World Radio Day 2025 sumentro sa climate change, UPLB CDC nakibahagi

Ulat ni Therese Leia Orolfo

Nakibahagi ang Radyo DZLB Ang Tinig ng Kaunlaran ng University of the Philippines Los Baños College of Development Communication ng (UPLB CDC) sa selebrasyon ng World Radio Day noong ika-13 ng Pebrero 2025 sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang talakayan ukol sa tema ng okasyon na “Radio and Climate Change.”

Tampok sina Mark Lester Del Mundo Chico at ang dekano ng UPLB College of Forestry and Natural Resources na si Marlo T. Mendoza, ang programa ay nagtalakay ng ilang mga usapin katulad ng dahilan kung bakit nangyayari ang pagbabago ng klima, mga epekto nito sa komunidad, mga inisyatibo at pwedeng gawin upang labanan ito, at ang kahalagahan ng medya sa pagbibigay ng kamalayan tungkol sa isyung ito.

Ang DZLB Online! Specials ay bagong programang inilunsad para sa mga espesyal na handog ng Radyo DZLB sa pamamagitan ng paggamit ng mga online platforms. Ang pinakaunang bahagi nito ay itong pagdiriwang ng World Radio Day 2025. Ang DZLB Online! ay nagsimula noong 2018 na bunga ng tagumpay ng CDC’s Bantay Halalan Laguna 2016, kung saan ginamit ang online media streaming para sa dalawang araw na espesyal na saklaw ng eleksyon.  

Samantala, nagbigay ng mga pahayag ang mga miyembro ng Department of Development Broadcasting and Telecommunication (DDBT) ng UPLB CDC sa World Radio Day bilang kanilang pakikibahagi. Ipinahayag nila ang kanilang pagkilala sa kahalagahan ng radyo sa pagbibigay ng kamalayan sa isyung pagbabago ng klima at sa pagbibigay ng impormasyon tuwing may sakuna, lalo na sa mga pamayanan sa kanayunan. 

Pinangungunahan ang pagdiriwang ng World Radio Day ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). Ito at merong layuning kilalanin ang kahalagahan ng radyo bilang pangunahing pinagmumulan ng tamang impormasyon para sa mga komunidad sa payanunan sa mga umuunlad na mga bansa. 

Ang dalawa pang programa ng UPLB CDC, ang CCComDev at ComDev Asia, ay nagbigay suporta rin sa okasyon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga posts mula sa UN Food and Agriculture Organization (FAO) na nagpapahayag ng kahalagahan ng radyo sa AgriFood systems at kalikasan sa pagpapatibay ng katatagan ng komunidad sa kanayunan.