Taunang pagdiriwang ng ‘Commercio’, kasalukuyang ginaganap sa UPLB CEM

Ulat ni Angelene Kris Panopio

Tampok ang iba’t ibang pagkain at paninda sa ikalawang lingo ng taunang ‘mini-fair’ na ‘Commercio’ sa CEM Alumni Plaza ngayong Marso 17-21, 2025. Lumahok ang 13 na maliliit na negosyo sa bazaar, na inilunsad ng UPLB Agribusiness Society (BiSok).

Ayon sa Socio-cultural Committee Chair ng BiSok na si Jude P. Rodriguez, ang Commercio ay ginaganap tuwing Marso upang ipagdiwang ang Agribusiness Month. Hangad umano nilang makatulong sa micro, small, and medium-sized enterprises o MSMEs upang magkaroon ang mga ito ng mga oportunidad at pagkakakilanlan para lalong mapalago ang kanilang negosyo .

Dagdag ni Rodriguez, ang kaibahan ng fair nila ay makikita sa pamamaraan nilang ‘mutual exclusivity’, kung saan walang kaagaw ang mga kalahok na negosyo sa brand o produkto, kaya’t lahat ng negosyo ay siguradong iba-iba ang binebenta.

Ayon sa business owner na si Daniel C. Bote ng Myrtle’s Crystals and Craft Shop, maganda ang kanilang naging karanasan sa fair sapagkat maraming estudyante ang bumibili. “Actually, every year ako rito, for the past five years yata sumasali na ako sa Commercio, so it’s always a blockbuster naman,” aniya.

Sa panig ng mga mamimili, nabanggit ng mga mag-aaral ng CEM na sina Angelica Pascua, Isaac Merioles, at Riann Set na napapadalas sila sa Commercio sapagkat malapit lang sa kanila ang fair. Bukod pa rito, masaya raw sila sapagkat may ‘go-to’ silang mapupuntahan kapag nagugutom.

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga ganap ng UPLB Agribusiness Society, maaaring bisitahin ang kanilang opisyal na Facebook page sa https://www.facebook.com/bisok1972.