Anti-VAWC Law tinalakay sa UPLB Pre-Law Soc webinar

Ulat ni Andie Francheska Cua

Tinalakay ang mga probisyon ng Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC) Law sa PARALUMAN: Paralegals for Rights, Awareness, Literacy, and Unity of Women Online Orientation na isinagawa ng UPLB Pre-Law Society noong Nobyembre 24, 2025, bilang bahagi ng paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women (IDEVAW).

Si Atty. Urane Maambong-Singh ang nagsilbing tagapagsalita at nagbigay-linaw sa legal framework ng Anti-VAWC Criminal Law, kabilang ang mga hakbang na maaaring gawin ng mga biktima ng pisikal, emosyonal, at sekswal na abuso upang makakuha ng proteksyon at magsulong ng kaso. Tinalakay niya ang mga legal na remedyo tulad ng protection orders, pag-file ng reklamo, at ang mga ahensyang maaaring lapitan ng mga survivor.

Inanunsyo rin ng Pre-Law Society ang nalalapit na 1 Billion Rising Dance Mob na gaganapin sa Oble Park sa Nobyembre 25, 2025, 5:00 PM, bilang pagpapatuloy ng mga aktibidad na nagtataas ng kamalayan laban sa karahasan sa kababaihan. Ito rin ang unang araw ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW), isang pambansang kampanya na pinangungunahan ng Philippine Commission on Women (PCW).