Bagyong Uwan, nagdulot ng pagbaha at landslide sa ilang bahagi ng Laguna; malawakang paglikas, isinagawa

UPDATED AS OF 5:30 PM, November 10, 2025

Bagamat nakalabas na sa kalupaan ng Pilipinas ang Bagyong Uwan ngayong Lunes, Nobyembre 10, kasalukuyang nakataas pa rin ang storm signals sa maraming lugar sa Luzon. Nakataas ang Signal No. 2 sa maraming bahagi ng Region 2, Region 1, CAR, at Region 3; at Signal No. 1 sa mga bahagi ng Region 2, Region 1, Region 3, NCR, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Region.

Sa probinsya ng Laguna, kung saan kasalukuyang nakataas ang Signal No. 1, nararanasan pa rin ang pabugso-bugsong hangin at ulan. Naitala bilang casualty ang isang babae mula sa Famy, Laguna na nasaktan nang matamaan ng lumilipad na yero.

Ayon sa mga Situation Report na inilabas ng Laguna Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), naranasan ang pagbaha sa maraming bahagi ng probinsya, bunsod ng malakas na ulan. Naitala ang may 3 ft o higit pang taas ng baha sa ilang bahagi ng Famy, Paete, Siniloan, at Sta Cruz; 2 ft na lalim ng baha sa ilang lugar sa Bay, Siniloan, Mabitac, Lumban, at Sta. Cruz; at 1ft o mas mababang baha sa ilang bahagi ng San Pedro,  Victoria, Bay, Pakil, Sta Cruz, Siniloan, Famy, at Mabitac. Nananatili pa ring lubog sa baha ngayong araw ang ilang bahagi ng Siniloan, Bay, Mabitac, at iba pang mga lugar sa lalawigan.

Lubog pa rin sa baha ang ilang bahagi ng National Highway sa Bay, Laguna. Contributed video, courtesy of DZLB News

Matatandaang nagbabala noong Nobyembre 8 ang Laguna Lake Development Authority tungkol sa mataas na antas ng tubig sa lawa, dahil sa mga naranasang ulan sa mga nakaraang buwan.

Batay pa rin sa Laguna PDRRMO, nagkaroon ng pagguho ng lupa sa Brgy. Sta Rosa, Alaminos at sa Brgy Suba, Majayjay; habang nasunog naman ang isang gusali sa Los Banos. Naitala rin ang ilang insidente ng pagbagsak o pagkabunot ng mga puno at poste ng kuryente sa Mabitac, San Pedro, at Cabuyao.  May anim na indibidwal din ang na-stranded sa Sta Cruz, at nailigtas din kagabi.

Dahil sa mga insidente ng pagbaha, hindi pa rin madaanan ng sasakyan ang ilang mga daan at tulay sa San Pablo, Cavinti, Paete, San Pedro, Sta Cruz, Famy, at Mabitac. Hindi pa rin naibabalik ang kuryente sa mga bahagi ng Cavinti, Liliw, San Pablo,  Pangil,  Pakil, Lumban, Pagsanjan, Famy at Mabitac.

Nagsagawa ng clearing operations sa Paete, Laguna, upang matanggal ang water lily at basura na inanod ng tubig mula sa Laguna de Bay papunta sa kalsada. Photo courtesy of PIA Calabarzon.

Samantala, may 10,179 na pamilya o 35,771 na indibidwal ang lumikas dahil sa bagyo, batay sa ulat ng Laguna PDRRMO ngayong Nobyembre 10. Sa mga ito, 10,115 na pamilya o 35,592 katao  ang nagtungo sa mga evacuation centers ng mga lokal na pamahalaan, habang 64 na pamilya o 179 indibidwal ang nagtungo sa ibang lugar. Pinakamarami ang bilang ng mga lumikas sa mga bayan ng Binan (4,882 katao), Bay (3,653 katao), at Cabuyao (2791 katao).  Nabigyan ng pagkain at hygiene kits mula sa mga probinsyal at lokal na pamahalaan at DSWD ang mga lumikas.

Nasira ng malakas na hangin ang Christmas tree, mga tent at lamesa sa isang food park sa Los Banos. Photo by LB Times.

Suspendido pa rin ang klase sa lahat ng antas hanggang bukas, Nobyembre 11, batay sa utos ng pamahalaang panlalawigan.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng monitoring at koordinasyon ng PDRRMO at mga lokal na city at municipal DRRMOs upang bantayan ang lagay ng panahon, magsagawa ng clearing operations, at rumesponde sa mga insidente.

With inputs from Laguna PIO and PAGASA.