Bayanihan at Kabayanihan: Mga Saksi Sa Kasaysayan

Ulat nina Maverick Bonifacio, Giulz Cantar,  Aaliyah Mae Valenciano

NASA LARAWAN: Binuksang muli nina Dr. Crispin Maslog (kaliwa) at Ms. Sofie Tidon (kanan) ang kani-kaniyang kahon ng ala-ala upang magbalik-tanaw sa mga istoryang lumipas . Kuha ni Giulius Cantar

Los Baños, Laguna—Tahimik na bayan, luntian ang paligid, at puno ng kwento ng nakaraan. Ngunit sa ilalim ng katahimikang ito, may mga alaala ng digmaan, sakripisyo, at katatagan na kailanman ay hindi dapat malimutan.

Sa ginanap na 22nd Bayanihan sa Pamayanan, muling binalikan ng mga lumahok ang hindi matatawarang kwentong bayan—mga sanaysay ng pagdurusa sa ilalim ng pananakop, pagbubuo ng komunidad, at pagbabago ng Los Baños sa paglipas ng panahon. 

Ang naturang pagtitipon, sa ilalim ng inisyatibong Los Baños Bayanihan Community (LBBC), ay pinamumunuan ng Life Learning Organization of PEACE (LLOoP). Layunin nito na itaguyod ang pagpapaunlad sa komunidad ng Los Baños, partikular na ang mga informal settlers gaya na lamang ng Purok Villegas. Ginaganap ang pagtitipon tuwing unang Sabado ng buwan sa LB Community Park, Opal St., LB Subdivision.

Kabilang sa mga nagbahagi ng kanilang kuwento sina Sofie Tidon, isang World War II heroine, at Dr. Crispin Maslog, isang beteranong mamamahayag at historyador.

Mga Alaala ng Digmaan

Isa sa mga pinakamatinding pagsubok ay ang pananakop ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa panahong iyon, ang buhay sa Los Baños ay isang madilim na kabanata ng takot at kawalan ng katiyakan. Maraming pamilya ang nagkubli sa mga bundok at tiniis ang gutom at pang-aapi upang makaligtas.

Sa murang edad noon ni Gng. Sofie, direkta siyang nakaranas ng mga  kalupitang ginawa ng mga sundalong Hapones. Ang kanyang pamilya ay minasaker, ang kanyang mga kapatid ay pinatay, at siya mismo ay dumanas ng labis na pagpapahirap.

NASA LARAWAN: Emosyonal na ibinahagi ni Sofie kung paano siya dinakip at pinahirapan ng mga sundalong Hapones at kung paano pinaslang ang kanyang pamilya. Kuha ni Giulius Cantar

“Binitin nila ako patiwarik. Ilang beses akong inilubog sa tubig hanggang hindi na ako makahinga. Akala ko, hindi ako makaka-survive,” pagbabalik-tanaw ni Sofie habang inaalala ang matinding sakit at takot na kanyang naranasan. 

Ngunit hindi siya bumitiw sa pag-asa. Sa kabila ng pangamba, naging bahagi siya ng lihim na operasyon ng mga Pilipino upang tulungan ang mga bihag ng digmaan na nakakulong sa Baker Hall ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). 

Sa kabila ng panganib, palihim nilang binabalot ang pagkain at  tinatapon ito sa loob ng kulungan ng mga bihag sa oras na hindi nakatingin ang mga Hapones. Hindi ito naging madali—maraming beses siyang kamuntikang mahuli, at minsan pa nga ay nadakip siya ng mga sundalo. Sa mga panahong iyon,inuutusan siyang bumati at yumuko nang napakababa bilang paggalang sa mga Hapones kapag dadaan sa gate ng UPLB. Subalit, sa tulong ng kanyang tapang at tiyaga, nagpatuloy siya sa kanyang misyon. 

“Sa awa ng Diyos, nailigtas naman ako,” ani Sofie, na sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ay nanatiling matatag. 

NASA LARAWAN: Kuha ang larawan sa Texas, USA noong tinanggap ni Sofie ang parangal na iginawad sa kanya ng Amerika bilang World War Heroine bilang pagkilala sa kanyang ambag at ginampanang tungkulin noong panahon ng digmaan. Kuha ni Giulius Cantar.

Bukod sa pagpapakain sa mga bihag, tumulong din siya sa mga gerilya. Siya mismo ang nagdala ng pagkain sa isang Amerikanong piloto noong bumagsak ang sinasakyang nitong eroplanong pandigma sa Tuntungin-Putho, Los Baños. Sa loob ng tatlong araw, lihim niyang pinapakain ito habang nagtatago sa gubat, bago ito tuluyang nailigtas ng mga gerilya. 

Ngunit hindi lahat ay pinalad. Marami sa kanyang kakilala at kababayan ang hindi nakaligtas. Ang Los Baños noon ay isang larangan ng digmaan—mga bahay na sinunog, mga buhay na tinapos, at mga pangarap na tuluyang winakasan. 

“Ang Pilipinas ang tunay na nagdusa sa giyera ng Japan at America. Hindi ko mawari kung bakit kami ang kailangang maghirap,” ani Tidon.

Samantala, inalala naman ni Dr. Maslog ang kanyang pagiging saksi sa epekto ng digmaan sa kanilang bayan sa Bohol noong kanyang kabataan. Tandang-tanda pa niyang sinabi ng kanyang ama na kinakailangan nilang lumikas noong pumutok ang balitang binomba ng pwersa ng mga Hapones ang base militar sa Hawaii. 

“Naalala ko noong binomba ang Pearl Harbor, agad kaming nagbakwit patungo sa bundok. Doon namin sinimulan ang kaingin system, nagtanim ng mais at saging para lang may makain,” pagbabahagi niya. 

Kanya ring nabanggit ang tungkol sa pagpapasailalim ng Bataan sa puwersang Hapones at ang madugong Bataan Death March. Inilahad niya ang hirap ng buhay noon na hindi lamang dulot ng giyera, bagkus pati rin ng takot. Hindi niya alam kung kailan siya matutulog nang payapa o kung may buhay pa siyang gigising kinabukasan. 

Sa kabila ng paglikas, hindi pa rin sila nakaligtas sa hirap ng digmaan. Nasaksihan niya kung paano tuluyang nagbago ang simpleng pamumuhay ng mga Pilipino dahil sa takot at pang-aapi ng mga Hapones.  

Isa sa mga pinakamadugong bahagi ng kasaysayan ng Los Baños ay ang Los Baños Raid noong Pebrero 23, 1945, kung saan halos 2,000 na bihag ang napalaya ng mga tropang Amerikano at mga gerilyang Pilipino. Itinuring itong isa sa pinakamahalagang tagumpay ng mga Pilipino sa paglaban sa pananakop. 

Ngunit higit pa sa labanan, ang tunay na diwa ng bayanihan ay lumutang sa panahong ito. Ang mga kababaihan, kabataan, at matatanda ay nagkaisa upang suportahan ang mga lumalaban para sa kalayaan. Ang kwento ni Sofie, Dr. Cris, at ng maraming iba pang bayani ay patunay na sa kabila ng pagsubok, nananatili ang diwa ng bayanihan sa puso ng mga Pilipino. 

Mga Dyaryo na Pinatahamik 

Matapos ang digmaan, ibang laban naman ang hinarap ni Dr. Maslog—ang laban para sa katotohanan.

NASA LARAWAN: Ipinasilip ni Dr. Cris ang kopya ng dyaryong Negros Express na naging operasyonal sa loob ng dalawang taon bago ipasara ng rehimeng diktadurya. Kuha ni Giulius Cantar.

Bilang isang mamamahayag, hindi niya kailanman iniwan ang kanyang pangarap na maghatid ng tamang impormasyon sa publiko. Itinatag niya ang isang lokal na pahayagan, ang Negros Express.

Ngunit noong panahon ng Martial Law, kasabay ng pagsupil sa malayang pamamahayag, kabilang ang kanyang dyaryo sa mga pinatahimik.

“The community newspaper is the best way to reach the public,” ani Dr. Maslog. 

Sa kabila ng pagsasara ng kanyang dyaryo, hindi siya natinag sa kanyang misyon. Nagpatuloy siya sa kanyang adbokasiya bilang isang guro sa larangan ng journalism at development communication. 

Sa loob ng maraming taon, hinubog at pinagyaman niya ang mga susunod na henerasyon ng mga mamamahayag sa iba’t-ibang institusyon. Itinatag niya ang ang School of Mass Communication (na ngayon ay kolehiyo na) sa Siliman University at naging director nito sa loob ng 15 taon bago ito lumipat at naging kabilang sa mga indibidwal na nagpayabong sa larangan ng komunikasyong pangkaunlaran sa UPLB. 

Los Baños Noon at Ngayon

Sa salaysay nina Gng. Tidonat Dr. Maslog, muling nabuhay ang imahe ng lumang Los Baños—isang bayan na puno ng bukirin, matataas na talahiban, at may matibay na diwa ng bayanihan. Ngunit ang digmaan ay nagdulot ng takot at pagbabago. 

Ngayon, malayo na ang itsura ng bayan kumpara sa nakaraan. Mula sa isang tahimik na lugar, ito ay naging isang pook na sentro ng edukasyon at agrikultura, ngunit kasabay din nito ang mabilis na urbanisasyon. Maraming mga kabataan ang hindi na pamilyar sa kasaysayan ng kanilang sariling bayan, isang bagay na nais baguhin ng mga lumahok sa pagtitipon. 

Mga Aral Para sa Kabataan

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe sina Sofie at Dr. Maslog para sa bagong henerasyon. 

“Makinig kayo sa mga advice ng inyong mga magulang at sa mga nakakatanda,” ani Gng. Tidon. Kanyang inilahad na may mga kabataang nalululong sa iba’t ibang bisyo tulad ng droga. 

“Mapalad tayo sa panahong ito na ang sitwasyon natin ay peaceful,” dagdag niya. “Sana huwag nang magkaroon ng panibagong digmaan.”

Samantala, nagbigay ng babala si Dr. Maslog tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral ng kasaysayan. 

History, as they say, repeats itself, therefore, they should study history so they will know what not to repeat.” Ito ang kanyang mensahe sa mga kabataan bilang pagbibigay-diin niya sa kahalagahan ng pagbabasa. Dagdag pa niya “nang makita nila na war is evil, war is disastrous, war is insane, and then they will realize that war is not worth anything.”

NASA LARAWAN: Ang mga kabataan ito ng Purok Villegas informal settlers ang katuwang at benepisyaryo ng LBBC sa kanilang inisyatibo. Kuha ni Maverick Bonifacio.

Ang naganap na bayanihan ay dinaluhan ng mahigit isang daang tagapakinig. Nakiisa rin sa pagtitipon ang Balay Wari, isang grupo na nagbigay buhay sa mga kwento nina Sofie at Dr. Maslog sa pamamagitan ng pagsasadula ng kanilang mga karanasan at aral. Nagtapos ang event sa isang Raffle drawing bilang pasasalamat sa mga dumalo at upang magbigay kasiyahan sa lahat ng nakibahagi.