba na talaga ang sale. Ibang-iba na. Nag-iba na. Dati 7 o’clock na kami nagsasara, may mga tao pa pero after the pandemic, after 5 wala nang tao. Hindi na talaga bumalik.”

Nabanggit ni Tita Grace kung gaano nag-iba ang buhay nila matapos ang pandemya.  

“Yung mga tao, they learn na hindi ito kailangan. Kasi itong store ko, kung sa babae, make-up lang siya. Hindi siya basic. Kasi ‘yung pandemic, tinuruan ‘yung mga tao na to be basic lang.  Food business ang nag-survive. Kaya ‘yung store ko, talagang humina siya,” kwento nya. 

Binanggit din niya ang patuloy na paglakas ng online business na siyang naging isang malaking pagsubok din para sa thrift shop.

Dahil sa patong-patong na pagsubok na kinakaharap ng tindahan, at dahil ipinagbibili na rin ang lupang kinatitirikan ng tindahan, posibleng magsara ang tindahan.

“Sa July, 27 years na siya. Pero sad to say, kasi kung ibebenta na nga ito, I have to close kasi hindi ko kaya mga rent ngayon. Sobrang mahal. Hindi kaya ng shop to sustain ‘yung rent,” ani Tita Grace.

Ayon sa kanya, mahirap makahanap ng pwesto dito sa Los Baños dahil maliit na pwesto lamang ang makukuha sa halagang kaya nila.  

“‘Di ako papasok sa mga kinse (₱15,000), ang mamahal talaga ng mga rent dito e. Ang liit-liit na pwesto, ₱10,000,” dagdag  niya. 

Bagaman mahirap ang kanilang sitwasyon, ayaw pa rin umalis ni Tita Grace hangga’t hindi pa nakakahanap ng buyer ng lupang kinatitirikan ng shop. 

“Sa ngayon, kawawa naman iwanan ‘yung pwesto. Gusto ko rin naman makabenta sila – ‘yung may-ari. Hopefully, may buyer. Sabi ko nga, ‘[you] won’t have to give me like six months’. Sabi ko ‘kahit two to three months, I can go’,” aniya.

Ang sabi ni suki

NASA LARAWAN: Masusing pag-aayos ni Kim sa iba’t-ibang produkto sa thrift shop. (Larawang kuha ni Clairon C. Toledo)

Higit sa pagbebenta, marami ring nakilalang mamimili si Tita Grace sa kanyang tindahan na naging malapit na sa kanya. Isa na diyan si Kim Nicole Penaflor, isang University of the Philippines Los Baños (UPLB) alumna na ngayo’y nagtatrabaho bilang assistant sa thrift shop ni Tita Grace. Isa rin siyang online seller na tumutulong sa pagbebenta ng mga items ng thrift shop. 

Kwento ni Kim, naging suki siya simula pa lamang noong nag-aaral siya sa kolehiyo kasama ang kanyang mga kaibigan. Kaya naman noong nalaman niya ang pagsasara ng tindahan, nanaig ang ang kanyang kagustuhang makatulong. 

“Parang naisip ko na parang [gusto kong] tulungan si ma’am na magbenta ng items n’ya,” saad ni Kim. 

Pagsasara ng pintuan

NASA LARAWAN: The Grove’s Thrift Shop – The Practical Shop. (Larawang kuha ni Clairon C. Toledo)

Sa bawat negosyong nagbubukas, maaring dumating ang panahon na ang mga ito ay magsasara. Para kay Tita Grace, ang kanyang thrift shop ay naging bahagi na ng komunidad, ngunit kailangan na niyang isara ang pintuan nito. Bagama’t nakakapanghinayang, buo na ang kanyang loob na ipasara na ang  kanyang thrift shop. 

Dahil dito, plano ni Tita Grace na tumulong na lamang sa negosyo ng kanyang anak na si Valerie.

Si Valerie ay isang nurse, ngunit sa kabila ng kanyang propesyon, pinasok din niya ang pagnenegosyo. Tuwing araw ng Sabado, matatagpuan ang kanyang mga paninda sa 3309 Lawin St., Rhoda Subdivision, malapit sa Olivarez Plaza Mall. Dito siya nagbebenta ng iba’t-ibang produktong kalimitan ay mga kagamitan sa bahay. 

“Marami ding brand-new, mga household items, more on mga necessities sa bahay—mga shoes, mga t-shirts, kung anu-ano. Mura lang mga t-shirt niya, ang gaganda nga, maraming bumibili,” dagdag pa ni Tita Grace. Bukod pa rito, mayroon ding mga pagkain na maaaring mabili ng mga konsyumer.

Maliban sa pagtulong sa negosyo ng kanyang anak, pinaplano rin ni Tita Grace na kumuha ng pisikal na pwesto para sa tindahan ni Valerie.

Naiwang pamana

Sa bawat bagay na binili sa thrift shop, baon ng mga mamimili ang alaala ng tindahang ito. Sa loob ng maraming taon, tunay na naging bahagi na ng komunidad at naging malapit na sa puso ng mga mamimili ang thrift shop. Hanggang ngayon, marami pa ring bumibisita sa tindahang ito sa kabila ng nalalapit na pagsasara. 

Matapos ang pagbalik-tanaw sa kanyang mga karanasan, isang aral ang natutuhan ni Tita Grace sa pagnenegosyo. 

“Yung hindi ka talaga pwedeng magtiwala sa mga tao. Ako ilang beses ako ritong ninakawan. Bago nga lang, ninakawan ako rito ng wallet. Pambayad ko ‘yun sa tax sa business permit. ‘Yun talaga ang lesson talaga to keep very vigilant sa mga tao,” ani Tita Grace. 

Binigyang-diin niya na maging maingat kung nais magkaroon ng negosyo, dahil hindi lahat ng tao ay dapat pinagkakatiwalaan. Bukod dito, payo niya pa sa mga nagnanais magtayo ng tindahan na kailangan ang masusing pagbibigay-pansin sa negosyo, dapat alam din kung kailan at saan maglalabas ng pera. 

Malaking pasasalamat ang nais iparating ni Tita Grace sa mga kostumer at sa komunidad na nakasama at tumangkilik sa bentahe ng kanyang thrift shop sa halos tatlong dekada. Sa pagtatapos ng yugto ng The Practical Shop, higit sa mga anik-anik na maiiwan, dala-dala rin ni Tita Grace ang bawat kuwentong naiwan ng kanyang mga suki – mga mahalagang bahagi ng kasaysayan ng kanyang munting tindahan.