Ulat ni Fernando Hurtado III

Ang tatlo sa limang pangunahing bida ng musikal na A Thousand Forests na sina Mavie Estrella, Venice Bismonte, at Dennah Bautista kasama si Professor Emeritus Lucrecio L. Rebugio, PhD. (Fernando Hurtado III/LB Times)
Bilang pagdiriwang ng International Day of Forests ay muling ipinalabas ng UPLB College of Forestry and Natural Resources (CFNR) ang pelikulang “A Thousand Forests” sa DL Umali Hall noong ika-21 ng Marso 2025.
Ang musical na pelikulang ito ay isang kolaborasyon sa pagitan ng I.Syoot Multimedia Production, CFNR, at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na inilusad noong 2024.
Sa direksyon ni Hanz Florentino, ito ay kwento ng limang kabataang sumali sa isang forest camp at ng kanilang natatanging paglalakbay upang mas makilala ang kanilang sarili at mamulat sa mga problema ng kalikasan.
Tinalakay din nito ang ibang isyung panlipunan, katulad ng buhay ng mga komunidad, kalusugang pisikal at pangkaisipan, at kapakanan ng kabataan.
Sa pangunguna ng CFNR Student Council, isinagawa ang programa upang maipakita sa madla ang usapin ng climate crisis sa pamamagitan ng sining at midya na madaling mauunawaan ng mga tao, lalo na ang mga kabataan. Isang buong araw ang inilaan para rito na may apat na screening upang mas marami ang makapanood.
Binibigyang-diin din nito ang halaga ng pangangalaga sa kagubatan, pagpapalawak ng kamalayan, at paggawa ng hakbang upang maprotektahan ang kalikasan.
Dumalo ang tatlo sa limang pangunahing tauhan ng musikal upang ipakita ang suporta nila sa palabas at magkaroon ng photo opportunity kasama ng mga nakapanood. Kabilang dito sina Dennah Bautista na gumanap bilang Sky, Mavie Estrella bilang Rashid, at si Venice Bismonte bilang Sunshine.
Ayon kay Dennah, mahalagang mapanood ito, lalo na ng mga kabataan, upang matuto at maunawaan nila ang halaga ng kalikasan. Dagdag pa rito, naipapahatid din ng pelikula ang isang mahalagang mensahe tungkol sa pangangalaga sa kapaligiran.
Samantala, binigyang-diin ni Venice Bismonte ang papel ng pelikula sa pagpapalawak ng kamalayan hindi lamang sa mga kabataan kundi pati na rin sa mga nakatatanda.
“Magbigay po aware sa mga kabataan, lalo na ngayon, ang focus nila ay puro cellphone, puro gadgets, puro online games, ito po iba, mamumulat sila,” saad ni Venice. Dagdag pa niya, isa itong magandang palabas dahil hindi lahat ng mga pelikula ay nakakapagbigay ng ganitong mensahe tungkol sa kalikasan.
Nagpahayag din ng saloobin ang ilang manonood.
Ayon kay Maia De Guia, isang mag-aaral ng Development Communication na nanood ng palabas, siksik sa kaalaman ang A Thousand Forests at binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng pagiging mulat at may malasakit sa kalikasan.
“Pinakita kung ano ang pinanggagalingan ng bawat characters, bawat main characters, yung cultural roots nila, and yung mga problems na kinakaharap nila,” ani De Guia.
Dagdag pa niya, mahalaga ang pagiging aktibo at pagiging tagapagsulog ng kaalaman tungkol sa kalikasan.” Kahit isang tao lang tayo, marami tayong magagawa at marami rin tayong mga problemang maa-address ‘pag nagsimula tayong kumilos ngayon,” aniya.