Ulat ni Julia Malabanan
“Imulat. Organisahin. Pakilusin.” Ito ang naging panawagan sa Batayang Kurso ng Kababaihang Pilipino (BKKP), bilang bahagi ng paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women (IDEVAW), na ginanap noong Nobyembre 20, 2025 sa SU Building, UP Los Baños, Laguna. Layunin ng talakayan na palalimin ang pag-unawa sa kasaysayan at tungkulin ng kababaihang Pilipino sa pambansang pag-unlad.
Ipinaliwanag ni Jianred Faustino, mula sa Gabriela Women’s Party, kung paano patuloy inaapi ng sistemang imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo ang kababaihan. Binigyang-diin ni Faustino na ito ang dahilan sa kawalan ng kapangyarihan, kabuhayan, at oportunidad para sa kababaihan. Lininaw din niya na mahalaga ang pagkilala sa kababaihan bilang sektor na may kontribusyon sa politika, ekonomiya, at paghubog ng lipunan, labas sa nakasanayang papel na ang babae ay para lamang sa tahanan.
Maliban dito, tinalakay din ang kasaysayan ng pakikibaka ng kababaihan mula sa panahong pre-kolonyal hanggang sa rebolusyong kilusan na mga organisasyong tulad ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA)–na pinangunahan ni Lorena Barros.
Patuloy pa rin ipinaglalaban ang mga kontemporaryong isyu tulad ng diskriminasyon sa trabaho at kakulangan ng kinatawan sa politika. Dagdag pa rito ang konsepto ng “sex work is work” at “my body, my choice,” kung saan hindi lahat ng kababaihan ay kaalyado at malawak ang pag unawa rito.
Nanawagan ang GABRIELA Youth-UPLB at GABRIELA Southern Tagalog na imulat ang mata ng masa, organisahin ang hanay, at pakilusin ang mga kababaihan upang makamit ang tunay at inklusibong pag-unlad ng lipunang Pilipino.

Ang mga kasalukuyang miyembro ng GABRIELA Youth-UPLB kasama si Jianred Faustino, instruktor mula sa GABRIELA Women’s Party (pangalawa mula sa kaliwa). Larawang kuha ni Julia Malabanan.
Ang nasabing Batayang Kurso ng Kababaihang Pilipino (BKKP) ay isinagawa sa pangunguna ng GABRIELA Youth-UPLB at GABRIELA Southern Tagalog.