“Women in Art, Women as Art Convention” idinaos ng KULAYAN-UPLB

Ulat ni Sonia Vivina G. Jimena

Isinagawa ng Kulturang Ugnayan ng Kabataan Alay sa Bayan (KULAYAN-UPLB) ang “Women in Art, Women as Art Convention” noong ika-21 ng Marso 2025 sa Student Union (SU) Building ng UPLB. Bilang pagdiriwang ng National Women’s Month, layunin ng kaganapan ang itampok at ipagdiwang ang mga babaeng artista at tagapag-tanghal ng UPLB.

Madalas na pinagtutuunan ng pansin sa National Women’s Month ang mga pagsubok at kalagayan ng mga kababaihan sa patriyarkal na lipunan. Kaya naman ang layunin ng kaganapang ito, ayon kay VIenna Pabalan, General Secretary ng KULAYAN-UPLB, ay “maitampok yung talento at husay sa sining at kultura ng mga kababaihang artista”. 

Idinaos sa kumbensyon na ito ang isang art fair kung saan 20 na mga kababaihang artista at mga malikhaing kolektibo ang lumahok upang magbenta ng kani-kanilang mga likhang sining at produkto. Kasabay nito ang isang cultural night kung saan tampok ang mga kababaihang tagapagsalita na nagbigay ng mga talumpati at spoken poetry at mga pagtatanghal ng mga kababaihang manunugtog at mananayaw tulad ng Harmonya: The String Ensemble of UPLB at ng UPLB Filipiniana Dance Troupe. 

NASA LARAWAN: Ang mga kababaihang miyembro ng Harmonya: The String Ensemble of UPLB, habang tumutugtog sa cultural night ng “Women in Art, Women as Art Convention” noong ika-21 ng Marso 2025. (Larawang Kuha ni Sonia Vivina G. Jimena)

Isa sa mga kababaihang artista ng lumahok sa art fair ay si Andie Cruz, isang BS Materials Engineering na estudyante sa UPLB. Siya ay mas kilala sa kanyang artist name na @createwithyza

“Greatest help nito to us female artist is, of course, nagkaroon ako ng opportunity na mashare ko sa world na I draw, I do art. Parang opportunity na din ito sa UPLB to pursue art alongside my engineering degree atsaka confidence boost talaga siya, kasi parang sinabi ‘estudyante ka, mag aral ka, wag ka magpursue ng parang sideline na ganto’ pero at the same time ang daming nag-eenjoy sa mga gawa ko, kaya ayon talaga nag-pupush sakin [magbenta],” ani Cruz tungkol sa importansya ng mga kaganapan tulad ng “Women in Art, Women as Art Convention” para sa kanilang mga kababaihang artista sa UPLB. 

NASA LARAWAN: Si Andie Cruz, isa sa mga artistang lumahok sa Art Fair ng “Women in Art, Women as Art Convention” katabi ang kanyang art booth at kanyang mga produktong likha. (Larawang Kuha ni Sonia Vivina G. Jimena)

Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga programa at aktibidad ng KULAYAN-UPLB maaring bisitahin ang kanilang opisyal na Facebook page sa https://www.facebook.com/kulayanUPLB.