UPLB Street Jazz Dance Company- Fatale, 1st Runner-up sa Anilag Got Talent “Sayaw Laguna”

Ulat ni Francisco II Cabrera 

Nasungkit ng UPLB Street Jazz Dance Company (SJDC) – Fatale ang ikalawang pwesto sa Anilag Festival 2025: Anilag Got Talent “Sayaw Laguna” – Inter-Collegiate Hiphop Dance Battle, na ginanap noong Marso 11 sa Provincial Capitol Grounds, Santa Cruz, Laguna. Tinanghal na kampeon ang Lyceum Pirates Dance Troupe, habang nakuha ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) Gurus ang ikatlong puwesto.

Nilahukan ng 12 dance teams mula sa iba’t ibang unibersidad sa Laguna ang kompetisyon, na naglalayong ipagdiwang ang husay at talento ng mga kabataang mananayaw.  Kasama rin sa finals bilang isa pang kinatawan ng Los Baños ang UPLB Street Jazz Dance Company – Beaux.

Itinanghal ang UPLB Street Jazz Dance Company – Fatale bilang 1st runner up ng Anilag Got Talent “Sayaw Laguna” – Inter-Collegiate Hiphop Dance Battle. Larawang kuha ni Francisco Il Cabrera

Sa isang panayam ng Youth Development Office Laguna, ibinahagi ni Yna Gatpayat, Head Choreographer ng UPLB SJDC, ang kanilang naging paghahanda para sa kompetisyon. “For prep(aration) po namin, nagsimula po siya sa regular trainings tapos nagkaroon po kami ng extra trainings at conditioning para mas lumakas kami,” aniya. 

Tumanggap ang UPLB SJDC – Fatale ng Php 50,000 bilang gantimpala sa Sayaw Laguna 2025. Ang patimpalak na ito ay isa lamang sa maraming kaganapan na isinagawa bilang bahagi ng Anilag Festival 2025, na nagbukas noong Marso 9 at magtatapos sa Marso 15.