“Napakalaki ng improvement” sa mga makinang gagamitin para sa botohan ngayong darating na eleksyon sa Mayo 2025. Ito ay ayon kay COMELEC 4A Assistant Regional Election Director, Atty. Margaret Joyce Reyes Cortez, sa Kapihan sa Bagong Pilipinas na ginanap noong Pebrero 28 sa pangunguna ng Philippine Information Agency (PIA)-CALABARZON. Nagsagawa din ang COMELEC ng demonstration ng makabagong ACM sa PIA Building sa Quezon City kahapon.
Paliwanag ni Atty. Reyes-Cortez, ang mga automated counting machines o ACM ay mas mabilis magbasa ng balota, kumpara sa mga lumang VCM. Ayon sa presentasyon ng COMELEC, ang ACM ay kayang kumuha ng balota sa bilis na 200 millimeters per second. Mayroon ding auto-align at auto-correct feature ang mga ACM, kaya’t mas madali ang pagpasok ng balota at mas maiiwasan ang paper jam.

Nagsagawa ang COMELEC ng demonstration ng makabagong ACM sa PIA Building sa Quezon City noong Marso 3. Screengrab mula sa COMELEC Facebook page
Kumpara din sa lumang VCMs, ang mga ACM ay mayroong malaking touch screen at privacy screens, kung saan maaaring i-review ng mga botante ang kanilang boto sa pamamagitan ng vote summary, bago ito kumpirmahin.
Bukod sa direct power supply, ang mga ACM ay mayroon na ring baterya na kayang tumagal ng 14 oras, kaya patuloy pa rin itong makakatanggap ng balota kahit mawalan ng kuryente. Mayroon na rin itong dust-proof at water-resistant hard case upang maprotektahan ang mga ACM habang ibinabiyahe o inililipat.
Bukod dito, may built-in na voters receipt compartment, o lalagyan ng mga resibo ang mga ACM, kumpara sa dati na inilalagay ang mga resibo o Voter-Verified Paper Audit Trail (VVPAT) sa hiwalay na ballot box. Ayon din sa COMELEC, ang mga VVPAT ngayong taon ay may kasama nang QR code, na pwede gamitin ng election workers para masigurong pareho ang mga pangalan sa resibo at sa mismong pisikal na balota.
Makikita ang kumpletong features ng mga ACM sa recorded video ng demonstration na ginawa ng COMELEC kahapon.
Voter education and ACM demonstration
Upang mabigyan ang mga botante ng pagkakataong makita ang bagong ACM, nagsagawa ang COMELEC ng ACM roadshow sa iba’t ibang lugar sa bansa mula Disyembre 2024 hanggang Enero 2025. Sa CALABARZON, may 1,397 na mga ginawang road show sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon.
Maaari din makipag-ugnayan sa COMELEC EID-Election Resource Center para sa kanilang 𝗔𝗖𝗠 𝗩𝗼𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗘𝘅𝗽𝗲𝗿𝗶𝗲𝗻𝗰𝗲, kung saan ang mga botante ay maaaring sumubok na gamitin ang mga ACM.
Mga paghahanda para sa eleksyon
Isasagawa sa Mayo 7 ang final testing and sealing ng mga ACM para sa CALABARZON region, ayon kay Atty. Reyes-Cortez. Sa prosesong ito, tinitignan kung gumagana ang lahat ng functions ng mga makina, at kung tama ang pagbibilang nito ng mga boto. Paliwanag ni Atty. Reyes-Cortez, nakakatulong ang prosesong ito para maiwasan ang mga aberya sa mismong araw ng eleksyon.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ang COMELEC ng mga pagsasanay para sa mga myembro ng electoral boards, simula noong Marso 3. Naisagawa na rin ang mga pagsasanay para sa mga trainers at technical support staff noong Pebrero.
Kontrata para sa automated elections
Ang kumpanyang Miru ang nakakuha ng kontrata na may halagang Php18 bilyon para sa “Lease of Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTrAC)” ngayong 2025. Noong Pebrero 2024, idineklara ng COMELEC en banc ang MIRU-ICS-STCC-CPSTI bilang “Single Calculated and Responsive Bid”, na may bid offer na PHP17,988,878,226.55. Nag-issue naman ang Komisyon ng Notice to Proceed sa kumpanya noong Marso 11, 2024.
Matatandaan na maraming naiulat na aberya sa mga vote counting machines noong National Elections 2022, lalo na sa CALABARZON region.