Ulat ni Aika Maeri N. Akioka
Bilang bahagi ng paggunita ng International Women’s Month, idinaos ng Gabriela Youth – University of the Philippines Los Baños noong ika-12 ng Marso 2025 sa College of Development Communication (CDC) Lecture Room 1 ang pang-edukasyong talakayan ukol sa sexual objectification ng mga kababaihan sa midya at ang epekto nito sa lipunan.
Ipinaliwanag ni Annika Rana, tagapagpahayag mula sa Gabriela Youth-UPLB, na ang sexual objectification ay ang pagtrato sa isang tao bilang isang bagay para lamang matugunan ang seksuwal na pagnanasa ng iba na nagreresulta sa pagsasamantala at pagkawala ng dignidad ng mga kababaihan.

NASA LARAWAN: Si Annika Rana, miyembro ng Gabriela Youth–UPLB, habang tinatalakay ang “Objectification of Women in Media”. Larawang Kuha ni Aika Maeri N. Akioka.
Binigyang-diin ni Rana na ang sexual objectification sa midya ay bahagi ng mas malawak na rape culture, kung saan kasama ang victim blaming, slut shaming, at pagpapababa sa bigat ng kaso ng panggagahasa. Ikinonekta ito sa Marxistang teorya ng base at superstructure, kung saan ang sistemang pang-ekonomiya ng kapitalismo ay humuhubog sa mga institusyon, kultura, at batas na nagpapatuloy sa ganitong pananaw sa kababaihan.
Ipinaliwanag din ni Rana na patuloy na naapektuhan ang mga kababaihan dahil sa paraan ng kanilang representasyon sa iba’t ibang uri ng midya, mapa-social, print, o sa broadcast. Kabilang sa mga ito ang advertising, pelikula, musika, at pornograpiya.
Pagkatapos ng talakayan, nagkaroon ng open forum kung saan hinikayat ang mga kalahok na magbahagi ng kanilang obserbasyon sa midya at ang kanilang mga pananaw tungkol dito.
Hinikayat ni Rana ang mga kalahok na maging mapanuri sa midya. “Ang mga nabanggit kanina, lahat ito ay nagpapatibay sa maling pagtingin at pagtrato sa kababaihan sa ating lipunan,” aniya. Diniin niya ang pangangailangan ng kolektibong pagkilos upang labanan at wakasan ang sexual objectification at karahasan.
Bilang pagpapatuloy ng adbokasiya para sa karapatan ng kababaihan at pagkakapantay-pantay sa lipunan, magsasagawa ang Gabriela Youth-UPLB ng iba pang pang-edukasyong programa ngayong buwan ng Marso. Isa na rito ang “Feminism 101: History of Women’s Struggle in the Philippines” na gaganapin sa ika-20 ng Marso 2025. Sa pamamagitan ng mga inisyatibang ito, patuloy ang Gabriela Youth-UPLB sa pagpapalaganap ng kamalayan, paghubog ng kritikal na pag-iisip, at pagtataguyod ng pagkilos tungkol sa isang lipunang mas makatarungan at pantay para sa lahat.
Para sa mga karagdagang updates ukol sa mga aktibidad ng Gabriela Youth-UPLB, maaaring bisitahin ang kanilang opisyal na Facebook page sa https://www.facebook.com/gyuplb.