Ang Tikim ng Nakaraan, Milka-sarap na Alaala

Ulat ni Jeremie Marinella Ledesma

“Nothing beats it kasi masarap na nga siya to begin with. Tapos, it’s always a trip with nostalgia every single time, plus nakakatuwa siya ipagyabang bilang one of the Elbi trilogy: Chocomilk, MerNel’s, and Buko Pie.”

Para sa maraming kagaya ni Laurence Cariaga, 26, na lumaki sa Los Baños (Elbi) at sa mga estudyante sa University of the Philippines sa Los Baños (UPLB), ang Milka Krem at UPLB ay higit pa sa isang tindahan. Ito ay isang matamis na pahina ng nakaraan, isang lasa na nagdadala pabalik sa simple at masasayang mga araw.

Mapunong kalsada sa Animal Husbandry papunta sa DA-PCC. Larawang Kuha ni Jasper Sarmiento

Mga taong 2000s hanggang 2017, sa bawat yapak ng batang tumatakbo sa Freedom Park o estudyanteng sabik matapos ang klase, ang pagod ay napapawi ng hiling na makapagpahinga at makapagpalamig. Pagpasok sa arko ng Animal Husbandry sa UPLB, madarama ang simoy ng hangin habang binabaybay ang kalsadang nakahanay ng iba’t ibang uri ng puno. Ramdam ang tila’y nagdadala ng kapayapaan sa isang nakakapagod at mapaghamong mundo. 

Doon, matatagpuan ang maliit na tindahan na nagngangalang ‘PCC Dairy Bar’. Isang maliit na bintana sa opisina ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC), nagdadala ng matamis na pampawi ng uhaw–ang kilalang-kilala at paboritong premyo, ang chocolate milk o madalas tawaging chocomilk

Kasaysayan ng Milka Krem

Ang DA-PCC sa UPLB, isang sangay na ahensya ng Kagawaran ng Pagsasaka o Department of Agriculture (DA), ay may mandato na pangalagaan, paramihin at itaguyod ang lahing kalabaw (carabao) para sa lakas nito, karne, gatas, at balat para mapakinabanggan ng mga magsasaka, alinsunod sa Republic Act 7307

Kaakibat ng misyon at pananaw, bitbit ang puso at layunin na makatulong itaguyod ang pamumuhay ng mga magsasaka sa kanayunan, ang DA-PCC ay aktibo at pursigido nagpapatupad ng Genetic Improvement Program (GIP). Ito ay programa ng ahensya kung saan pinapaganda ang lahi ng native carabao (swamp-type buffalo) gamit ang lahi ng riverine (river-type) buffalo. Sa programang ito, nagkakaroon ng mga anak na crossbreds o mestisa. Hindi lamang laki at lakas ng mga kalabaw ang napaganda kundi pati na rin ang mataas ng produksyon ng gatas. 

Kung ihahalintulad sa iba pang mga gatasang hayop, ang gatas ng kalabaw ay mas mataas na calcium, protein, at fat contents–pati na rin sa ibang minerals tulad ng magnesium, phosphorus at iron. 

Ang kalidad ng gatas ng crossbreds ang naging susi sa pintuan ng hindi sinasadyang pag-agos ng gintong biyaya para sa maraming magkakalabaw na umaasa sa ganitong industriya.

Ayon kay Thelma L. Canaria, science research specialist sa DA-PCC at UPLB, nagsimula magbenta ng carabao’s fresh milk noong 1999. 

Dagdag ni Jose C. Canaria, dating senior science research specialist sa DA-PCC at UPLB, maraming bumibili ng fresh milk sa DA-PCC dahil sa taglay nitong yaman sa anti-cancer properties tulad ng conjugated linoleic acid (CLA). 

Noong 90’s, maraming bumibili ng fresh milk sa amin gawa ng anti-cancer properties nito.  May client kami noon bumibili ng 10 liters ng fresh milk, nanggaling pa sa Parañaque,” saad ni Canaria. 

Unti-unting nakilala ang gatas ng kalabaw at dumami ang bumibili ng fresh milk katulad ng Indian nationals at UPLB staff na marunong magluto ng dairy products. 

Bahagi ng program ng DA-PCC na hikayatin ang mga magsasaka na gamitin ang kalabaw bilang gatasan–isang oportunidad na noon ay mahirap paniwalaan dahil sa nakasanayang kaalaman na ito ay pang-araro sa bukid lamang. Upang makita ang malaking potensyal sa paggatas ng kalabaw, pinangunahan ng DA-PCC ang negosyong salig sa gatas at karne ng kalabaw. 

Tindahan ng PCC Dairy Bar at choco milk packaging bago maging Milka Krem at UPLB, Larawang kuha ni Kate Navasero-Jimenez.

Kaya’t noong 2001, sa tulong ng UPLB Dairy Training and Research Institute (DTRI), sila ay unti-unting gumawa ng pastillas at milk-o-jel para ipamigay at ipakilala mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw. Dahil sa patuloy na pagtaas na milk production at matagumpay promosyon, naitayo ang PCC Dairy Bar noong 2003. 

Mga Produktong Milka Krem

Simula noon, unti-unting nadagdagan ang mga produktong gawa sa gatas at karne ng kalabaw tulad ng fresh milk, choco milk, at white cheese (kesong puti), flavored yogurt, at iba’t ibang uri ng sausages (carabest). Ang PCC Dairy Bar ang nagsilbing technology-demonstration ng carabao-based enterprise development program para sa mga partner na magsasaka. 

Makalipas ang ilang taon, sa hangaring lalong mapagbuti ang serbisyo para sa mga magsasaka, nakakuha ng inspirasyon si Dr. Libertado Cruz, ang dating executive director ng DA-PCC, mula sa Thailand tungkol sa pagbebenta ng gatas. Kaya noong 2014, nagsimula ang planong makapagtayo ng “Milka Krem” upang mas maitaguyod ang kalabaw para sa karne at gatas.  

Dahil dito, naging mas mayaman ang Milka Krem hindi lamang sa kalidad ng mga produkto, kundi pati na rin sa layunin na mabigyan suporta at maisulong ang mga kabuhayan ng mga magkakalabaw. 

Naitayo ang “Milka Krem at UPLB” noong March 9, 2016 katabi ng Charles Fuller Baker Memorial Hall o Baker hall, na nagsisilbi bilang isang techno-hub para sa paggawa at pagpapakita ng mga fresh and natural, masustansiya at abot-kayang mga produkto mula sa gatas tulad ng fresh milk, choco milk, Carakafe (coffee milk), yogurt, gelato, pastillas, at iba pa. 

“I would say [ang favorite ko] ay chocomilk at strawberry yogurt,” ani Cariaga.

Higit sa bawat subo at higop sa mga masasarap na produkto, kasama ng lasa ang pintuan upang balikan ang nakaraan. Ayon sa isang pag-aaral mula sa College of Charleston, Virginia Commonwealth University at University of Southampton, ang mga lasa ay may nakaangklang alaala.  

Dagdag pa ni Cariaga, walang tapon sa mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw at kapag bumibili siya sa Milka Krem, na alaala niya ang kanyang pagkabata. 

“It tasted like my childhood. It’s one of the things I’m so happy about that I grew up in Elbi, the choco milk, it’s to die for,” sabi ni Cariaga.

Maliban sa alaala ng nakaraan, hindi mapaghihiwalay ang pag-iisip tungkol sa kinabukasan. Ayon kay Dr. Thelma A. Saludes, agricultural center chief ng DA-PCC, nais nila ilipat ang processing area sa Milka Krem para mas makita ng publiko ang kanilang proseso para sa mga kanilang paboritong balikan na mga produkto, bilang isang techno-demo store.

“May plano na kaming mailipat ang processing [area] sa Milka Krem para makita ng publiko ang process [bilang isang techno-demo store],” paliwanag niya.

Dagdag pa rito, may mga bagong produktong gawa sa gatas ng kalabaw ang dapat asahan, “Earlier this year, naglabas ng bagong Milka Krem products. Mayroon nang Melon, Pandan, at Strawberry-flavored milk. For the next years, mag-explore pa rin kami sa product development, lalo na sa ice cream–yung hindi gelato, tsaka Milk Tea,” ani Dr. Saludes. 

Itsura ng Milka Krem at UPLB sa labas at sa loob. Larawang kuha ni Jeremie Marinella Ledesma.

Sa panahon ngayon, kahit maraming hirap at pagsubok, maaring pa ring balikan ang mga alaala ng pagkabata. Kung dati ay maglalakad ka sa mapupunong kalsada para lang sa paborting choco milk, ngayon ay matatagpuan sa maaliwalas na kalawakan ng Freedom Park ang Milka Krem at UPLB. 

Mula noon, hanggang ngayon, sa bawat higop ng malamig na gatas o bawat lasap ng sorbetes, tila naglalaho ang pagod at napapalitan ito ng simpleng saya na nagdadala ng kapahingahan, hindi lamang sa mga bata at estudyante, ngunit kahit sinong itinuturing na tahanan ang Elbi.