DUNONG-READ, inilunsad ang ikalawang session sa Maahas Elementary School

Ulat ni Jerich Anthony B. Estilles

Tuloy ang pagpapalalim sa kahalagahan ng pagbabasa para sa mga mag-aaral ng Maahas Elementary School sa ikalawang sesyon ng Reading Enhancement and Appreciation Development (READ) Project noong Biyernes, ika-21 ng Marso 2025. Hatid ng UPLB Ugnayan ng Pahinungód, nakasentro ang mga sesyon sa paksa ng kalusugan, agrikultura, edukasyong pagpapahalaga, at Sustainable Development Goals.

Sinimulan ang sesyon sa pagbubuod ng nagdaang talakayan bago ipinakilala sa mga mag-aaral ang panibagong babasahin. Nagkaroon din ng pagpapalalim ng talakayan sa pamamagitan ng diskusyon at drawing activity. Natapos ang sesyon sa sintesis ng mga tinalakay.

NASA LARAWAN: Isang mag-aaral na binabasa ang bagong learning module na ginagamit sa reading enhancement session. Larawang Kuha ni Jerich Anthony B. Estilles

Kabilang ang READ Project ng DUNONG Program, o ang Department of Education-UPLB Nurturing Opportunities for the Next Generation Towards Ending Learning Poverty in the Philippines, isang serbisyong pampubliko na hatid ng UPLB at ng Department of Education-Laguna. 

Nakaangkla ang pagpapatupad ng proyekto sa ilalim ng bagong MATATAG curriculum ng Department of Education noong 2023. Halos 180 estudyante sa Frustration Level ng pagbabasa ang sakop ng proyekto na mula sa mga paaralang matatagpuan sa munisipalidad ng Los Baños, Bay, Sta. Cruz, at Nagcarlan.

Ayon kay Kurt Ivan Angeles, coordinator ng READ Project at University Research Associate I ng Ugnayan ng Pahinungód, ipinagpapatuloy ngayon ang proyekto upang masukat nang mas maigi ang estado ng mga bata sa pagbabasa at matukoy ang mga learning competencies na kailangan pagtuunan ng pansin. Mula sa mga post-assessments o pagsusulit sa mga talakayan noong nakaraang taon, umakyat ang average reading comprehension sa 54% mula 47% ng mga mag-aaral.

“Generally speaking, it’s a good improvement naman from the starting point, but of course, we still strive na mas mapataas ito for everyone kasi syempre gusto din natin na maging competent ang mga bata natin paglaki kasi literacy is a foundational skill,” saad ni Angeles.

Pahayag ni Jasmin Agraan, guro sa Maahas Elementary School, malaking tulong ang READ Project sa paghuhulma at pagpapahalaga ng karakter sa isang indibidwal, partikular sa mga mag-aaral sa antas ng grade 4 to 6 na kadalasang madaling naiiwan sa pagkatuto ng mga kompetensiya.

“Since andiyan ang project, ang laking tulong sa amin na sila na ‘yung nagbibigay ng intervention program,” dagdag ni Agraan. 

Ayon naman kay Jam Hipolito, main facilitator ng ikalawang sesyon, mahalaga ang papel ng mga bata sa kinabukasan ng lipunan, at nagsisilbing pundasyon ang proyekto para sa pag-unlad ng mga mag-aaral.

“At the end of the day, itong mga bata ‘to naman ay aambag din doon sa lipunan na mayroon tayo. So maganda na bata pa lang, nasisimulan na din silang matulungan sa pamamagitan ng vision natin sa Pahinungód at kami as volunteers,” ani Hipolito.

NASA LARAWAN: Mga boluntaryo ng READ Project na nagsasagawa ng aktibidad na nagpapakita ng mga iba’t ibang uri ng gulay. Larawang Kuha ni Jerich Anthony B. Estilles.

Nagkaroon din ng focus group discussion ang mga boluntaryo matapos ang sesyon upang matiyak ang mga susunod na hakbang ng proyekto. Ang susunod na sesyon ay gaganapin sa Biyernes, ika-28 ng Marso 2025.

Bukod sa pagbibigay ng mga bagong learning module na bahagi ng mga sesyon ngayon, kasalukuyan ding tinitingnan ng READ Project team ang posibilidad ng reading sessions sa alternatibong edukasyon at pakikipag-ugnayan sa iba pang organisasyon upang mas linangin ang epektibong gawi sa pagbabasa. Hangad ng proyekto na mapalawak ang abot nito sa mga susunod na buwan.

Bagama’t nagsimula ang READ Project noong 2012, ibinalik lamang ito noong nakaraang taon matapos ang pandemya ng COVID-19. Layunin ng programa ang pagpapatibay ng kapaligiran sa pag-aaral sa paraan ng mga interbensyon sa pagbasa, nutrisyon, at pagsasanay ng mga guro.

Para sa karagdagang impormasyon patungkol sa proyekto, mangyaring bisitahin ang kanilang opisyal na Facebook page sa https://www.facebook.com/uplbpahinungod.