Binhi ng pag-asa

Ulat nina Ken Vincent Laoreno, Nicole Brosas, at Darlene Shien Flores

SUMIBOL ANG PAG-ASA. Isa sa mga pinagpapasalamat ni Ate Rita sa MASIPAG ay ang natulungan siya nitong mapalago ang kanyang negosyong Chicharon Mushroom na mula mismo sa kanyang pananim na organic mushroom sa Lucena, Quezon. (Darlene Shien Flores/LBTimes)

Isa si Clarita Exconde o Ate Rita sa libo-libong benepisyaryo ng Collection, Identification, Maintenance, Multiplication and Evaluation (CIMME) Program ng organisasyong Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura (MASIPAG). Ayon sa kanya, malaki ang naitulong nito upang malinang ang kanyang kaalaman at kasanayan sa organikong pagsasaka.

Ngunit nilinaw ni Ate Rita na hindi ang benepisyong ito ang naging pangunahing dahilan ng paglahok niya sa programa. Bagkus, ang kawalan ng sariling lupang sakahan, mataas na presyo ng mga binhi sa merkado, at ang kasalukuyang banta sa seguridad ng pagkain sa Pilipinas ang nagtulak sa kanya upang maging miyembro ng CIMME.

Benepisyo ng CIMME Program

Sa limang taong pagiging miyembro ni Ate Rita sa CIMME, binigyan siya ng programa ng pagkakataong makapagsaka at makapagtanim ng mga binhi nang walang iniintinding bayarin—taliwas sa dati niyang karanasan na nangungupahan sa mga lupang sakahan sa Lucena, Quezon.

“Tinulungan ako ng programa na magkaroon ng akses sa aming trial farm sa Lucena, gayundin ng sariling binhing itatanim na nagmula mismo sa MASIPAG,” sabi ni Ate Rita.

Kwento pa niya, ang mga nakukuha niyang binhi ay kanyang napaparami at napapalahi, na nagreresulta sa kakayahan niyang makapagprodyus ng sarili niyang mga binhi at hindi na kailangan pang bumili sa merkado.

Ang aktibong paglahok niya rin sa CIMME ang nagbunsod upang makalikha siya ng sariling kabuhayan at negosyo. Sa kasalukuyan, ang mga bunga ng binhing mushroom na kanyang naparami at napalahi ay ginagawa niyang “chicharon mushroom” na pangunahing pinagkakakitaan at pinagkukunan niya ng suportang pinansyal para sa kanyang pamilya.

Bilang bahagi ng tungkulin ng CIMME, isinusulong din ng programa ang likas-kayang pagsasaka o sustainable farming system na makakatulong upang palakasin ang seguridad at suplay ng pagkain sa bansa.

Ayon kay Ate Rita, naninindigan silang mga miyembro ng CIMME na ang likas-kayang pagsasaka at ang pagpapanumbalik ng tradisyunal na pamamaraan ng pagtatanim ang sagot sa krisis na kinakaharap ng Pilipinas ukol sa kasiguraduhan ng suplay ng pagkain.

Base sa paliwanag niya, napapansin nila na kapag walang halong kemikal ang lupa, mas mabilis tumubo ang binhi at mas maganda ang bunga nito. “Kung kaya ni isang kurot ng kemikal, hindi namin ito ginagamitan. At dahil nga organiko ang aming pananim, nakakasiguro kami na ligtas ang aming kinakain at may maayos kaming suplay ng pagkain,” aniya.

MALAYANG PAGSASAKA. Mga Magsasaka ng MASIPAG na sama-samang nagtatanim sa isang trial-farm sa Cordillera Region. (MASIPAG/Facebook)

CIMME para sa organikong pagsasaka

Ang CIMME Program ay inisyatibo ng MASIPAG, isang pambansang ugnayan ng mga maliliit na magsasaka at iba’t ibang organisasyong pang-agrikultura na nagsusulong ng malayang pagsasaka.

Pangunahing layunin ng programa na hubugin ang kaalaman at kasanayan ng mga magsasaka sa organikong pagtatanim, at sa tradisyunal na pagpaparami at pagpapalahi ng mga binhi. Para sa MASIPAG, ang pagbabalik sa tradisyunal at organikong produksyon ng mga binhi ay isang mabisang hakbang upang gawing mas abot-kaya ang pagsasaka sa Pilipinas.

Ayon kay Tani Famador, isa sa mga advocacy staff ng MASIPAG, nagmumula ang mga binhing ipinamamahagi nila sa kanilang sampung back-up farms na matatagpuan sa buong Pilipinas.

“From our national back-up farms, pinapalahi at pinaparami namin ang mga binhi—sabay-sabay namin itong i-cu-cultivate. Pagkatapos, kokolektahin namin yung [iba’t ibang] variety of seeds, then ito yung ipapamahagi namin sa aming mga miyembro upang palahiin naman nila sa kani-kanilang trial farms,” sabi ni Tani.

Base sa kwento ni Ate Rita, ang mga trial farms ang nagsisilbing lupang sakahan ng mga benepisyaryo ng CIMME upang pagtamnan ng mga binhi. Sa kasalukuyan, mayroong 188 trial farms sa bansa na kolektibong pagmamay-ari ng iba’t ibang people’s organization o samahang pang-agrikultura na katuwang ng MASIPAG sa kanilang adbokasiya para sa malayang pagsasaka.

Sa proseso ng pagtatanim, sinusukat nila ang adaptability rate ng bawat binhi batay sa kondisyong agroclimatic at uri ng lupang mayroon ang isang trial farm. Ito ay upang matukoy kung aling binhi ang pinakaangkop sa isang partikular na lugar.

Susundan ito ng tradisyunal na pagpapalahi ng mga binhi o ang tinatawag nilang seed breeding—isang paraan ng pagsasalin ng isa o ilang magagandang katangian mula sa isang binhi patungo sa kaparehong uri upang makalikha ng panibagong lahi na may dalawa o higit pang kanais-nais na katangian.

Sa kaso ni Ate Rita, napalahi nila ang iba’t ibang barayti ng palay at mushroom sa kanilang trial farm sa Lucena. Ang mga binhing ito ay ibinabahagi rin nila sa iba pang magsasaka ng MASIPAG upang itanim at sukatin ang adaptability rate nito sa kani-kanilang trial farms.

Kwento ni Ate Rita, “May tinatawag kaming bahagian ng binhi. Kung anong binhing napadami namin sa trial farm namin ay ibinabahagi namin, kunwari sa mga magsasaka sa Nueva Ecija at Surigao. Tapos, kung ano naman yung binhing napadami nila, bibigyan nila kami at ita-try namin kung kaya nitong mabuhay sa aming trial farm.”

Ayon kay Famador, isa rin sa mga layunin ng CIMME Program ang itaguyod ang karapatan ng mga Pilipinong magsasaka sa binhi, sa gitna ng banta ng pagmonopolyo at pagpatente nito sa Pilipinas.

Sa katatapos na Binhi Conference 2024 ng MASIPAG, tinalakay ni Eliseo Ruzol Jr., miyembro ng organisasyon, na ang monopolyo at patente ng mga binhi ang dahilan kung bakit lalo pang nababawasan ang kita ng mga magsasaka, dulot ng tuloy-tuloy na pagbili nila ng binhing pagmamay-ari ng mga pribadong korporasyon.

“Para sa MASIPAG, ang binhi ay buhay. Dapat magkaroon ng akses ang bawat magsasaka sa binhi upang matamo nila ang seed security at sovereignty,” aniya.

Sa karanasan ni Ate Rita, lubhang nakaaapekto ito sa kanya dahil nagiging limitado at nawawalan sila ng karapatang magkaroon, magtabi, at magparami ng binhi dulot ng mataas na presyo sa merkado.

Kwento niya, “Hindi ka puwedeng magpalahi ng binhi kung iilan lang ang mayroon ka, dahil ang proseso nito ay mabusisi at komplikado.” Dagdag pa niya, ang mga binhi rin sa merkado ay nangangailangan ng dagdag-gastos upang maparami at mabuhay sa lupa—tulad ng sintetikong pataba at kemikal na pestisidyo na parehong mahal at lubhang delikado sa kalikasan.

Kaya’t kasama ng MASIPAG, naninindigan si Ate Rita para sa pagtigil sa monopolyo at patente, at pagsusulong ng kolektibong pagmamay-ari ng mga binhi sa Pilipinas.

Sa katunayan, nailunsad ang CIMME Program bilang isang kampanya na nananawagan sa pagpapasara ng mga korporasyon at pribadong institusyong nag-aalis sa mga magsasaka ng karapatang magkaroon ng malayang akses sa mga binhi sa bansa.

“Habang nakikinabang ang mga dambuhalang korporasyon na ginagawang negosyo ang mga binhi, nalalagay naman sa alanganin ang kabuhayan ng mga magsasaka,” sabi ni Ruzol Jr.

PANAWAGAN NI ATE RITA. Naniniwala si Ate Rita na ang solusyon para maging abot-kamay ang pagsasaka sa Pilipinas ay ang patuloy na paggiit sa pagpapahinto ng pagmomonopolyo at pagsasapribado ng mga binhian sa bansa. (MASIPAG/Facebook)

“Walang mahirap na magsasaka”

Dulot ng patong-patong na problemang kinakaharap ng mga Pilipinong magsasaka tulad ni Ate Rita, naniniwala siya na magiging mainam para sa mga lupang sakahan sa Pilipinas kung ito’y magiging organiko.

Ayon sa kanya, ang pagbabalik sa tradisyunal na paraan ng pagtatanim at pagpapalahi ng binhi ay isang epektibong hakbang upang lumaki ang kita ng mga maliliit na magsasakang Pilipino at mapalakas ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Sa kabuuan, ang CIMME Program ng MASIPAG ay nagsilbing lunsaran ng diskurso hinggil sa tunay na repormang agraryo na kinakailangan ng bansa—lalong-lalo na ang pagbabalik ng kontrol sa mga binhi sa kamay ng mga Pilipinong magsasaka, na unti-unting nawawala dulot ng monopolyo ng mga pribadong korporasyon.

Ayon nga kay Ate Rita, “Kung bibigyang suporta ng gobyerno ang mga ganitong programa tulad ng CIMME, walang mahirap na magsasaka.”