“Dugtong-Buhay” Bloodletting Drive, nakalikom ng 100 bags ng dugo para sa PRC Laguna

Ulat nina Jonellyn Bautista at Vivien Encarnacion. Coverage at mga larawan nina Ethan Pahm at Keanne Zapanta

Nakalikom ng 100 bags ng dugo para sa Philippine Red Cross (PRC) – Laguna ang aktibidad na “Dugtong-Buhay: A Bloodletting Initiative”, na ginanap noong Abril 3, 2025 sa SU Sunken Lobby ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB). Layunin ng aktibidad na palaganapin ang boluntaryong pagbibigay ng dugo, at matugunan ang pangangailangan para dito.  

Mahigit 115 katao ang sumali sa aktibidad, kabilang ang mga mag-aaral, kawani, at opisyal ng UPLB, kabilang ang Student Services Office (SSO).

Ayon kay Lawrence Pugay, pinuno ng proyekto, ang pagtugon sa pangangailangang medikal tulad ng pagsuplay ng dugo ay ayon sa layunin ng inisyatiba na “isulong ang pampublikong kalusugan” at ang “pagtataguyod ng bolunterismo”. 

Mahigit 115 katao ang sumali sa “Dugtong-Buhay: A Bloodletting Initiative”, na ginanap noong Abril 3, 2025 sa SU Sunken Lobby ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB). Kabilang sa mga ito ang mga mag-aaral, kawani, at opisyal ng UPLB, kabilang ang Student Services Office (SSO). Larawang kuha ni Ethan Pahm at Keanne Zapanta.

Nagpahayag ng pasasalamat ang Head ng Red Cross Youth Laguna na si Frank Sorromero sa naging tawag sa kanilang tanggapan upang tumuwang sa proyekto dahil aniya’y ito’y magiging malaking tulong para sa mga nangangailangan.

“On behalf of the beneficiaries of your prestigious blood, the patients who are suffering from different diseases, thank you very much Upsilon Sigma Phi – Los Baños Chapter for choosing the Philippine Red Cross – Laguna Chapter as your preferred partner of choice in life-saving activities. Our partnership will ensure our beneficiaries are able to access safe and quality blood,” sabi ni Sorromero.

Dagdag pa ni Sorromero, bukod sa proyektong ito at sa naunang “The Bloodiest Rumble” na ginanap rin sa UPLB, patuloy ang pakikipagtulungan ng PRC Laguna sa iba’t ibang stakeholders upang mas mapalawak ang abot ng kanilang serbisyo.

Gayundin, naging mainit ang pagtanggap ng UP Community sa Bloodletting Drive na siyang dinaluhan ng samu’t saring estudyante, guro, staff, at iba pa.

“Very supportive naman ang mga students ng UP and responsible to help. Since mas mataas ang demand for blood compared to the supply, we work together with our community to ensure that healthy blood gets to the patients that need it most,” panayam ni Sorromero.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng Upsilon Sigma Phi fraternity, sa pakikipagtulungan sa PRC-Laguna, UPLB Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA), UPLB SHIELD, at University Health Service (UHS).  Suportado rin ang ito ng mga lokal na negosyo tulad ng Dalcielo, GOINGREEN LB, H2 Cafe, at Suy Foods.