Ulat ni Allyza Fhaye Marquez

NASA LARAWAN: Ang mga student volunteers mula sa UPLB College of Veterinary Medicine ay maingat na nagsagawa ng pagbabakuna sa isang alagang aso. Kuha ni Allyza Fhaye Marquez
Matagumpay na idinaos ng University of the Philippines Los Baños – University Housing Office (UHO) at UPLB College of Veterinary Medicine ang libreng Anti-Rabies Vaccination Drive noong ika-22 ng Pebrero sa UPLB Staff Housing Area.
Nagsagawa ng house-to-house service ang mga kawani ng UHO, kasama ang mga student volunteers mula sa College of Veterinary Medicine sa limang pook sa Staff Housing Area at nakapagserbisyo sa 45 na kabahayan. Sa kabuuan, 75 na alagang hayop ang nabakunahan na binubuo ng 55 na aso at 20 na pusa.
Pinangunahan ni Dr. Beneviede D. Villanueva, pinuno ng UPLB Housing Office, ang pangagasiwa sa aktibidad. Ayon sa kanya, mahalaga ang mga ganitong programa hindi lamang para sa kaligtasan ng mga alagang hayop, kundi pati na rin sa kapakanan ng buong komunidad.
“Kasi talagang [tungkulin] naman natin siyempre hindi lang kumbaga ‘yung sa repair and housing ng mga staff natin kundi pati na rin ang kapakanan ng mga alaga nilang hayop… at ‘yung sa komunidad kasi mahirap kapag hindi sila protektado,” aniya.
Ang taunang libreng anti-rabies vaccination drive ay naibalik matapos ang COVID-19 pandemic noong 2021 bilang bahagi ng adbokasiya ng UPLB para sa responsible pet ownership program na naglalayong mapanatili ang kalusugan ng mga alagang hayop at matiyak ang kaligtasan ng komunidad.
“Ngayon, lalo na ‘yung mga bago, gumagamit na ng card system para ma-monitor at ma-trace ang kanilang mga alagang hayop para sa turok. Mahalaga ito dahil mahirap ‘yung magpaturok ulit [ang mga pet owners] kahit na hindi pa dapat.” ani Development Management Officer III, Melvin L. Cordez

NASA LARAWAN: UHO at CVM student volunteers habang nagsasagawa ng paunang pagsusuri bago bakunahan ang alagang aso ng isang benepisyaryo. Kuha ni Allyza Fhaye Marquez
Bukod pa rito, regular ding naglalabas ng mga paalala at impormasyon ukol sa animal welfare ang UHO upang magabayan ang mga residente sa tamang pangangalaga ng kanilang mga alagang hayop. Kasama na rito ang mga umiiral na polisiya at regulasyon na ipinapatupad ng UPLB upang masiguro ang kapakanan ng mga residente at ng kanilang mga alagang hayop.
“So, since hindi namin masyado [matugunan] ang tungkol sa mga stray animals, kasi medyo komplikado siya, at least ‘yung mga alaga nilang hayop ay protektado. Kaya’t ang pangunahing layunin ay ang kapakanan ng mga alaga at mga benepisyaryo [natin]”, ani Dr. Villanueva
Bagama’t ang programa ay nakalaan lamang sa mga alagang hayop na sakop ng UPLB, patuloy ang pagsusumikap ng UHO na mapalawak ang pagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa komunidad.
Para sa mga karagdagang updates ukol sa mga aktibidad ng UHO, maaaring bisitahin ang kanilang opisyal na Facebook page sa UPLB Housing Office.