Ulat ni Gian Estrada

NASA LARAWAN: Opisyal na event banner ng SyenSaya 2025 sa harap ng Baker Hall, UPLB. Kuha ni Gian Estrada.
Los Baños, Laguna – Muling binibigyang-pansin ang agham at teknolohiya bilang pundasyon ng matatag na kinabukasan sa pagbubukas ng 16th Los Baños SyenSaya Science Festival, na pinangungunahan ng Los Baños Science Community Foundation Inc. (LBSCFI) at ng University of the Philippines Los Baños (UPLB).

University of the Philippines Los Baños. (2025). 16th Los Baños SyenSaya Science Festival [Digital poster]. UPLB. retrieved from https://uplb.edu.ph/all-news/uplb-to-host-syensaya-2025/
Sa panayam kay UPLB Chancellor Jose Camacho Jr., binigyang-diin niya kung paano tumutugma ang tema ng SyenSaya 2025 sa pangunahing mandato ng unibersidad—pananaliksik, pagtuturo, at pampublikong serbisyo.
“Ang pananaliksik at kaalamang nililikha ng UPLB ay dapat mapakinabangan ng komunidad, lalo na ng ating mga magsasaka at mangingisda na nangangailangan ng makabagong teknolohiya upang mapaunlad ang kanilang sistema ng produksyon,” ani Camacho.

NASA LARAWAN: Pormal na pagbubukas ng SyenSaya 2025 sa University of the Philippines Los Baños. Kuha ni Gian Estrada
Dagdag pa niya, patuloy na isinusulong ng UPLB ang pampublikong serbisyo sa pamamagitan ng agham at teknolohiya, kaya’t mahalaga ang SyenSaya bilang isang plataporma upang maipakita ang mga makabagong solusyon at pananaliksik na may direktang epekto sa pamumuhay ng mga Pilipino.
Samantala, binigyang-pansin naman ni UPLB Vice Chancellor for Research and Extension at Program and Exhibit Committee Chair ng LBSCFI 16th SyenSaya, Nathaniel Bantayan ang kahalagahan ng SyenSaya sa pagpapalakas ng inter-agency collaboration.
“Ang LBSCFI ay binubuo ng 25 ahensya na nakatuon sa pananaliksik at pagpapaunlad ng kakayahan. Ang SyenSaya ang nagsisilbing pangunahing venue kung saan nagkakaisa ang mga institusyong ito upang ipalaganap ang agham at hikayatin ang mas maraming kabataan na piliin ito bilang propesyon,” aniya. .
Sa taong ito, nakasentro ang SyenSaya 2025 sa limang pangunahing tema; Food Security and Sovereignty, One Health, Future Communities, Resilience and Sustainability, at Socio-Justice and Cultural Flourishing.

NASA LARAWAN: Interactive trivia game ng SyenSaya 2025 kung saan magkalaban ang dalawang paaralan. Kuha ni Gian Estrada.
Bukod sa mga exhibit at presentasyon, tampok din sa SyenSaya 2025 ang mga interactive games at libreng serbisyo para sa mga dumalo. Kabilang dito ang trivia games, live science demonstrations, at libreng blood typing, pati na rin ang iba pang hands-on activities na naglalayong gawing mas engaging at educational ang event.
Isa rin sa mga pangunahing layunin ng SyenSaya 2025 ang pagpapakita sa kabataan na ang agham ay hindi lang mahalaga—ito rin ay masaya.
“The messaging is the word itself—it’s fun. Kaya interactive ang SyenSaya 2025 upang maipakita sa kabataan na ‘Masaya pala ang agrikultura! Masaya pala ang forestry! Masaya pala ang agham!,” saad ni Bantayan.
Patuloy na tinatangkilik ng mga mag-aaral, guro, mananaliksik, at iba’t ibang sektor ang SyenSaya 2025, na inaasahang magiging daan upang higit pang mapaigting ang kamalayan ng publiko sa agham at teknolohiya.