Ulat ni Jhon Carl Tolentino
“Yung goal mo lang is to be a happy cat. It’s a less casual type of happiness. It’s a brutal kind of happiness.”
Bukod sa kanyang pagmamahal sa mga pusa, si Taj Lagulao ay isa ring manlilikha ng isa sa mga pinakamamahal niyang mga libangan — ang board games. Sino ang mag-aakalang ang pagmamahal sa board games at mga alagang pusa ay maaaring maging daan upang mabuo ang isang larong magdadala ng sigla, tawanan, at hiyawan sa sinumang maglalaro nito? Ganito ang hatid ng “UP Cats”, isang board game na hindi lang nagbibigay-saya kundi sumusuporta rin sa pangangalaga ng mga pusang gala sa UPLB.
Si Taj, Board Games, at mga Pusa
Si Taj ay isang mag-aaral ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangkaunlaran (CDC) sa University of the Philippines Los Baños (UPLB). Sa gitna ng abala’t maingay na buhay-estudyante, may dalawang bagay daw na nagbibigay sa kanya ng kasiyahan: board games at mga pusa.
Para sa kanya, iba ang saya na hatid ng paglalaro ng board games — hindi lang simpleng libangan, kundi pati koneksyon sa maraming aspeto ng buhay.
“I love board games. I really love board games,” pahayag niya.
Nag-ugat ang pagkahilig ni Taj dito noong hayskul kung saan niya unang nadama ang kakaibang saya. Ito ay nang bigyan siya ng kanyang nakatatandang kapatid ng Dutch Blitz, ang laro na naging daan sa paglalim ng kanyang interes sa kategoryang ito. Dito niya natagpuan ang saya mula sa pakikipaghalubilo sa mga kaibigan, pagiging malikhain, at maranasan ang tuwa mula sa mga estratehiya ng bawat laro.
Gaya ng karamihan, ang unang impresyon sa board games ay umiikot sa mga klasikong laro tulad ng Snakes and Ladders at Monopoly. Ngunit para kay Taj, mula pa man noon, hindi na siya tumigil sa paghahanap ng iba pang laro bukod sa naunang mga nabanggit. Sa paglipas ng panahon, lumawak ang kanyang koleksyon ng board games at nakilala siya bilang “board game guy” sa kanyang mga kaibigan.
Hindi lamang board games ang bumihag sa puso ni Taj, kundi pati na rin ang mga pusa. Kung kaya naman ay nakahiligan niya ring mag-ampon ng ilang alaga. Ang una niyang naging pusa ay si Sushi na nagmula sa isang cat cafe malapit sa UPLB. Nang magasara ang cafe na ito, hindi na raw siya nagdalawang-isip pa na iuwi ang pusa at gawing bahagi na ito ng kanilang pamilya.
Kasunod ng kanyang alagang si Sushi ay si Sashimi. Mahina at may sugat raw sa mukha nang matagpuan nila ito noong 2019. Hindi kinaya ni Taj na balewalain ang kuting, kung kaya’t inuwi niya ito hanggang sa inalagaan at pinagaling mula sa kalagayan nito. Ngayon, si Sashimi ay isang malusog, malambing, at masiglang pusa na hindi na raw mawalay sa kanya.
Si Wasabi naman ay ang kanyang pangatlong pusa, kanyang inampon mula sa kanyang kasintahan. Isa sa mga maraming patunay kung gaano na siya nahulog sa pagmamahal sa mga pusa.

NASA LARAWAN: Ang mga pusa ni Taj—si Sushi (sa kaliwa), si Sashimi (sa gitna), at si Wasabi (sa kanan). Kuha ni Taj Lagulao
“Na-fall in love na ako with cats…,” kuwento ni Taj nang dumating sina Sushi, Sashimi, at Wasabi sa kanyang buhay. Noong una, hindi niya inakalang magkakaroon siya ng malalim na koneksyon sa kanila.
“Although dati, hindi talaga ako [mahilig sa cats]. Indifferent lang ako sa mga cats,” dagdag pa niya.
Walang hilig si Taj sa pusa noon, ngunit nagbago ito nang dumating sa kanyang buhay ang mga alagang pusa. Nagbigay ito ng hindi inaasahang saya at aliw hanggang sa tuluyan na niyang niyakap ang mundong kasama niya ang kanyang mga alaga.
Dahil sa pagkahilig niya sa board games at mga pusa, unti-unting nabuo ang ideya ng UP Cats. Ngunit hindi lamang ito isang larong puno ng saya, may mas malalim itong layunin — ang pagtulong din sa pag-aalaga ng mga pusang gala sa UPLB.
Paano nabuo ang UP Cats?

NASA LARAWAN: Ang disenyo ng kahon ng larong UP Cats na likha ng UPLB student na si Taj Lagulao sa tulong ng UPLB Game On. Kuha ni JC Tolentino
“A board game’s number one goal is to be fun talaga,” paliwanag ni Taj.
Bilang mahilig sa board games, hindi lang paglalaro ang nais ni Taj, kundi, gusto rin daw nitong makalikha ng sarili niyang laro na pareho rin ang maipaparamdam na koneksyon gaya ng kanyang nararanasan tuwing siya ay naglalaro ng mga ito.
Ayon kay Taj, nagsimula ang konsepto ng UP Cats sa isang space-themed game tungkol sa mga astronaut na naglalaban-laban para sa mga mineral sa buwan. Habang tumatagal, napansin aniya na may potensyal na maging patok ang mga larong katulad nito. Ipinakita niya raw ito sa kanyang mga kaibigan sa UPLB Game On, isang organisasyon sa pamantasan para sa mga mahilig sa board games. Dito niya napagtanto na mas nakakapanabik ito kung ang tema ay mas malapit sa maraming tao. Kaya’t sa halip na mga astronaut, naisip ni Taj na gawing bida ang mga pusa.
Dito isinilang ang UP Cats, isang two-player fighting microgame kung saan gumagamit ng mga baraha na may natatanging galaw at may kani-kanyang lebel ng lakas at kahinaan — katulad raw ng klasikong rock-paper-scissors. Aniya ang larong ito ay mas pinalawak at mas pinag-isipan ang mechanics, at ang pinakabatayan daw ng larong ito ay ang pakikipag-unahan sa pagkuha ng sampung puntos o tinatawag sa laro na “Bliss”.
“This is a fighting game. The same way that.. shield beats punch, grab beats shield…” (Isa itong larong labanan. Katulad ng… ang shield ay tatalo sa punch, ang grab ay tatalo sa shield…”), paliwanag ni Taj.

NASA LARAWAN: Ang larong UP Cats at ang disenyo nito na binuo sa tulong ng UPLB Game On. Kuha ni JC Tolentino
Sa tulong ng mga graphic artists mula sa kanyang organisasyon, nabuo ang mga makukulay at kaakit-akit na disenyo ng UP Cats. Ang laro ay idinisensyo upang madaling laruin, abot-kayang bilhin, at kayang dalhin kung saan-saan.
“Importantly, it has to be cheap for the buyer. And then, for it to be cheap to the buyer, it has to be cheap to produce” (Ang mahalaga, mura ito para sa mamimili. At para maging mura sa kanila, kailangan din mura itong gawin), dagdag pa ni Taj.
Paano nakatutulong ang larong UP Cats?
Sa likod ng bawat baraha, bawat galaw, at bawat taong naglalaro, ay may layuning itong makatulong sa mga pusa ng UPLB.
Hindi lang daw ito basta laro, kundi isa rin itong paraan upang makatulong sa pagpapaunawa sa mga manlalaro ng tamang pag-aalaga ng mga pusa. Sa bawat benta ng pisikal na UP Cats board game, bahagi raw ng kita nito ay direktang napupunta sa Cats of UPLB upang makatulong sa pagpapakain, pagpapakapon (Trap-Neuter-Return o TNR), at pag-aalaga ng mga pusang gala sa unibersidad.
“Ginawa ko siya to be fun.. Ayoko naman sa may profit-oriented. I mean it’s not about profit naman kasi,” paliwanag ni Taj. “Kapag nakaka-benta ito [UP Cats], meron pa rin silang [Cats of UPLB] percentage,” dagdag pa niya.
Marahil malapit sa puso ni Taj ang adbokasiyang ito, dagdag na tulong ang larong ito para nakasisigurong may pagkain at gamot ang mga pusa, at higit sa lahat ay may mga volunteers na handang alagaan ang mga ito.
“I support them. I love what they’re doing. When you go outside, nakikita mo yung mga cats na inaalagaan.. Kung wala sila, wala yung mga cats sa labas,” kuwento ni Taj.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, alam ni Taj na malayo pa ang kailangang marating ng ganitong anyo ng adbokasiya. Isa lamang ang UP Cats sa nagbibigay ng tulong sa Cats of UPLB, pero marami pa ring pangangailangan upang masiguro ang kaligtasan at kaalwanan ng buhay ng mga pusa.
“They needed more assistance for getting those stuff [pagkain, tubig, etc.]. Almost exclusively on donations naman. So people donate, then cats get fed. So isip lang namin, we already really like to help,” dagdag ni Taj.
Hindi man ito ang pangunahing dahilan kung bakit daw niya ginawa ang UP Cats, alam ni Taj na sa maliit na paraang ito, may nagagawa siyang pagbabago.
“I’m not helping as much as I can. Pero just, personally, I mean, I love cats talaga,” diin ni Taj.
Isa itong patunay na hindi nawawala sa kanyang isipan ang pagtulong sa pag-aalaga sa mga pusa sa kahit anong paraan na makakaya niya. Sa bawat kamay na may hawak ng cards, at sa bawat pusang nabibigyan ng pagkain at tahanan, alam ni Taj na ang UP Cats ay hindi lang isang laro. Isa itong paraan upang maghatid ng malasakit para sa mga hayop na walang muwang sa mundong ginagalawan nito.
“We should care. At the very least, lang. Kasi, I mean, these are living things…Kasi, their lives are either going to be good or bad. So, why would we make it bad?” wika ni Taj.
Susunod para sa UP Cats
Tiyak na ligaya ang mararamdaman ng mga manlalaro ng UP Cats – mahilig man ang mga ito sa pusa o hindi.
Sa kabila ng potensyal nito, nananatiling hamon ang pagpapalaganap ng larong ito. Hindi madali ang pagpapakilala nito sa mas maraming tao, lalo na sa mas malawak na hanay ng merkado. Ngunit sa kabila ng lahat ng pagsubok, nananatiling mataas ang mithiin at adbokasiya ni Taj at ng kanyang nabuong laro.
Sa kasulukuyan, ang UP Cats ay opisyal na pagmamay-ari ng UPLB Game On, buhat na rin ng pagtulong sa kanya ng organisasyon sa pagbuo ng larong ito. Ayon kay Gabriel Barrios, UPLB Game On Head Scholar, ang larong ito ay isang daan upang makatulong sa komunidad kahit sa munting paraan.
“All around I think the creation of UP Cats served as a fun way to help the community even by a little bit,” paliwanag niya.
Nais din ng UPLB Game On na mas mailapit ang UP Cats sa mas maraming tao sa pamamagitan ng aktibong pagpapakilala nito sa kanilang mga kaganapan sa organisasyon at sa kanilang mga social media platforms. Dagdag pa nito, hinihiling nila na matuloy ang pakikipagtulungan sa UPLB Learning Resource Center (LRC) Barkada Catropa para makapagbigay ng mas malawak na kamalayan tungkol sa mga hayop na nakakasalamuha sa unibersidad.
Bunga ng isang estudyanteng may pangarap, pagmamahal, at adhikain para sa paglalaro at para sa mga pusa, nagpunla ito ng mas malalim pa na pag-unawa para sa kalagayan at kapakanan ng mga musmos na mga hayop partikular na ang mga pusa.
Kung interesado sa UP Cats, pumunta lamang sa Facebook page ng UPLB Game On.