Agrikultura, itinampok sa ikalawang sesyon ng iRead Campaign

Ulat ni Maria Nhelyn Alinea

Binuksan ang ikalawang sesyon ng iRead Campaign noong Pebrero 17, 2025 sa Malinta Elementary School sa Los Baños, Laguna na layuning palakasin ang kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral habang ipinakikilala ang kahalagahan ng agrikultura. Ito ay pinangungunahan ng University of the Philippines Los Baños Development Communicators’ Society (UPLB DevCom Soc) na naglalayong palakasin ang pakikilahok ng komunidad sa pagpapaunlad ng literacy. 

Ang iRead Campaign ay ginaganap tuwing Lunes sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras at nagsisimula tuwing Enero o Pebrero kada taon mula pa noong 2010. May 10 hanggang 12 na mga sesyon ang bawat season, at para sa kasalukuyang taon, sa dalawang seksyon ng ika-apat na baitang sa Malinta Elementary School nakatuon ang programa.

Ayon kay Jazmine Claire Olorvida, Activity Head ng iRead 2025, unang beses na nagkaroon ng tema ng agrikultura ang kampanya. Nais nilang ipakita sa mga mag-aaral na ang agrikultura ay mahalagang bahagi ng lipunan at ekonomiya. 

Aktibong nakikilahok ang isang mag-aaral sa pagsasanay ng kanilang natutunan mula sa small group discussion ng kampanya. Dito, sinusulat niya ang mga salitang pang-agrikultura sa ilalim ng patnubay ng kanyang facilitator. Kuha ni Maria Nhelyn Alinea

Nagsagawa ang UPLB DevCom Soc ng Learning Needs Assessment (LNA) at Key Knowledge Interviews (KKI) bago simulan ang kampanya upang matiyak na kailangan ng mga mag-aaral ang ganitong uri ng programa. Natuklasan nila na marami sa mga estudyante ang kulang sa literacy resources at kaalaman sa context ideas kaya’t naisipan nilang pagsamahin ang literacy development at agrikultura ngayong taon.

Bukod sa pagpapabuti ng literacy skills, layunin din ng kampanya na maengganyo ang mga mag-aaral na pahalagahan ang agrikultura. Ayon kay Rhoanne Z. Miranda, isang volunteer, marami sa mga bata ang walang kaalaman sa mga pangunahing konsepto ng agrikultura. Aniya, nais niyang magkaroon sila ng kaalaman sa agrikultura at sana ay maengganyo ang mga ito na maging bahagi ng sektor ng agrikultura balang araw.

Ang iRead Campaign ay hindi lamang nakatuon sa pagbasa, kundi pati na rin sa pagbuo ng kumpiyansa at lakas ng loob ng mga mag-aaral. Sinabi ni Olorvida na maraming bata sa ika-apat na baitang ang hindi pa marunong magbasa nang maayos at nahihiya silang matuto dahil naiintimidate sila sa kanilang mga kaklase. Upang matugunan ito, may mga special facilitators para sa mga batang nangangailangan ng mas tutok na gabay sa pagbasa upang hindi sila maiwan.

Malaking tulong ang kampanya hindi lamang sa mga mag-aaral kundi pati na rin sa mga guro. Ayon kay Arnel D. Borja, Grade Leader ng ika-apat na baitang at gurong tagapayo ng seksyong Laguna sa Malinta Elementary School, nagiging mas madali para sa mga guro ang pagtuturo sa mga batang nahihirapan sa pagbasa dahil sa kampanya. 

Aniya, mababawasan ang kanilang gawain dahil katuwang nila ang mga volunteers sa pagbibigay ng remedial sessions. Idinagdag din niyang mas nagiging masigla ang mga estudyante tuwing Lunes dahil sa mga aktibidad na hatid ng iRead Campaign.

Ang iRead Campaign ay umusbong mula sa adbokasiya ng UPLB DevCom Soc sa community outreach. Layunin ng organisasyon na magamit ang mga natutunan sa kursong development communication sa pagtulong sa komunidad.

Isa sa mga inspirasyon sa likod ng kampanya ang mga sariling karanasan ng volunteers. Ibinahagi ni Miranda na siya mismo ay nahirapan sa pagbasa noong bata siya dahil walang nagturo sa kanya. Dahil dito, nais niyang makatulong sa mga batang nahihirapan magbasa upang maranasan din nila ang kasiyahan at benepisyo ng pagbabasa. 

Bagama’t naging hamon ang kakulangan sa pondo at mga manggagawa, patuloy na inaangkop ng iRead ang kanilang mga pamamaraan upang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral. Ayon pa kay Olorvida, inilipat ang iRead sa online platforms tulad ng YouTube at iba pang social media websites noong umusbong ang COVID-19 pandemic. Sa kasalukuyan ay ibinalik na muli ito sa face-to-face na set-up, kung saan mas pinagtutuunan pansin ang group-based activities.

Ang bawat grupo ay may nakatalagang facilitator o volunteer upang mas tutok na maituro sa mga mag-aaral ang mga salitang pang-agrikultura at kasanayan sa pagbabasa. Kuha ni Maria Nhelyn Alinea

Patuloy na umaasa ang UPLB DevCom Soc na magiging tuloy-tuloy ang kampanya sa mga susunod na taon. Layunin nilang palawakin ang sakop nito at maabot ang mas maraming mag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa Los Baños.

Hinihikayat ng organisasyon ang komunidad na makiisa sa adbokasiya na ito sa pamamagitan ng pagvo-volunteer, pagdo-donate ng learning materials, o pagsuporta sa mga aktibidad ng kampanya. 

Para sa mga nais tumulong, maaaring makipag-ugnayan sa UPLB DevCom Soc sa kanilang opisyal na Facebook page (https://www.facebook.com/UPLBDevComSoc) o sa pamunuan ng Malinta Elementary School.