Mga programa ng DSWD, exempted sa election spending ban; mga kandidato, bawal sumama sa pamimigay ng ayuda

Binigyan ng exemption ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa election spending ban, batay sa COMELEC Memorandum 25-01080 na inilabas sa publiko kahapon, Marso 18. Ito ay matapos maghain ng request ang DSWD na huwag ibilang ang ilan sa mga social welfare programs nito sa Section 261 (v2) ng Omnibus Election Code.

Kabilang sa mga DSWD programs na nabigyan ng exemption ang mga sumusunod:

  • Assistance to Persons with Disability and Senior Citizens
  • Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP)
  • KALAHI-CIDSS-KKB for Community Driven Development Projects and Cash for Work Programs
  • LAWA and BINHI Project
  • Liwanag at Tubig Assistance Welfare (LITAW)
  • Philippines Multi-sectoral nutrition project (PMNP)
  • Protective services for individuals and families in especially difficult circumstances (PROPER)
  • Recovery and reintegration program for trafficked persons
  • Services for residential and center-based clients
  • Social pension for indigent senior citizens
  • Supplementary feeding program (SFP)
  • Sustainable Livelihood Program (SLP)

Nasa Php32.18 bilyon ang kabuuang halaga ng 13 na programang binigyan ng exemption. Sa mga ito, may pinakamalalaking alokasyon ang Social pension for indigent senior citizens (Php 15.37 bilyon) at AKAP (Php12.63 bilyon).  Dati nang naging kontrobersyal ang AKAP at iba pang programa ng DSWD matapos umano itong maabuso ng ilang mga pulitiko at kandidato.

Naglatag ng mga kondisyon ang COMELEC sa pag-apruba nito sa request ng DSWD. Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod:

  • Hindi dapat makaimpluwensya ang pagbibigay ng ayuda sa pagsasagawa ng eleksyon sa ika-12 ng Mayo;
  • Hindi maaaring mamigay ng Ayuda, TUPAD, AKAP, AICS at 4Ps mula Mayo 2 hanggang 12, maliban sa medical at burial assistance;
  • Hindi maaaring sumama ang mga elective officials o kandidato sa pamimigay ng Ayuda, TUPAD, AKAP, AICS at 4Ps;
  • Kailangang sumunod ang DSWD, kabilang ang mga kawani at partners nito, sa mga guidelines na isinumite sa COMELEC.
  • Magsusumite ng ulat ang DSWD tungkol sa mga inilabas na pondo para sa mga programang binigyan ng exemption;
  • Hindi maaaring gamitin ang Certificate of Exemption upang pigilan ang imbestigasyon ng mga kaso ng paglabag sa Section 261 ng OEC.

Sa pahayag ng DSWD, sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na hindi tumitigil ang pagtugon ng DSWD kahit panahon ng eleksyon. “So yung medical assistance, burial assistance, tuloy-tuloy yan dahil mandato namin yan,” ani Gatchalian.

Paalala ng DSWD sa mga tumatanggap ng 4Ps, na maging mapanuri lalo na sa mga kandidatong ginagamit ang programa para sa sarili nilang agenda. ““Huwag po kayong maniniwala kapag po may mga kandidato o mga politiko na nagsabing pwede nila kayong ipasok o tanggalin mula sa programa,” sabi ni 4Ps Social Marketing Division Chief (DC) Marie Grace Ponce noong Marso 5. Paliwanag ni Ponce, tanging DSWD lamang ang may kakayahang magsali o magtanggal ng mga member households. “Hindi po tayo basta-basta nagtatanggal. Yung pagtatanggal po natin ng mga beneficiaries, maliwanag po na nakasaad sa batas kung anu-ano lang yung mga pamamaraan para po kayo ay mawala sa programa,” ani Ponce.

Maaaring idulog ang mga kaso ng pamumulitika ng 4Ps sa text hotline nitong 0918-912-2813.