Pandaigdigang kooperasyon para sa seguridad sa pagkain isinulong sa AgCultivate 2025

Ulat ni Charisse Marianne C. Platon

MATIBAY NA UGNAYAN, MASAGANANG AGRIKULTURA. Ang AgCultivate ay isang pagtitipon na naglalayong harapin ang mga hamon sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng industriya at akademya mula sa Canada at Pilipinas. Sa kooperasyong ito, inaasahang maipapahayag ang mga makabagong solusyon para sa isang mas matatag at napapanatiling agrikultura. (UPLB Research and Extension Facebook Live Stream)

Idinaos ang AgCultivate 2025, isang pagtitipon na naglalayong tugunan ang mga hamon sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng kooperasyon ng industriya at akademya mula sa Canada at Pilipinas, sa Makati Diamond Residences noong Pebrero 24-25, 2025.

Pinangunahan ng University of the Philippines Los Baños at mga katuwang nitong mga unibersidad at institusyon sa Canada, ang pagtitipon ay tinalakay ang mga temang seguridad sa pagkain, pagpapaunlad ng yamang tao, at pagsulong ng teknolohiya sa agrikultura.

Sa unang araw ng programa, tinalakay ang sistemang pang-agrikultura ng Canada at Pilipinas, pati na rin ang mga programang pangkaunlaran ng Canada sa bansa. Sinundan ito ng unang panel discussion hinggil sa seguridad sa pagkain, na sinamahan ng networking at Business-to-Business (B2B) lunch upang pag-usapan ang posibleng kolaborasyon sa sektor ng agrikultura. Sa hapon ay ginanap ang ang pangalawang panel discussion tungkol sa pagpapaunlad ng yamang tao. Kasunod dito ay ang pangatlong panel discussion kung saan ipinakita ang mga epektibong teknolohiyang pang-agrikultura. 

Nagpatuloy ang diskusyon sa ikalawang araw na nakatuon sa pananaliksik, inobasyon, at pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng akademya at pribadong sektor. Dito, ginanap ang unang pagpupulong ng Philippines-Canada Network for Sustainability (PCNS) at ang presentasyon ng Project MOCHA. 

Ayon kay Chancellor Jose V. Camacho, Jr. ng UPLB, “The Philippines, as an archipelagic developing nation, faces unique obstacles in agricultural production and food security. We have much to learn from our partner country, Canada, whose nation stands as a global leader in agricultural productivity, modern infrastructure, and research-driven solutions.” 

Inaasahan na ang mga diskusyong ito ay magpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng Canada at Pilipinas upang higit pang mapaunlad ang sektor ng agrikultura.