Ulat ni Maria Jane Vianney Gonzales
Inilunsad ng Barangay Mayondon Health Center ang taunang libreng cervical screening noong ika-21 ng Marso 2025 bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month. Dinaluhan ito ng mahigit nasa 60 na kababaihan.
Ang programa ay inorganisa para ipaalam sa mga kababaihan sa komunidad ang kanilang kahalagahan at ipabatid ang tulong na maari nilang matanggap mula sa Health Office para alagaan ang kanilang sarili. Layunin ng programa na makatulong sa maagang pagtukoy ng mga sakit at magbigay ng libreng pagsusuri .
Ayon sa National Cancer Institute, ang cervical screening ay isang paraan sa pagtukoy ng mga abnormal na selula sa cervix bago pa man ito maging kanser. Maaring maagapan ang pag-develop ng cervical cancer kapag na-detect ito nang maaga. Matutukoy din nito kung ang isang tao ay may mataas na posibilidad na magkaroon ng cervical cancer.
Ayon kay Cristeta De Villa, ang tagapag-ugnay ng programa at representante ng Mayondon Health Center para sa mga kababaihan, isa sa mga suliraning hinarap nila sa pag-oorganisa ng programa ay ang pag-imbita ng mga kababaihan lalo na sa mga nakakatanda at mga nanay dahil sa takot, kahit ginagawa na nila ito simula pa noong 2009.
Payo ni De Villa, “Ugaliing pumunta sa pinakamalapit na health center para mag-tanong ng mga serbisyong pangkababaihan na pwedeng-pwede makuha kagaya ng cervical at breast examination.”
Ayon sa isa sa mga lumahok sa program, “Mainam na magpa-check lagi lalo na kapag may mga libreng check-up na ganito. Makakatulong ito para sa mas maayos na kalusugan.”
Para sa karagdagang impormasyon sa mga programa at serbisyo ng Mayondon Health Center, maaring bisitahin ang kanilang Facebook page sa https://www.facebook.com/MayondonHealthCenter.
Mga Sanggunian
National Cancer Institute. (2025 February 13). Cervical cancer screening. U.S. Department of Health and Human Services. https://www.cancer.gov/types/cervical/patient/cervical-screening-pdq