Ulat ni Hannah Magbanwa
Nagsagawa ng Unity Walk, Inter-Faith Rally, at Peace Covenant Signing ang Philippine National Police (PNP) at ang Commission on Elections (COMELEC) ngayong Marso 21, bilang paghahanda sa nalalapit na Midterm National and Local Elections 2025.
Ayon kay Randy Banzuelo, election officer ng Los Baños, Laguna, ang layunin ng programa ay ipaalala sa mga kandidato ang mga alituntunin para sa mas mapayapa, maayos, at patas na pangangampanya.
“Ang programang ito ay isang paalala sa ating mga kandidato na sundin ang tamang proseso ng pangangampanya upang mapanatili ang kaayusan at integridad ng halalan,” ani Banzuelo.
Dagdag pa niya, magsisimula pa lamang ang arangkada ng pangangampanya sa ika-28 ng Marso kaya’t hindi pa pinapayagan ang pangangampanya sa ngayon. Hinimok din niya ang mga kandidato na tanggalin ang kanilang mga campaign materials na nilagay bago ang opisyal na campaign period, at ang hindi sumunod ay padadalhan ng abiso.
Binigyang-diin din na bawal mangampanya sa Huwebes Santo at Biyernes Santo sa darating na Semana Santa, lalo na sa araw ng eleksyon alinsunod sa mga patakaran ng COMELEC. Ipinagbawal rin ang pamamahagi ng polyeto sa mismong araw ng halalan bilang bahagi ng regulasyon upang mapanatili ang patas na eleksyon.
Samantala, inanunsyo rin na kabubuo pa lang ng Environmental Committee ng COMELEC, na naglalayong tiyakin na ang mga election posters ay recyclable at may malinaw na pahayag kung sino ang nag-donate o nag-imprenta ng mga ito.
Bilang bahagi ng programa, ipinalabas din ang isang candidate briefing video na naglalaman ng mga tamang hakbang at aksyon, at ang mga ipinagbabawal gawin sa panahon ng kampanya.
Hinikayat naman ang mga kandidato na panatilihin ang propesyonalismo sa kanilang pangangampanya, tulad ng pagbibigay-diin sa kanilang mga nagawa sa halip na pangangampanya sa mga assembly meetings.
Nagsimula ang aktibidad alas-sais ng umaga sa evacuation center ng lumang munisipyo ng Los Baños, kung saan nagmartsa ang mga kalahok patungo sa bagong munisipyo at saka idinaos ang programa.
Inaasahan ng PNP at COMELEC na magiging payapa, patas, at malinis ang darating na eleksyon sa Mayo 2025.