Ulat ni Alexandra Kelsey Ramos

GANDA AT KUMPIYANSA NG ISANG INA. Rumampa sa entablado si Jessica Lapiz ng Brgy. San Antonio, na kalaunang kinoronahan ng titulong “The Most Gorgeous and Empowered Buntis 2025”. (Kuha ni Alexandra Kelsey dR. Ramos)
Inilunsad para sa mga ina ng Los Baños ngayong Women’s Month ang 15th Buntis Congress na may temang “Empowering Mothers, Enriching Futures: Focusing on Safe Motherhood Leading to a Healthier Tomorrow” noong Marso 10, 2025 sa Cesar Perez Multipurpose Hall.
Layunin ng programang ito na magbigay kaalaman sa mga buntis ukol sa ligtas na panganganak at pangangalaga sa kanilang kalusugan.
Isa sa mga pangunahing bahagi ng programa ay ang talakayan tungkol sa ligtas na pagbubuntis at mga senyales at sintomas ng panganib habang nagbubuntis na pinangunahan nina Dr. Mildred M. Mayo at Dr. Renelle Ibarra-Labtuon.
Samantala, pinangunahan naman ni Dr. Jovita Jane B. Revilla ang diskusyon tungkol sa teenage pregnancy at mga hakbang upang maiwasan ito para sa mga estudyanteng nakilahok sa programa.
Isinagawa rin ang patimpalak na pinamagatang “The Search for the Most Gorgeous and Empowered Buntis 2025”. Ipinamalas dito ng mga nanay isa mula sa bawat barangay ng Los Baños ang kanilang angking kakayahan at talento habang buong pinagmamalaki ang pagiging ina.
“Sana sa mga ganitong paraan ma-feel nila that they are loved and we honor them. Kasama nila tayo sa pag-bebear ng bagong citizens of Los Baños,” ayon sa Tagapangulo ng Komite ng Pangkalusugan na si Councilor Mec Dizon.
Nakatanggap din ang mga kalahok ng mga prenatal at children’s vitamins at iba’t ibang serbisyo tulad ng Random Blood Sugar (RBS) testing at blood typing.
Ang programang ito ay pinangunahan ng Los Baños Municipal Health Office.