Bilyones na budget cut sa sektor ng edukasyon, inalmahan ng UPLB community

Ulat nina Lilianna Nicole De Asis at Gabrielle Grace Fernandez

Mga mag-aaral mula sa College of Development Communication, nagmartsa patungong Carabao Park para sa decentralized mobilization ng unibersidad. (Lilianna Nicole De Asis/LB Times)

Sumadsad sa P2.08 bilyon ang badyet na itinapyas mula sa University of the Philippines (UP) System na naitala bilang pinakamalaking bawas sa loob ng siyam na taon kasunod ng pagpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2025 General Appropriations Act (GAA) noong Disyembre 30, 2024. Isa ito sa mga pangunahing agenda na ipinaglaban ng komunidad ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) sa ginanap na #UPLBWalkout noong Setyembre 19, 2025.

Bagaman ang 2025 UP Budget ay may pagtaas sa Personnel Services (P636.08M) at may bahagya lamang na pagbaba sa Maintenance and other operating expenses (P42.27M), lubhang natapyasan naman ang capital outlay o mga pagpapagawa ng mga pasilidad (P2.67B).

Partikular sa UPLB, kapansin-pansin ang mababang badyet para sa mga pangunahing pasilidad gaya ng inilaang P20M para sa pagkumpleto ng dormitoryo para sa graduate students, P20M para sa pagtatapos ng Phase 3 ng Nanoscience and Technology Facility, at ang mas mababang P15M para sa rehabilitasyon at pagtatapos ng Phase 3 ng gusali para sa dairy production ng Dairy Training Research Institute (DTRI).

Dagdag pa rito, ang mga sumusunod naman ang mga budget cuts sa iba pang mga ahensyang pang-edukasyon:

  • P27B – Commission on Higher Education (CHED)
  • P16B – Department of Education

Noong ginanap na walkout, iba’t ibang sektor at kolehiyo sa UPLB ang nagpasimula ng malawakang kilos-protesta bilang pagtutol sa sistematikong korapsyon na nararanasan ng bansa.

Pahayag ng isang concerned na mag-aaral mula sa College of Development Communication (CDC), isa ang UPLB sa mga may pinakamababang pondo, kahit isa ito sa pinakamalalaking kampus sa buong UP system. Dahil dito aniya, makatuwiran lamang ang pag-aalsa ng mga estudyante laban sa hindi makatarungang budget cut. 

“Tama lang na makisama sa mga walkout kasi before being a student, mamamayan ka rin,” giit niya pa.

Binigyang-diin naman ni JL Nabulneg mula sa Councilor mula sa UPLB University Student Council (USC) ang mga manipestasyon ng kakulangan sa pondo ng unibersidad. Ayon sa kanya, hindi sapat ang bilang ng mga imprastraktura at pasilidad na nararapat na natatamo ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.

“Ang dami pa rin po nating mga basic student services na hindi pa po natin nakakamtan, katulad po ng SLAS at SAGA. Lahat iyon ay kinakailangan pa po nating kumuha from the external funds para lang po siya mapondohan,” dagdag pa niya.

Ang UPLB Walkout Protest ayna nilahukan diumano ng humigit-kumulang 7,000 mag-aaral mula sa walong kolehiyo ng unibersidad. 

This slideshow requires JavaScript.

Inorganisa ito ng UP Action Los Baños na layong pag-isahin ang tinig ng mga estudyante, guro, kawani, at opisyal ng UPLB, gayundin ang mga kalapit na sektor at komunidad.

Panawagan naman naman ni JLo Tandang, isang USC representative mula sa College of Agriculture and Food Science (CAFS), dahil rito ay hinihikayat niya rin na pakinggan ng administrasyon ng unibersidad ang mga daing ng mga estudyante at kawani na bumubuo rito.

“Heed our calls, at talagang sundin kung ano nga ba talaga ang pangangailangan dito sa UP Los Baños,” aniya.

Ipinunto naman ni Jade Lumabi, Chairperson ng College of Economics and Management (CEM) Freshman Council, para sa mga kapwa mag-aaral, na hindi dapat matapos sa isang walkout lamang ang mga ganitong panawagan. Ayon sa kanya, mahalagang ipagpatuloy ang ganitong pagkilos at pagkalampag sa gobyerno upang managot ang mga nasa posisyon.

“Sana busisiin, suriin, at halungkatin. Kasi ang nangyayari, nakakalimutan,” saad niya. Dagdag niya pa, subalit may external audits o panlabas na pagsisiyasat sa pondo, hindi pa rin ito epektibo at patuloy pa ring nadaraya.

Mga Sanggunian:

https://phkule.org/article/1361/up-faces-p208-billion-budget-cut-for-2025-largest-in-at-least-20-years/

https://www.tinigngplaridel.net/up-budget-2025/

https://tinyurl.com/UPActionLB

https://www.dbm.gov.ph/wp-content/uploads/GAA/GAA2023/VolumeI/SUCS/A.pdf