Ulat ni Andie Franchesca Cua
Tumindig ang Brgy. Mayondon bilang kampeon ng Bayle sa Kalye 2025, tampok na street dance showdown ng ika-24 na Bañamos Festival noong Setyembre 19. Nakamit din nila ang mga karangalang Best in Costume, Best in Street Dance, at Best in Showdown.
Ginanap ang kompetisyon mula Los Baños Central Elementary School hanggang General Paciano Rizal Park at nilahukan ng iba’t ibang barangay. Dinagsa ito ng mga manonood at tagasuporta na nakisaya sa makulay na parada at masigabong pagtatanghal.
Layunin ng Bayle sa Kalye at ng iba pang programa na ipakita ang pagkakaisa ng komunidad at suportahan ang patuloy na pag-unlad ng turismo at kultura sa Los Baños. Sa bawat hakbang at galaw ng mga kalahok, ipinamalas ng mga barangay na maipahayag ang kanilang kultura at tradisyon. Sa saliw ng musika, naging pagkakataon ito upang muling maipakita ang kahalagahan ng sining ng sayaw sa lokal na pagdiriwang.
