Ulat ni Eugene Ann Samantela
Isinagawa ang ika-limang “Dugong Bayani: Blood Donation Drive” sa Covered Court ng Barangay Tuntungin Putho noong Marso 8 na dinaluhan ng higit na 30 na boluntir.
Layunin nitong matiyak ang sapat na suplay ng iba’t ibang uri ng dugo para sa mga emergency cases na nangangailangan ng blood transfusion. Layunin din nitong ipaabot ang kahalagahan ng pakikiisa ng bawat indibidwal sa pagpapanatili ng mas malusog na komunidad.
Nagsimula ang proseso sa pagkuha ng vital signs, screening, at consultations. Sinundan naman ito ng bleeding o ang aktwal na pagkuha ng dugo. Matapos nito ay ang pagbibigay ng sertipiko, pagkain, at ilang kagamitan tulad ng t-shirt bilang pasasalamat.
Nagpahayag naman ng saloobin ang ilang boluntir.
“Mas maganda yung ngayon [na Blood Donation Drive] gawa ng yung mga taga-rito saamin [ay] hindi na lalabas para pumunta duon sa pupuntahang venue. Kasi unang-una, kahit gusto nilang mag-donate, kung lalabas pa sila medyo nagkakaroon ng hassle sakanila yun. So, kung naandito, hindi na sila pupunta duon. Mas madali sakanila na pumunta dito sa basketball court namin,” ani Irene Bautista, 50, Public Health Midwife ngBrgy. Tuntungin Putho.
Dagdag pa niya, ang aktibidad ay nagpapadali rin sa proseso ng paghingi ng dugo mula sa mga ospital at makukuha rin ng libre ng mga mangangailangan.
Sa kabilang dako naman, naging paraan rin ang blood donation para sa mga residente tulad ni Joan Bilaro, 41, para mapabuti ang sariling kalusugan.
“Good for health rin naman kasi na mag-donate ng dugo,” ani Bilaro.
Bukod sa personal na benepisyo, ang pagtulong sa kapwa ang naging pangunahing motibasyon ng iba.
“Masarap… masarap sa pakiramdam na nakakatulong ka,” saad ni Mary Ann Belatas, 35.
Ang aktibidad ay pinangungunahan ng Rural Health UNit (RHU) katuwang ang SPCMC.